05 April 2016

SAGOT SA "Ang mga nagtitiwalag ang masasama at ang mga itinitiwalag ang mabuti.""



Sagot sa mga Tanong, Paratang at Paninira
sa Iglesia Ni Cristo
006


Tanong:

“Ang mga nagtiwalag ang masasama at ang mga itiniwalag ang mabuti. Kaya wala nang bisa ang pagtitiwalag ngayon ng Pamamahala.”

  
Sagot:


Dito ay pinalalabas na “hindi makatarungan” at “walang bisa” ang “pagtitiwalag” sa kanila dahil ang nagtiwalag daw ang “masama” at ang sila daw na mga itiniwalag ang “mabuti.”            Sa ikalilinaw ng ating pagtalakay, alamin muna natin ang pagtuturo ng Biblia kung sino ang itinuturo ng Banal Na Kasulatan na “masama” at kung sino ang itinuturo ng Banal Na Kasulatan na “mabuti.”


ANG MABUTI AT ANG MASAMA AYON SA BIBLIA

Ang “mabuti” at “matuwid” ayon sa Biblia ay ang “Kautusan ng Diyos”:

Roma 7:12
“Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.”

Kaya, sa Banal Na Kasulatan, ang “mabuti” o “matuwid” ay ang sumusunod sa mga utos ng Diyos. Sa kabilang dako, ano ang sinasabi ng Biblia ukol sa “paglabag” o “pagsalangsang” sa kautusan ng Diyos? Ganito naman ang mababasa natin na pagtuturo ng Banal Na Kasulatan:

I Juan 3:4
“Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan.”

Ang “kasalanan” ay “pagsalangsang” (“paglabag”) sa kautusan ng Diyos. Kaya, ang “masama” at “buktot” sa harap ng Diyos ay ang “lumalabag o sumasalangsang sa Kaniyang mga utos.”

Samakatuwid, maliwanag na ang “mabuti” ay ang sumusunod sa mga utos ng Diyos, at ang “masama” ay ang lumalabag sa kautusan ng Diyos. Kaya, ang katuparan ng sinasabi ng Biblia na “BALIKTAD ANG PAG-IISIP” ay ang sumusunod sa utos ng Diyos ang tinatawag na “masama” at ang sumusuway sa utos ng Diyos ang tinawag na “mabuti.”


BAKIT ITINIWALAG ANG MGA PASIMUNO AT NANGUNGUNA
NGAYON SA PAGLABAN SA PAMAMAHALA?

Sa nakaraan ay sinagot natin ang tanong na iyan. Nakita natin na hindi totoo kundi malaking kasinungalingan at panlilinlang lamang ang pagsasabing sila’y itiniwalag dahil sa pagbubunyag ng katiwalian at sila raw ay walang sala. Isang katotohanan na marami sa mga pasimuno at nangunguna sa kanila ay itiniwalag sa panahon pa ni Ka Erdy na itiniwalag dahil sa imoralidad , paglabag sa aral ng Diyos, at pamumuhay ng labag sa pagka-Cristiano.

Ang mismong video na ini-upload ng mga nangunguna sa kanila noong July 2015 sa Youtube ay matibay na ebidensiya ng kanilang paglabag sa aral ng Diyos – hayag dito ang kanilang pagsisinungaling at panlilinlang. Ang pagsisinungaling ba at panlilinlang ay hindi malaking kasamaan sa harap ng Diyos?

Kung natiwalag dahil sa pakikiapid, estafa at illegal recruitment (nanoloko sa kapuwa), pagsisinungaling at panlilinlang, tama bang sabihin na “mabuti” ang mga itiniwalag na ito? BALIKTAD ANG ISIP NG NAGSASABING ANG MGA ITINIWALAG AY “MABUTI” GAYONG ITINIWALAG SILA DAHIL SA PAKIKIAPID, KAHALAYAN, PANLOLOKO SA KAPUWA, PAGSISINUNGALING AT PANLILINLANG.


