05 March 2016

Sagot sa "Bakit itiniwalag sina Tenny, Angel, Lottie at Marc gayong wala namang kasalanan?"



Sagot sa mga Tanong, Paratang at Paninira
sa Iglesia Ni Cristo


Tanong:
“Bakit Itiniwalag si Ka Tenny at sina Angel, Marc at Lottie gayong wala naman silang kasalanan?”


Sagot:
ANG pagsasabing sina Tenny, Angel, Marc at Lottie ay “itiniwalag na walang mabigat na kasalanan” ay isang pagmamaang-maangan sa katotohanan  na hayag na ngayon sa lahat.

Sila ay natiwalag pagkatapos na mag-upload sila ng video sa Youtube kung saan sina Angel at Tenny ay nagpahayag na nanganganib daw ang kanilang buhay, may sampung ministro diumano ang dinukot at nawawala, at paghikayat na “kumilos” ang mga kapatid sa Iglesia laban sa Pamamahala.

Hindi kasalanan ang pag-upload ng video sa Youtube, ngunit ang ginawa nila ay nagsinungaling, naghasik ng pagkakabaha-bahagi o pagkakampi-kampi, at paghikayat ng paglaban sa Pamamahala ng Iglesia. Sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo at nakaaalam ng mga aral na nakasulat sa Biblia, ang mga ito ay MALAKING KASALANAN sa harap ng ating Panginoong Diyos.


NAGSINUNGALING BA SILA?

Isang pagmamaang-maangan lamang ng mga kakampi nila ang pagsasabing hindi sila nagsinungaling sa nasabing video. Hayag na hayag ngayon na sila’y nagsinungaling:

(1) Ang pagsasabi ni Angel na nanganganib ang kanilang buhay ay SIYA MISMO ANG NAGPABULAAN. Dahil sa sinabi nila sa video ay dinagsa sila ng media at agad din na tumakbo ang mga pulis upang kung sakali ay sumaklolo, at pati na nga ang mayor ng lunsod ay dumating. Subalit si Angel mismo ang nagsabi sa mga pulis, media at sa mayor ng Quezon City na HINDI NANGANGANIB ang kanilang buhay. Natatandaan ba ninyo iyong pahayag ni Angel nang tanungin kung bakit nagpaskil sila sa bintana ng note” na nagsasabing sila ay “hostage” at humihingi sila ng saklolo? Ang sagot niya ay may isang bata lamang ang nagbibiro. TUNAY NA SINA ANGEL AY NAGSINUNGALING NA UMABALA PA SA MARAMI.

(2) Ang isa sa ikina-alarma ng mga miembro ng media at ng mga pulis ay ang may “involve” na isang matandang babae na sa nasabing video ay nagpahayag na “nanganganib ang aming buhay.” Ito ang malinaw na sinabi ni Gng. Tenny sa video na kanilang ini-upload sa Youtube. Dahil dito, takbo agad ang media at ilang mga tao sa No. 26 Tandang Sora (ang kinaroroonan ng kanilang tahanan). Sinikap noon ng media na makita at kung maaari ay ma-interview ang matandang babae sa video (si Gng. Tenny) sa pag-aakala na siya’y naroon sa Tandang Sora at kasama nina Angel at Lottie. Subalit ANG TOTOO PALA ay wala sa Pilipinas si Gng. Tenny kundi naroon sa Amerika kasama si Marc na ang “sarap-sarap” ng kalagayan nila doon (hindi naghahapbuhay ngunit binubuhay ng mga kapatid doon na kanilang napapaniwala). SI GNG. TENNY MISMO AY NAGSINUNGALING SA PAGSASABING “NANGANGANIB ANG KANIYANG BUHAY.”

(3) Nasaan na ang sinasabi nina Angel at Tenny sa nasabing video na “Sampung ministro” na dinukot? Hanggang ngayon ay hindi nila mailabas ang sinasabi nilang “sampung ministro” na dinukot, at ang kaisa-isang lumitaw na “ministro” na nagsasabing siya raw ay dinukot ay ngayon ay napatunayang kasabwat nila at isang pagsisinungaling din ang pagsasabing siya ay “ministro” sapagkat si Lowel Menorca II ay HINDI ministro. Sa huling cross-examine sa kaniya sa Court of Appeals ay inamin niya na walang threat sa kaniyang buhay at siya mismo ang nagpasinungaling sa mga ipinaparatang niya. MALIWANAG NA NAGSISINUNGALING DIN SINA ANGEL AT TENNY SA PAGSASABING MAY SAMPUNG MINISTRO NA DINUKOT.

