16 August 2015

Katibayan ba ng kurapsiyon sa Iglesia ang pagbebenta ng mga "prime properties"?

Answering Fallen Angels
Punto-por-punto na pagsagot sa mga kumakalaban sa Pamamahala ng Iglesia
Part 01



KATIBAYAN BA NG 
KATIWALIAN ANG PAGBEBENTA
NG MGA “PRIME PROPERTIES” 
NG IGLESIA?

ANG paulit-ulit nilang sinasabing “ebidensiya” raw na may “katiwalian” ngayon sa Iglesia Ni Cristo ay ang pagbebenta ng mga “prime properties” ng Iglesia tulad ng Tagaytay Rest House, Ugong property, Roxas Boulevard property, Antipolo property at Baguio property. Subalit, ang pagbebenta ba ng mga nasabing “prime properties” ay katibayan na may kurapsiyon at anomalya ngayon sa Iglesia? Ang mga ipinakikita ba nilang “mga ebidensiya” ay nagpapatunay nga ba ng kanilang “alegasyon”? SURIIN NATING MABUTI:

(1) ANG NAIPAPAKITA LAMANG NILA’Y KATIBAYANG NAIBENTA GAYA NG “DEED OF SALE.” Subalit, ang mga ebidensiya na ang mga ito ay naibenta na  (ang “deed of sale”) ay hindi katibayan ng katiwalian o anomalya. Batid ng lahat na isang kamalian na sabihing dahil sa “ibinenta” ay may katiwalian na o ang “deed of sale” ay katibayan ng anomalya, sapagkat lalabas na lahat ng nagbebenta ay katiwalian at lahat ng deed of sale ay katibayan ng anomalya. Anupat ang “PAGBEBENTA” perse ay hindi katiwalian at hindi anomaly, at ang “deed of sale” ay hindi katibayan ng katiwalian at anomaly KUNG legal na may kapangyarihan (authority) ang nagbenta, legal ang pagbebenta at valido ang “deed of sale” o ang mga dokumento.

KUNG “LEGAL” ANG PAGBEBENTA, KUNG MAY KARAPATANG MAGBENTA, KUNG LEGAL ANG TRANSAKSIYON, KUNG “LEGAL” ANG MGA DOKUMENTO, WALANG CORRUPTION O KATIWALIAN AT WALANG ANOMALYA RITO.

Samakatuwid, hanggat hindi napatutunayan ng grupo nina Angel Manalo na walang karapatang magbenta ang Pamamahala ng mga properties ng Iglesia, hindi legal ang transaksiyon, hindi legal ang dokumento o hindi legal ang pagbebenta, WALA SILANG NAPAPATUNAYANG CORRUPTION.

(2) ANG NAIPAPAKITA LAMANG NILA’Y PAWANG LARAWAN NG MGA PROPERTIES NA NAIBENTA. Lalong hindi katibayan at kailanman magpapatunay na may katiwalian at anomalya ang mga larawan ng mismong mga “prime properties” na pinag-uusapan. Kaya, ang tanong na hinding-hindi nila masagot ay papaano pinatutunayan ng mga larawang ito ng mga nasabing properties na may anomalya o may katiwalian? Ang mga larawan ba ng mga prime properties na ibinenta ay nakapagpapatunay na walang karapatan ang nagbenta at hindi legal ang pagbebenta? Hinding-hindi kailanman.

Samakatuwid, libo mang “deed of sale” ang maipakita, at libo mang larawan ng “prime properties ang maipakita”ay WALA PA RIN SILANG NAPAPATUNAYANG KATIWALIAN O ANOMALYA hanggang may karapatan ang nagbenta at legal ang ginawang pagbebebnta.


ITO PO ANG MGA PUNTO NAMIN NA HINDI NILA MASAGOT UKOL SA SINASABING PAGBEBENTANG MGA PRIME PROPERTIES:

(1) WALANG CORRUPTION SAPAGKAT MAY LEGAL NA KARAPATAN O MAY VALIDO NA KAPANGYARIHAN ANG PAMAMAHALA NG IGLESIA SA PAGBEBENTA NG MGA PROPERTIES NG IGLESIA. Ang katibayan nito ay ang isinasaad sa atin ng batas:

“Section 164. Such corporations shall have the right to purchase, hold, mortgage, or sell real estate for its church...” (The Corporation Law of the Philippines, Section 164.)
  
