12 February 2015

Ukol sa Banggit na "Mga Huling Araw" sa Hebreo 1:1-2


TANONG UKOL SA
“MGA HULING ARAW”
NA BINABANGGIT
SA HEBREO 1:1-2

TANONG:

“Hello po Kapatid. May tanong po ako sana po masagot po ninyo. Tinanong po kasi sa akin ng sanlibutan. "Kung ang pasimula ng mga huling araw ay noong July 27, 1914, bakit po sinabi ni Apostol Pablo na "mga huling araw" na rin noong kapanahunan niya?"

“Hebrews 1:1 Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, 2 Ay nagsalita sa atin sa MGA HULING ARAW NA ITO sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan;

“Antayin ko o ang sagot kapatid. Salamat po ng marami.”

SAGOT:

Hindi sa Hebreo 1:1-2 lamang makikita na ginamit ng Dating Salin sa Tagalog (maging ng iba pang mga salin ng Biblia) ang ekspresyong “mga huling araw” kundi may iba pang talata na ginamit din ang ekspresyong ito. Subalit kung uunawaing mabuti ang konteksto ng mga talatang ito ay maliwanag na makikita na magkakaiba ang kanilang paggamit o pakahulugan sa ekspresyong “mga huling araw.” Malalaman natin kung ano talaga ang tinutukoy ng banggit na “mga huling araw” batay sa konteksto ng talata. Ang totoo, malinaw na makikita sa Hebreo 1:1-2 na hindi ipinakikita dito ni Apostol Pablo na “mga huling araw na noong kapanahunan niya,” ni hindi tungkol sa panahon na tinatawag na “mga huling araw” ang kaniyang pinapaksa dito, at kung talagang magsusuring mabuti ay makikita na iba talaga ang kaniyang tinutukoy.


KUNG BAKIT BINANGGIT NI APOSTOL PABLO
ANG “MGA HULING ARAW” SA HEBREO 1:1-2

Bakit po sinabi ni Apostol Pablo na ‘mga huling araw’ na rin noong kapanahunan niya (Hebreo 1:1-2)?”

Batay sa konteksto ng Hebreo 1:1-2, hindi ang tinatalakay dito ni Apostol Pablo ay ang panahong “mga huling araw” kundi ang tinatalakay ni Apostol Pablo sa Hebreo 1:1-2 ay ang “iba’t ibang panahon” na nagsalita ang Diyos sa “iba’t ibang paraan”:

Hebreo 1:1-2
“Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan.”

Ang binabanggit dito ni Apostol Pablo na “iba’t ibang panahon” na ang Diyos ay nagsalita ay: (1) panahon ng mga magulang; (2) panahon ng mga propeta; at (3) panahon ng Kaniyang Anak (ang Panginoong Jesucristo) o ang tinatawag nating “panahong Cristiano.” Ito ang tatlong dakilang hati ng panahon ayon sa Biblia na sa bawat panahong ito ay nagsalita ang Diyos.

Bakit binanggit ni Apostol Pablo ang ekspresyong “mga huling araw” sa talatang ito? Pansinin natin na HINDI SINABI ni Apostol Pablo sa talata na “ang mga huling araw ay nagsisimula sa panahon ko o sa pasimula ng panahong Cristiano.” Bigyan natin ng malaking pansin ang konteksto ng talata, “Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba’t ibang panahon…Ay nagsalita sa atin sa MGA HULING ARAW NA ITO sa pamamagitan ng kaniyang Anak…” Kaya, ang gamit ni Apostol Pablo sa kaniyang banggit na “sa mga huling araw na ITO” ay upang ipakita na kung papaanong nagsalita ang Diyos sa panahon ng mga magulang at sa panahon ng mga propeta, ay nagsalita rin ang Diyos sa pamamagitan ni Cristo sa HULI SA TATLONG DAKILANG HATI NG PANAHON, ang panahong Cristiano. Kaya nga sa saling Magandang Balita Biblia (na pinagtulungang isalin ng mga Katoliko at Protestante) ay ganito ang isinasaad sa Hebreo 1:1-2:

Hebreo 1:1-2 MB
“Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak…”

Ang banggit sa Dating Salin na “…nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng kaniyang Anak…” ay tinumbasan sa Magandang Balita na “…NGUNIT NGAYON, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak…” Ipinakikita lamang dito sa saling Magandang Balita na hindi ang gamit ni Apostol Pablo sa banggit niyang “mga huling araw” ay para patunayang ang “mga huling araw” ay nagsisimula sa panahon niya o “mga huling araw na nang kapanhunan niya.”