Maliit na kasalanan ba ang pagsisinungaling? Hayaan nating Biblia ang sumagot sa ating katanungan. Ganito ang sinasabi ng Biblia sa Apocalipsis 21:8:

Apocalipsis 21:8
“Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at SA LAHAT NA MGA SINUNGALING, ANG KANILANG BAHAGI AY SA DAGATDAGATANG NAGNININGAS SA APOY at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Ang “sinungaling” ay “kalinya” ng kasuklam-suklam, mamamatay-tao, mapakiapid at mapagsamba sa diosdiosan. Ang sabi ng Biblia, “sa lahat ng mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nangniningas na apoy; na siyang ikalawang kamatayan.” Kaya ang “pagsisinungaling” ba ay isang maliit na kasalanan? Ano pa ang pinatutunayan ng Biblia ukol sa mga sinungaling? Sa Juan 8:44 ay ganito ang pahayag:

Juan 8:44
“Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin.  Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya.  Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.”

Hindi sa Diyos kundi sa kaaway ng Diyos, sa diablo, ang mga sinungaling sapagkat ang diablo ang ama ng mga sinungaling. Kaya, kung Biblia ang gagamiting sukatan at hindi ang “sariling opinyon” lamang, SA BIBLIA ANG PAGSISINUNGALING AY NAPAKASAMANG GAWA AT ANG SINUNGALING AY KABILANG SA MASAMA.


PAGHAHASIK NG PAGKAKAMPI-KAMPI
AT PAGLABAN SA PAMAMAHALA?

Malinaw na nagsinungaling sila sa pagpapahayag na nanganganib ang kanilang buhay at sa pagsasabing may sampung ministro ang dinukot at nanganganib pa nga raw ang buhay nila at ng kanilang pamilya. Ang tanong ay bakit sila gumawa ng ganitong pagsisinungaling.

Kung sasabihin ng mga nakikisimpatiya at ng mga supporters nila na “wala silang masamang layunin” ukol dito – HINDI ITO KAPANIPANIWALA.            Ngayong lumabas na ang katotohanan na pawang hindi totoo ang sinasabi nila ay hindi na nila masasabing “ibinubunyag lang nila ang totoong nangyayari” sapagkat sila Angel mismo ang umaming hindi naman nanganganib talaga ang kanilang buhay, si Gng. Tenny ay matagal nang nasa Amerika at ang “sarap” ng kaniyang buhay doon, at wala naman pala talagang “ministrong dinukot.” Dahil dito, hindi maitatangging MAY MASAMA SILANG LAYUNIN SA KANILANG PAGSISINUNGALING.

Naroon din sa nasabing video ay makikita natin ang kanilang layunin! Ang sabi kapuwa ni Angel at Gng. Tenny ay “tulungan ninyo kami sapagkat nanganganib ang aming buhay” at “tulungan ninyo ang sampung ministro na dinukot.” Lumalabas na pinasasama nila ang kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia sa pagpapalabas na pinagtatangkaan ang kanilang buhay at may sampung ministro daw na dinukot at dahil dito ay tulungan sila – tulungan sila laban kanino? Laban sa kasalukuyang Pamamahala sa Iglesia? Iyan nga ngayon ang malinaw nating nakita na lundo ng kanilang ginawa – ANG KUMUHA NG MGA KAKAMPI SA PAGLABAN SA PAMAMAHALA.

Maliit na bagay ba ang maghasik ng pagkakampi-kampi o pagkakabaha-bahagi? Maliit na kasalanan ba ito? Ganito ang pagtuturo sa atin ng Biblia:

Santiago 3:14-16
“Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo. Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.”

Ang “pagkakampi-kampi” ayon sa Biblia ay hindi karunungang bumababa mula sa itaas, kundi nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo. Sinasabi din ng Biblia na “kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.” Ang kanilang pagkaladkad sa Iglesia sa media ay nagbunga na katitisuran sa ilang mga kapatid at ng maling impresiyon sa Iglesia ng ibang nagmamasid.

KAYA SA BIBLIA ANG PAGHAHASIK NG PAGKAKAMPI-KAMPI O PAGKAKABAHA-BAHAGI AY GAWANG MASAMA AT ANG GUMAGAWA NITO AY MASAMA. Ano rin ang sinasabi ng Biblia sa mga lumalaban sa Pamamahala?