BAKIT ITINIWALAG ANG MGA NAPAPANIWALA NG
MGA KUMAKALABAN SA PAMAMAHALA?

Pinapaniwala ng mga manlilinlang (ang mga itiniwalag din na lumalaban ngayon sa Pamamahla) na ang ibang natiwalag (ang mga napapaniwala ng mga pasimuno at nangunguna sa mga tiwalag na lumalaban ngayon sa Pamamahala) na “nagtatanong lamang daw sila ay itiniwalag na. Ang pagsasabing sila’y nagtatanong lamang subalit itiniwalag na ay isa ring malaking kasinungalingan at panlilinlang. Sa bagay ang mga itiniwalag lang naman ang nagsasabi nito sa layuning linlangin ang mga “mapapaniwalain” na sila’ walang katarungang itiniwalag.

Gusto nilang papaniwalain ang mga tao na “wala silang sala” at “mabubuti” ang mga napapaniwala ng mga tinatawag ngayon na mga “Fallen Angels.” Pinalalabas nilang “nagtatanong” lang daw sila? Totoo bang “nagtatanong” nga lang sila?

  
Isa bang nagtatanong lamang ang magsabing ang banal na pagsamba sa Diyos ay “Utuan na lang talaga eh”. Isang baliktad lang ang kaisipan na sabihing “mabuting Cristiano” ang nagpahayag ng ganitong paglapastangan sa banal na pagsamba.

 
Lapastangan na sa banal na pagsamba, lapastangan din sa mga nangangasiwa ng banal na pagsamba sa Diyos, ang mga ministro sa loob ng Iglesia.

 
Pati sa Pamamahala ng Iglesia ay tunay na lapastangan na sila. Tinawag ang Pamamahala na “Halimaw.” Ang totoo ay hindi na kaila sa atin kung paano na nila tuwirang nilalapastangan ang Pamamahala ng Iglesia.

 
Ang totoo ay pinili natin ay mga medyo “mild” pa kumpara sa iba. Ang mga ito ay pawang paglapastangan at pamumusong. Kung sa mga “tiwalag na kumakalaban sa Pamamahala” ay mabuting tao pa rin ang mga ganito kalapastangan at namumusong, ngunit hindi sila sinasang-ayunan ng Biblia. Ganito ang pahayag ng Banal Na Kasulatan ukol sa ganitong mga tao:

II Pedro 2:4,10,11-12
4Sapagka't kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila'y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom;
10Datapuwa't lalong - lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop.  Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo:
11Samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagtataglay ng paghatol na may alipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon. 12Datapuwa't ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol.

Ang “gawa ng laman” ay kasalanan, kaya ang napopoot sa pagkasakop, pangahas mapagsariling kalooban at hindi nangatatakot magsi-alipusta sa mga pangulo ay nasa “gawa ng laman” o kasalanan. Tinawag sila ng Banal Na Kasulatan na “kinapal na walang bait,” na mga “talagang hayop” at ayon pa sa mga apostol ay “walang pagsalang lilipulin.” Ngunit, sa mga tiwalag na kumakalaban sa Pamamahala, sila raw ang “mabubuti”. Sino ngayon ang baliktad ang isip?


IPINATITIWALAG NG DIYOS ANG MGA
LAPASTANGAN O NAMUMUSONG

Ayon sa Biblia, ano ang dapat gawin ng mga Namamahala sa Iglesia sa mga lapastangan o “namumusong”? Ganito ang ginawa noon ni Apostol Pablo sa mga lapastangan o namumusong:

I Timoteo 1:19-20
19Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito'y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya: 20Na sa mga ito'y si Himeneo at si Alejandro; na sila'y aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag mamusong.

Ang sabi ni Apostol Pablo ay “aking ibinigay kay Satanasm upang sila’y maturuang huwag mamusong. Papaano “ibinibigay kay satanas” ang mga pangahas, lapastangan at namumusong? Ganito ang sagot ni Apostol Pablo:

II Corinto 2:13 NPV
Gayunman, hindi rin natahimik ang aking isipan pagkat hindi ko nakita roon ang kapatid kong si Tito. Kaya nagpaalaman na ako sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.