Ano pa ang nagpapatunay na ang banggit ni Apostol Pablo na “mga huling araw” sa Hebreo 1:1-2 ay HINDI upang patunayan na ang panahong “mga huling araw” ay nagsisimula sa kaniyang panahon, kundi ang tamakahulugan ay “sa huli sa tatlong dakilang hati ng panahon ay nagsalita rin ang Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang Anak na si Jesuscristo”? Ang banggit na ito ng Dating Salin na “…nagsalita sa atin sa MGA HULING ARAW NA ITO sa pamamagitan ng kaniyang Anak…” (“in these last days spoken to us” NKJV) ay may mga salin ng Biblia na ang banggit ay “at the end of these days” (“sa katapusan ng mga araw na ito”):
    
Hebreo 1:2 Darby
AT THE END OF THESE DAYS has spoken to us in [the person of the] Son, whom he has established heir of all things, by whom also he made the worlds.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Kahit ang saling Bible Basic English ay ganito rin ang pagkakasalin:
    
Hebreo 1:2 BBE
“‎But now, AT THE END OF THESE DAYS, it has come to us through his Son, to whom he has given all things for a heritage, and through whom he made the order of the generations.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Kahit si Weymouth sa kaniyang New Testament in Modern Speech ay ganito rin ang kaniyang pagkakasalin:
    
Hebreo 1:2 NTMS
“has AT THE END OF THESE DAYS spoken to us through a Son, who is the pre-destined Lord of the universe, and through whom He made the Ages.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Ang Amplified Bible ay isinalin naman itong “the last of these days” (“ang huli sa mga araw na ito”):
    
Hebreo 1:2 Amplified
“[But] in THE LAST OF THESE DAYS He has spoken to us in [the person of a] Son, Whom He appointed Heir and lawful Owner of all things, also by and through Whom He created the worlds and the reaches of space and the ages of time [He made, produced, built, operated, and arranged them in order].” (Amin ang pagbibigay-diin)

Samakatuwid, hindi iisang salin lamang kundi maraming salin ng Biblia na tinumbasan ang banggit ni Apostol Pablo sa Hebreo 1:1-2 na “at the end of these days” o “the last of these days” at hindi “in these last days.”

Ang tinumbasan sa mga Bibliang Ingles ng salitang “day” ay ang salitang Griegong “hemera”. Pinatutunayan ng mga iskolar (dalubhasa sa wika) na ang salitang Griego na “hemera” na tinumbasan sa maraming salin na “araw” (“days” sa mga Bibliang Ingles) na binanggit sa Hebreo 1:1-2 ay maaari ding mangahulugan at tumbasang “panahon” (“period”):

“‎hemera (hay-mer'-ah); feminine (with NT:5610 implied) of a derivative of hemai (to sit; akin to the base of NT:1476) meaning tame, i.e. gentle; day, i.e. (literally) the time space between dawn and dark, or the whole 24 hours (but several days were usually reckoned by the Jews as inclusive of the parts of both extremes); figuratively, A PERIOD (always defined more or less clearly by the context): KJV - age, + alway, (mid-) day (by day, [-ly]), + for ever, judgment, (day) time, while, years.” (Biblesoft's New Exhaustive Strong's Numbers and Concordance with Expanded Greek-Hebrew Dictionary. Copyright © 1994, 2003, 2006 Biblesoft, Inc. and International, Emphasis mine)

