27 September 2015

Si Elias at ang mga Propeta ni Baal: Sino ang sa Diyos at Sino ang Di na sa Diyos?



ANSWERING “FALLEN ANGELS”
Punto-por-Punto na Pagsagot sa mga Fallen Angels
part 31

Si Elias at ang mga Propeta ni Baal:
SINO ANG SA DIYOS
AT SINO ANG KALABAN
NA NG DIYOS?



HAYAG sa atin ang pag-aangkin ng mga “Fallen Angels” na sila raw ang mga magiting at matuwid na ministro, at ang Sanggunian at ang kasalukuyang Pamamahala ang diumano’y tiwali at nahuhulog na raw sa kasamaan. Kaya, madalas din nilang angkinin na sila raw ang sa Diyos at ang kinakasangkapan ng Diyos, samantalang ang kasalukuyang Pamamahala ay  “nilayuan” na raw ng Diyos at hindi na raw sa Diyos. Kung maaalala ninyo na may pangyayari sa matandang bayang Israel noon na nagkaroon ng “isang paghahamon” na patunayan ng dalawang panig kung sino sa kanila ang tunay na nasa panig ng buhay na Diyos. Ito ang nangyari sa panahon ni Elias na Thisbita:

I Hari 18:17-18 NPV
“Nang makita niya si Elias, sinabi niya, "Ikaw nga ba 'yan, manggugulo ng Israel?" Sumagot si Elias, ‘Hindi ako ang nanggugulo sa Israel kundi ikaw at ang ama ng inyong sambahayan. Tinalikdan mo ang mga utos ng Dios at sumunod ka kay Baal.”

Sa panahon noon ng kaharian, ang “hari” ang “political leader” ng bayang Israel, samantalang ang “mga propeta” ang “spiritual leaders” na ginagamit ng Diyos na kasangkapan sa pagpapahayag ng Kaniyang mga salita. Si Elias noon ang propeta sa bayang Israel at si Achab ang hari. Nang magkita sina Achab at Elias, ay pinaratangan ang “Tagapagpahayag ng mga salita ng Diyos,” ang propetang si Elias, na “manggugulo ng Israel.” Subalit, ano ang isinagot ni Elias kay Achab? “Hindi ako ang manggugulo sa Israel kundi ikaw.” Bakit si Achab at hindi ang “Tagapagpahayag ng salita ng Diyos” na si Elias ang tunay na “manggugulo ng Israel”? Ang sagot ni Elias ay, “Tinalikdan mo ang mga utos ng Dios at sumunod kay Baal.” Ang “baal” na tinutukoy ay isang “diosdiosan.” Ang tunay palang “manggugulo” ay ang tinalikdan ang utos ng Diyos at “sumamba sa diosdiosan.”

Sa panahon natin, sino ang “Tagapagpahayag ng mga salita ng Diyos”? Sa Colosas 1:25 ay ganito ang sinasabi:

Colosas 1:25
“Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa  inyo upang maipahayag  ang salita ng Dios.”

Sino naman sa panahon natin ngayon ang tinalikdan ang utos ng Diyos? Hindi ba utos ng Diyos na pasakop sa Pamamahala?

Hebreo 13:17 NPV
“Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala. Sila ang mangangalaga sa inyo at mananagot sa paglilingkod na ito.  Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat ang paglilingkod na ginagawa nila; ito'y sa ikabubuti rin ninyo.”

Hindi ba utos ng Diyos ang makipagkaisa?

I Corinto 1:10
“Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.”

Hindi ba’t sinasabi ng Biblia na pinanggalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran ay hindi kay Cristo naglilingkod:

Roma 16:17-18
Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila. Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.”

At sinasabi rin ng Biblia na ang “katigasan ng ulo” ay gaya ng pagsamba sa dios-diosan:

I Samuel 15:23
“Sapagka't ang panghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng panghuhula, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng pagsamba sa mga diosdiosan at sa mga terap.  Sapagka't dahil sa iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, ay kaniya namang itinakuwil ka upang huwag ka nang maging hari.”


ANG HAMON NI ELIAS

Iniutos ni Elias na pisanin ang buong Israel sa bundok ng Carmelo, at ang mga propeta ni baal:

I Hari 18:19-20
“Ngayon nga'y magsugo ka, at pisanin mo sa akin ang buong Israel sa bundok ng Carmelo, at ang mga propeta ni Baal na apat na raan at limangpu, at ang mga propeta ni Asera na apat na raan, na nagsikain sa dulang ni Jezabel. Sa gayo'y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo.”