Maliwanag sa batas na ang Pamamahala ng Iglesia (bilang corporation sole) ay may karapatang bumili, manghawak, magrenta o magsangla, at magbenta ng mga mehoras (properties) ng Iglesia. Isang katotohanan na ang Iglesia Ni Cristo ay narehistro mula pa noong 1914 bilang “corporation sole” at sa “corporation sole” ay ang Namamahala sa Iglesia ang legal na tagapangasiwa ng mga mehoras ng Iglesia:

“Section 154. For the administration of the temporalities of any religious denomination, society, or church, and the management of the estates and properties thereof, it shall be lawful for the bishop, chief priest, or presiding elder of any such religious denomination, society, or church to become a corporation sole unless inconsistent with the rules, regulations, or discipline of his religious denomination, society, or church or forbidden by competent authority thereof.” (The Corporation Law of the Philippines (Act No. 1459), s.v. “Religious Corporation,” Section 154.)

Samakatuwid, masasabi natin ng tuwiran na HINDI KAILANMAN MAPAPATUNAYAN ng grupo ng mga kumakalaban sa Pamamahala na walang karapatan o walang legal na kapangyarihan ang Pamamahala ng Iglesia sa pagbebenta ng mga properties ng Iglesia sapagkat ISANG KATOTOHANAN na ang pamamahala ng Iglesia (bilang corporation sole) ay may karapatang bumili, manghawak, magrenta o magsangla, at MAGBENTA ng mga mehoras (properties) ng Iglesia.

(2) WALANG ANOMALYA SAPAGKAT LEGAL ANG PROSESO AT MAKATUWIRAN ANG DAHILAN NG PAGBEBENTA.

Kung ang mga sinasabing “prime properties” ng Iglesia na naibenta ay ibinenta dahil daw sa ang Iglesia ay may utang ay isang alegasyon o pagpaparatang lamang. Sila lamang ang may sabi na ang Iglesia ay “may utang” subalit HANGGANG NGAYON AY WALA SILANG MAIPAKITANG KATIBAYAN ukol ditto SAPAGKAT ISANG KATOTOHANAN NA ANG IGLESIA AY WALANG UTANG SA ANUMAN O KANINOMAN.

Batid natin na hindi sapagkat nagbebenta ng ari-arian ay may utang na, napakaraming nagbebenta ng ari-arian na walang utang.

Minsan naman ang iginigiit nila ay nagbebenta raw ng mga “prime properties” sapagkat ang Iglesia raw ay bangkarote na (bankrupt na) na isang “paratang” na walang maniniwala. Noong simulang itayo ang Philippine Arena hanggang sa ito’y matapos ay patuloy na nakapagtatayo ang Iglesia Ni Cristo ng mga gusaling sambahan:

2011 – 119 na kapilya ang naipatayo
2012 – 139 na kapilya ang naipatayo
2013 – 154 ang kapilyang naipatayo
2014 – 168 ang kapilyang naipatayo

At nang sumunod na taon (2015) mula nang matapos ang Philippine Arena, sa buwan pa lang ng Hulyo ng taong ito ay 293 na ang naitatayong kapilya. Kaya, isang kasinungalingan ang pagsasabing ang Iglesia ay bangkarote na. At sasang-ayon din ang lahat na hindi sapagkat nagbenta ng ari-arian ay bangkarote na.

Kung walang utang at hindi naman bangkarote, bakit ibinenta pa ng Pamamahala ngayon ang mga “prime properties” na ito tulad ng sa Tagaytay, Baguio at Antipolo? Hindi ito katibayan ng anomalya o katiwalian kundi ito pa nga ay MATIBAY NA KATUNAYAN NA MASINOP NA PINANGANGASIWAAN NG PAMAMAHALA ANG PANANALAPI NG IGLESIA.

Bakit hindi sapagkat nagbenta ay may utang na o bangkarote na? Sapagkat may mga nagbebenta ng gamit o ari-arian NA ANG DAHILAN ay HINDI NA NILA KAILANGAN at baka nakapagdadagdag pa sa gugulin kapag pinanatili ito. Hindi katiwalian o anomalya ang pagbebenta ng hindi kailangan o walang paggagamitan at “KAPRITSO” ang tawag sa pinananatili ang hindi naman kailangan at nakadadagdag pa sa gastusin. Ito ay isang katotohanan na hindi matutulan ninuman.