Kung ang salitang “hemera” ay maaaring tumbasan na “period” o “panahon,” kaya ang banggit ni Apostol Pablo sa Hebreo 1:1-2 na “Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito” (“in these last days spoken to us” NKJV) na tinumbasan ng ibang salin ng Biblia na “at the end of these days” at “the last of these days” ay maaaring tumbasan na “Ay nagsalita sa atin sa huli sa mga PANAHONG ito” (“in the last of these periods” o “at the end of these periods”). Pansinin ang sinabi ng mga dalubhasa na “…a period (always defined more or less clearly by the context).” Mapapansin na talaga naman “mga panahon” ang pinag-uusapan batay sa konteksto ng talata:

Hebreo 1:1-2
“Ang Dios, NA NAGSALITA NANG UNANG PANAHON sa ating mga magulang SA IBA'T IBANG PANAHON at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, Ay NAGSALITA SA ATIN SA MGA HULING ARAW NA ITO sa pamamagitan, ng kaniyang Anak...” (Amin ang pagbibigay-diin)

Samakatuwid, walang sinasabi si Apostol Pablo sa talata na ang panahong “mga huling araw ay nagsisimula sa kaniyang panahon” o “mga huling araw na nang kapanahunan niya,” kundi ang banggit niya sa Hebreo 1:1-2 ay “Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba’t ibang panahon…Ay nagsalita sa atin sa MGA HULING ARAW NA ITO sa pamamagitan ng kaniyang Anak…” na ang katumbas ay nagsalita ang Diyos sa iba’t ibang panahon sa iba’t ibang paraan, at sa HULI ng tatlong dakilang hati ng panahon na panahong kaniyang kinabibilangan (ang panahong Cristiano) ay nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang Anak na si Jesucristo. Kaya nga may mga salin ng talatang ito na ang isinasaad ay “at the end of these days” (sa katapusan ng mga araw na ito”) at ‘the last of these days” (“ang huli sa mga araw na ito”). At sapagkat ang salitang Griego na “hemera” na ginamit sa talatang ito ay maaari ding mangahulugan o tumbasan ng “period” (“panahon”) batay sa konteksto ng talata, at batay sa konteksto ng Hebreo 1:1-2 ay talaga namang ang pinapaksa dito ay ang tatlong dakilang hati ng panahon na ang Diyos ay nagsalita, kaya maaari ring tumbasan ang “at the end of these days” ng “at the end of these periods” [“sa katausan ng mga periodo (panahong) ito”], at ang “the last of these days” ng “the last of thses periods” [“sa huli ng mga periodo (panahong) ito”]. Kung gayon, ang talagang tinutukoy ni Apostol Pablo sa kaniyang banggit na “nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito” ay “nagsalita sa atin sa huli (katapusan) ng mga panahon (periodong) ito.”



GINAMIT NG BIBLIA ANG EKSPRESYONG “MGA HULING ARAW” SA
PAKAHULUGANG MALAPIT NA ANG WAKAS O ANG PAGHUHUKOM

Dahil sa binanggit ni Apostol Pablo ang ekspresyong “mga huling araw” sa Hebreo 1:1-2 ay agad na nag-konklusyon ang iba na mali ang paggamit ng Iglesia Ni Cristo sa ekspresyong “mga huling araw” na tumutukoy sa panahong “mga wakas ng lupa” o sa panahong malapit na ang Araw ng Paghuhukom o ang Ikalawang Pagparito ni Cristo. Subalit. Subalit, gaya ng ating nakita, hindi muna nila sinuri ang konteksto ng talata. Sa ating pagsusuri, hindi sinasabi ni Apostol Pablo na ang panahong “mga huling araw” ay nagsimula sa panahon niya, at hindi rin sinasabi na “mga huling araw na noong kapanaunan niya” kundi ang talagang tinutukoy ng banggit niyang “nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito” ay “nagsalita sa atin sa huli (katapusan) ng mga panahon (periodong) ito”.