II Pedro 2:10
10Datapuwa't lalong - lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop.  Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo:

Napansin ba ninyo na ang paghahasik ng pagkakampi-kampi ay nauukol sa laman, at ang napopoot sa pagkasakop, pangahas, mapagsariling kalooban, at nagsisi-alipusta sa mga pangulo  ay “nagsisilakad ayon sa laman.” Sa Biblia kapag sinabing “gawa ng laman” ang katumbas ay “kasalanan” (Galacia 5:19-21). Ang gumagawa ng “gawa ng laman” ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Diyos:

Galacia 5:21
“Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.”

Dahil dito, ano ang itinatagubilin ng Biblia sa mga tunay na Cristiano ukol sa mga naghahasik ng pagkakampi-kampi? Sa Roma 16:17-18 ay ganito ang pagtuturo ng Banal Na Kasulatan:

Roma 16:17-18
“Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila. Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.”

Papaano ito matutupad? Ganito ang sinasabi ng Biblia sa I Corinto 5:13:

I Corinto 5:13 NPV
“Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. "Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan.”

Nakita natin sa pagtuturo ng Biblia na ang gawang pagsisinungaling, paghahasik ng pagkakampi-kampi at ang paglaban sa Pamamahala ay gawang masama at ang gumagawa niyaon ay masama sa harap ng Diyos. Sapagkat maliwanag ang utos ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol na nakasulat sa Biblia na “Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan” – kaya ang pagtitiwalag kanila Gng. Tenny, Angel, Lottie at Marc ay marapat lamang at makatuwiran sa harap ng Diyos sapagkat ito ay BILANG PAGSUNOD SA UTOS NG DIYOS NA NAKASULAT SA BIBLIA.

THE IGLESIA NI CRISTO
facebook.com/TheIglesiaNiCristo     theiglesianicristo.blogspot.com
“Sagot sa mga Tanong, Paratang at Paninira
sa Iglesia Ni Cristo”
001


5 comments:

  1. Magkahalong pagkagimbal at lungkot ang nadama ko at ng maraming kapatid sa videong in-upload ni G.Angel sa YouTube at pagkasangkot ng kanyang ina sa panawagang sila ay nasa panganib ng mga araw na iyon. Ang unang sumagi sa isip ng marami ay nasaan ang kapatid na Eduardo? Siya ba ay dinukot din? Buti na lang hindi itinulot ng Diyos na maraming kapatid na naniwala at nagpunta sa Central upang sumaklolo. Baka kung nagkaganuon, maraming maaaring magkasakitan dahil sa kalituhan kung sino ang kalaban at nasaan? Hindi ipinahintulot ng Diyos na magtagumpay ang masama nilang layunin. Makatuwiran lang na itiwalag ang mga gumawa ng gulong ito. Hayag ang kanilang motibo, personal interest at sirain ang Iglesia. Salamat po Ka Eduardo, mahal namin kayo. Kaisa ninyo ninyo kami hanggang wakas.

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat sa Dios at hindi Siya pumayag na magkakawatakwatak ang INC dahil sa pagsisinungaling ng mga naghahangad ng kapangyarihan sa loob ng INC. Hindi pinahintulot ng Dios ang gawang masama na mananaig sa Iglesia dahil hindi na ito matatalikod pa dahil ito ang datnan ng paghuhukom. Ganito rin ang nangyari sa unang Iglesia sa panahon ng mga Apostol,sa loob din nanggaling ang mga gumawa ng mga pagsisinungaling at ibang doctrina ang itinuro hanggang sa dumating sa punto na nawala na ang dalisay na aral ng Dios at lubusang natalikod na ang unang Iglesia.

    ReplyDelete
  3. marunong ang ating Panginoon diyos alam lahat ang nangyayari ...

    ReplyDelete
  4. kami man dito sa doha qatar ay nagimbal at natakot sa mangyayari sa buong iglesia subalit talagang ang iglesia ay sa dios at hindi nya ito itutulot na masira ng kung sino - sino lang patunay na mahal nya ang buong iglesia lalo na ang pamamahalang inilagay nya at sa ngayon ang iglesia ay lalo pang nagniningning at patuloy pa sa kanyang pagtatagumpay kaya sa mga kapatid sa buong mundo habang may panahon pa ay sikapin nating makagawa pa ng mga mabubuting bagay na magiging saligan natin sa kaligtasan

    ReplyDelete
  5. Dios ang makapangyarihan sa lahat. Mahal na mahal po nmin kayo kapatid na EVM.

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)