Ang paglapastangan o pamumusong ay tinawag ni Apostol Pedro na mga “kinapal na walang bait” at mga “talagang hayop” – subalit sa mga tiwalag na kumakalaban ngayon sa Pamamahala ay sila pa ang “mabuti.” Ang utos ng Diyos na ginawa ng mga Namamahala noon sa Iglesia sa mga taong pangahas, lapastangan at namumusong ay “ibinibigay kay satanas” o itinitiwalag sa Iglesia – subalit sa mga kumakalaban ngayon sa Pamamahala ay “mali” na itiwalag dahil “nagtatanong” lang naman daw. Kaya, di ba't malinaw na sila ang baliktad ang isip?

Kung hindi man ang isang tao ay siya mismo ang gumagawa ng pamumusong o paglapastangan laban sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia, subalit sumusuporta siya at tumutulong sa kanila, ito man ay kasamaan sa harap ng Diyos.


ANG KASAMAAN NG HINDI PAGPAPASAKOP
SA PAMAMAHALA NG IGLESIA

May utos ang Panginoong Diyos na tumalima at pasakop sa Namamahala sa atin:

Hebreo 13:17
17magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.

Dapat tumalima at pasakop sapagkat ang Panginoong Diyos ang naglagay ng Pamamahala sa loob ng Iglesia:

Colosas 1:25
Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa  inyo upang maipahayag  ang salita ng Dios.

Ang paglaban at pag-upasala laban sa lider sa bayan ng Diyos, ay paglaban at pag-upasala laban sa Diyos:

Exodo 16:2,7-8
2At inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron sa ilang:
7At sa kinaumagahan, ay inyo ngang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; sapagka't kaniyang naririnig ang inyong mga pagupasala laban sa Panginoon: at ano kami, na inyo kaming inuupasala? 8At sinabi ni Moises, Ito'y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka't naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.

Tunay na baliktad ang kaisipan ng magsasabing ang mabuti ay lumalaban at nag-uupasala laban sa lider sa bayan ng Diyos, at ang inuupasala na Namamahala sa bayan ng Diyos ang masama.


KONLUSYON

Ang pagtitiwalag sa mga lumalaban, umaalipusta at namumusong laban sa Pamamahala ng Iglesia ay utos ng Diyos na nakasulat sa Biblia na ginawa ng mga apostol noon sa unang Iglesia. Ang pag-alipusta, pamumusong at paglaban sa Pamamahala ay isang malaking kasamaan sa harap ng Diyos sapagkat ang katumbas nito ay pamumusong, pag-alipusta at paglaban sa Diyos mismo.

Dahil sa sinabi nila na ang nagtitiwalag sa mga umaalipusta, namumusong at lumalaban sa Pamamahala (na ayon sa Biblia ay pamumusong, pag-alipusta at paglaban sa Diyos mismo) ang sinasabi nilang “masama” at ang mga itiniwalag na umaalipusta, namumusong at lumalaban sa Pamamahala ang sinasabi nilang “mabuti,” KAYA DITO NAHAHAYAG NA TUNAY NA BALIKTAD NA ANG KANILANG KAISIPAN AT BALUKTOT NA ANG KANILANG PANGANGATUWIRAN.


THE IGLESIA NI CRISTO
Facebook.com/TheIglesiaNiCristo     theiglesianicristo.blogspot.com
Sagot sa Tanong, Pagtuligsa at Paninira sa Iglesia Ni Cristo
PART 006




1 comment:

  1. kung sakaling kayong mga natiwalag ang mabuti at ang Pamamahala ang masama..sa mga aral pa lamang na binabanggit at itinuturo ninyo, maging sa mga doktrina na itinataguyod ninyo - MALIWANAG kung sino ang dapat naming sundin. salamat po ng marami sa Pamamahalang walang sawang nagtuturo ng daang dapat naming lakaran.

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)