Suriin naman natin ngayon, bakit hindi mali na sabihin na ang ekspresyong “mga huling araw” ay tumutukoy sa panahong malapit na ang Araw ng paghuhukom o tumutukoy din sa panahong “mga wakas ng lupa”? Sa II Pedro 3:3 ay ganito ang mababasa: 

II Pedro 3:3
“Na maalaman muna ito, na SA MGA HULING ARAW ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Sa talatang ito ay ginamit ni Apostol Pedro ang ekspresyong “mga huling araw.” Subalit, ang pagkakagamit ba ni Apostol Pedro sa ekspresyong “mga huling araw” ay gaya ng pagkakagamit dito ni Apostol Pablo sa Hebreo 1:1-2? Maliwanag na magkaiba. Ang binabanggit dito ni Apostol Pedro ay ang panahong may magsisiparito na mga manunuya. Para malaman natin kung anong panahon ang tinutukoy ni Apostol Pedro na “mga huling araw” na may pariritong “manunuya” ay alamin natin kung ano ang kanilang tinutuya. Sa kasunod na talata ay ganito ang mababasa:

II Pedro 3:4
“At magsisipagsabi, Saan naroon ang pangako ng kaniyang pagparito? sapagka't, buhat nang araw na mangatulog ang mga magulang, ay nangananatili ang lahat ng mga bagay na gaya ng kalagayan nila mula nang pasimulan ang paglalang.”

Ang binabanggit ni Apostol Pedro na “mga huling araw” ay ang panahong magsisiparito ang mga manunuya na mangagsasabing “Saan naroon ang pangako ng kaniyang pagparito?” Kung alin ang “pagparito” na tinutukoy na kanilang tinutuya ay ipinaliwanag sa atin sa II Pedro 3:3-4 ng saling Magandang Balita Biblia:

II Pedro 3:3-4 MB
“Una sa lahat, dapat ninyong malamang sa mga huling araw ay lilibakin kayo at pagtatawanan ng mga taong namumuhay ayon sa kanilang mahahalay na pita. Sasabihin nila, ‘Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba?  Nasaan siya ngayon?  Inabot na ng kamatayan ang ating mga magulang ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang lalangin ang mundong ito.”

Ang tinutuya ng mga manunuya na nagsisiparito sa “mga huling araw” ay ang hindi pa pagdating ng Ikalawang Pagparito ni Cristo. Kaya, ang tinutukoy ni Apostol Pedro na “mga huling araw” ay ang panahong pagparito ng mga manunuya na tinutuya ang hindi pa pagdating ng Ikalawang Pagparito ni Cristo, anupa’t ang panahong tinutukoy ay ang panahong malapit na ang pagparito ni Cristo. Ukol sa pagsagot sa mga manunuya ay ganito pa ang ipinahayag ni Apostol Pedo:

II Pedro 3:9-10
“Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi. Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.”

Kaya, hindi mali ang paggamit sa ekspresyong “mga huling araw” na nangangahulugang “mga wakas ng lupa” o panahong malapit na ang Ikalawang Pagparito ni Cristo sapagkat ginamit din ito ni Apostol Pedro sa ganitong pakahulugan.



“MGA HULING ARAW” NA ANG TINUTUKOY
AY “MGA WAKAS NG LUPA”   

Sa banggit na “Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw” at “Sugo ng Diyos sa mga huling araw,” ang tinutukoy ay “Iglesia Ni Cristo at Sugo ng Diyos sa panahong malapit na ang Ikalawang Pagparito ni Cristo.” Anupa’t, ang gamit dito ng ekspresyong “mga huling araw” ay kasing kahulugan ng “mga wakas ng lupa” – ang panahong malapit na ang wakas, malapit na ang Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesus. Ang paggamit dito ng ekspresyong mga huling araw” ay gaya ng paggamit dito ni Apostol Pedro.

Mayroon nga bang “Sugo ng Diyos sa mga wakas ng lupa” o “Sugo ng Diyos sa mga huling araw”? Sa Isaias 41:4 at 9-10 ay ganito ang sinasabi:

Isaias 41:4 at 9-10
“Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga…
“Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil; Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.”
  