Alin sa mga binabanggit nilang “prime properties” na ibinenta ang ginagamit ng isang lokal, isang distrito o ng isang kagawaran ng Iglesia? WALA. Samakatuwid, ang mga “prime properties” na ito ay nasa kategoryang nakatiwangwang lamang, hindi pinakikinabangan, hindi ginagamit at hindi kailangan ng Iglesia. Matalino bang pangangasiwa sa pananalapi ang hindi i-dispose ang mga hindi naman pinakikinabangan, hindi ginagamit at hindi kailangan?

Baka wala namang mawawala kung panatilihin ang mga “prime properties” na iyan? MALAKI ANG GINUGUGOL SA PAGPAPANATILI SA MGA PROPERTIES NA IYAN. Gumugugol sa mga magbabantay (security), sa pagsinop (upkeep), at sa pagpapanatili (maintenance) ng mga properties na iyan. Dagdag pa ang malaking gugol TAON-TAON (hindi minsanan lang kundi taon-taon) sa mga buwis (taxes) na babayaran. Tandaan na ang mga ito ay hindi basta properties kundi mga “prime properties” kaya hindi maliit na halaga lamang ang buwis na babayaran taon-taon.

Ang tanong sa grupo ng mga kumakalaban sa Pamamahala, kung susundin natin ang iginigiit ninyo na ang mga “prime properties” na ito ay “panatilihin”, saan natin kukunin ang gugol ukol sa pagpapanatili ng mga ito? SA ABULOY NG IGLESIA. Karamihan sa mga kapatid na naghahandog ay mahihirap lamang, mayroon ngang naglalakad lamang upang maidagdag sa kanilang handog sa pagtungo sa pagsamba, pagkatapos ay igigiit ninyo na sa abuloy ng mga kapatid kukunin ang gugol sa pagpapanatili sa mga properties na ito na hindi naman ginagamit at hindi naman kailangan ng Iglesia? Iyan ba ang pagmamalasakit at iyan ba ang masinop na pangangasiwa sa Iglesia?

KAYA HINDI MALING SABIHIN NA ANG IPINAGLALABAN NINA ANGEL MANALO AY HINDI ANG KAPAKANAN NG IGLESIA KUNDI “KAPRITSO” O “GUSTO” LANG NILA.

Bakit ba kasi nabili ang mga properties na iyan? Ang nasa Tagaytay at Baguio ay ginawang “rest house” noon ng Tagapamahalang Pangkalahatan. Tandaan na ito’y binili para sa Tagapamahalang Pangkalahatan. Subalit, HINDI NA ITO GINAGAMIT ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan kaya ipinasiya ng Pamamahala na ito’y ibenta na lamang upang pakinabangan pa ng Iglesia ang pinagbilhan sa iba pang proyekto at pangangailangan.

Ang ibang mga “prime properties” na pinag-uuspan ay “nakatiwangwang” lamang na nabili na hindi pa si Kapatid na Eduardo V. Manalo ang Tagapamahalang Pangkalahatan noon. Ang totoo ay  “sila” (ang mga kumakalaban ngayon sa Pamamahala ng Iglesia) ang dapat na tanungin at sumagot sa tanong “bakit pa kasi binili angmga iyan” sapagkat SILA ANG MAY KINALAMAN sa pagbili ng mga ito (kaya pala ganon na lang ang kanilang panghihinayang at galit nang ipagbili ng kasalukuyang Pamamahala ang mga ito).
 
KONKLUSYON

Kung may legal na kapangyarihan o awtoridad ang Pamamahala sa pagbebenta ng mga properties na ito, kung legal at makatuwiran ang dahilan ng pagbebenta sa mga ito, kung legal naman ang transaksiyon at valido ang mga dokumento – SAMAKATUWID AY WALANG CORRUPTION (KATIWALIAN) AT ANOMALYA NA NANGYARI SA PAGBEBENTA SA MGA PROPERTIES NA ITO.



No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)