Maliwanag na sinasabi ng Panginoong Diyos sa talatang ating sinipi na Siya ay tumatawag mula nang una, na Siya rin ang kasama ng “huli.” Ang tinutukoy na “huli” ay ang lingkod ng Diyos na Kaniyang pinili, tinawag at hinawakan mula sa “mga wakas ng lupa.” Nagbigay ng paliwanag ang Biblia kung kailan ang panahong “mga wakas ng lupa.” Ganito ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 24:3 at 33:

Mateo 24:3 at 33
“At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?...
“Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.”

Ang panahong “mga wakas ng lupa” ay ang panahong malapit na ang wakas. Nagbigay ang Panginoong Jesus na mga tanda na kapag nakita ay talastasing “siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga.” Ang mga tandang ito ay ipinahayag din ng Panginoong Jesus:

Mateo 24:6-8
“At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas. Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. 8Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.”

Ang una sa mga tanda na nagbabadya na ang panahon ay nasa “wakas ng lupa” na ay isang digmaan na aalingawngaw na susundan ng isa pang digmaang kauri rin niya, bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian, o ang tinutuoy ay isang digmaang pansanlibutan na susundan ng isa pang digmaang pansanlibutan. Maging ang ibang mga nagsipagsalin ng Biblia ay pinatutunayan na ang binabanggit sa Mateo 24:6-8 ay ang Unang Digmaang Pansanlibutan na sumiklab noong Hulyo 27, 1914:

Mateo 24:6-8 fn. Last Days Bible
“Sinabi ngayon ni Jesus sa Kaniyang mga tagasunod kung paano nila mahihinuha kapag ang daigdig ay talagang pumapasok na sa pagsisimula ng panahon ng paghihirap...Ang paglapit ng katapusan ng panahon ay kakikitaan ng ilang pangyayari sa daigdig na nagyayari nang sabay-sabay. Ang mga pangyayaring iyon ay: 1. Maraming bansa na tumitindig [o nag-aalsa] laban sa maraming ibang bansa 2. Mga kaharian na tumitindig [o nag-aalsa] laban sa mga kaharian 3. Mga pagkakagutom 4. Mga epidemya ng mga sakit 5. Mga lindol sa iba’t ibang dako. Sa Marcos kapitulo 13 ang salitang mga kaguluhan ay ginamit ng ating Panginoon sa halip sa halip na mga epidemya ng mga sakit...Mga digmaan sa pagitan ng mga bansa, o kahit sa pagitan ng mga kaharian, ay karaniwan at naging karaniwang pangyayari Itinala ng kasaysayan ang mga pagkakagutom sa iba’t ibang panahon. Nagkaroon ng mga panahon ng matitinding epidemya ng mga sakit, Nagkaroon ng mga paglindol sa nakaraan, subalit lalong dumarami sa kasalukuyang panahon. Gayunman, sinasabi ni Jesus sa Kaniyang mga alagadna naghihintay sa isang tiyak na anahonkung kailan ang lahat ng mga pangyayari ito ay magiging kapansin-pansin nang sabay-sabay. Ang kauna-unahan sa gayong panahon sa kasaysayan ng daigdig ay naganap sa mga taon ng Unang Digmaang Pandaigdig (1914).” (Salin sa Pilipino mula wikang Ingles)

Samakatuwid, tunay na may Sugo ang Diyos sa mga huling araw o sa panahong mga wakas ng lupa, sa panahong alapit na ang wakas o ang Ikalawang Pagparito ni Cristo. At ayon sa Panginoong Jesus ay may mga tanda na kapag nakita ay nasa panahon nang “mga wakas ng lupa,” na una sa mga tandang ito ay ang Unang Digmaang Pansanlibutan na sumiklab noong Hulyo 27, 1914.


1 comment:

  1. kawawa naman si Alfie Angeles, isa ito sa mga tanong nya na hindi daw nasagot. gayong may bukod na leksiyon dito...eto nga yon...kung nag tanong lang talaga siya...

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)