Ang hamon ni Elias ay kung sino ang pagpakitaan ng “tanda” ay siyang tunay at sa Diyos:

I Hari 18:21-20
“At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni't kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya.  At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita. Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon nguni't ang mga propeta ni Baal ay apat na raan at limang pung lalake. Bigyan nga nila tayo ng dalawang baka; at pumili sila sa ganang kanila ng isang baka, at katayin, at ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim: at ihahanda ko ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko lalagyan ng apoy sa ilalim. At tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios.  At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi.”

Nauna ang mga propeta ni baal, at sa buong maghapong  pagtawag nila ay nabigo sila – walang duminig sa kanila at walang “tanda” na dumating:

I Hari 18:25-29
25At sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, Magsipili kayo ng isang baka sa ganang inyo, at inyong ihandang una, sapagka't kayo'y marami; at tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, nguni't huwag ninyong lagyan ng apoy sa ilalim. 26At kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, at kanilang inihanda, at tinawagan ang pangalan ni Baal mula sa kinaumagahan hanggang sa kinatanghaliang tapat, na nagsisipagsabi, Oh Baal dinggin mo kami.  Nguni't walang tinig, o sinomang sumagot.  At sila'y nagsisilukso sa siping ng dambana na ginawa. 27At nangyari, nang kinatanghaliang tapat, na biniro sila ni Elias, at sinabi, Sumigaw kayo ng malakas: sapagka't siya'y dios; siya nga'y nagmumunimuni, o nasa tabi, o nasa paglalakbay, o marahil siya'y natutulog, at marapat gisingin. 28At sila'y nagsisigaw ng malakas, at sila'y nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumuluwak ang dugo sa kanila. 29At nangyari nang makaraan ang kinatanghaliang tapat, na sila'y nanghula hanggang sa oras ng paghahandog ng alay na ukol sa hapon: nguni't wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.

Nang si Propeta Elias ang tumawag ay agad na dininig, at nakita ang “tanda”:

I Hari 18:30-40
30At sinabi ni Elias sa buong bayan, Lumapit kayo sa akin; at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya.  At kaniyang inayos ang dambana ng Panginoon na nabagsak. 31At kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kaniya ang salita ng Panginoon ay dumating, na sinasabi, Israel ang magiging iyong pangalan. 32At sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang itinayo ang dambana sa pangalan ng Panginoon; at kaniyang nilagyan ng hukay sa palibot ng dambana, na ang laki ay kasisidlan ng dalawang takal na binhi. 33At kaniyang inilagay ang kahoy na maayos, at kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy.  At kaniyang sinabi, Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na susunugin, at sa kahoy. 34At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikalawa; at kanilang ginawang ikalawa.  At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikaitlo; at kanilang ginawang ikaitlo. 35At ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana; at kaniyang pinuno naman ng tubig ang hukay. 36At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias, na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito sa iyong salita. 37Dinggin mo ako, Oh Panginoon, dinggin mo ako, upang matalastas ng bayang ito, na ikaw na Panginoon ay Dios, at iyong pinapanumbalik ang kanilang puso. 38Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay. 39At nang makita ng buong bayan, sila'y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios.


ANG TANDA NG PAGIGING SA DIYOS

Sa pangako pa lang ng Panginoong Diyos sa Kaniyang sugo sa mga huling araw ay naroon na ang “tanda” ng pagiging sa Diyos. Ganito ang sinasabi sa Isaias 41:9-10:

Isaias 41:9-10
“Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil; Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.”

Ang sa Diyos ay ang kasama ang Diyos. Ang sabi ng Panginoong Diyos, “ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka.” Kaya, ang kasama ang Diyos ngayon ay sa kaniya natupad ang ipinangako ng Diyos sa Kaniyang Sugo sa mga huling araw na pakakakasin, tutulungan at aalayan. Ang isa pang tanda na pagiging sa Diyos at  kasama ang Diyos ay ang “lubos” na pagkakaisa:

Juan 17:11 at 21-23
“At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo.  Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin.
“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y sumaatin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo. At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa; Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.”

Ang pagkakaisa ng Iglesia ay lubos na pagkakaisa sapagkat kasama  sa pagkakaisang ito ang Panginoong Diyos at ang Panginoong Jesucristo. Hindi maaaring maging sa Diyos ang walang pagkakaisa o nagkakabaha-bahagi sapagkat ang ganito ay sa laman, sa diablo:

Santiago 3:14-16
“Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo. Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.”

Sino ang sinasamahan ng Panginoong Diyos? Sino ngayon ang nasa panig ng Diyos? Ang mga ministrong tiwalag na tinatawag natin ngayong “Fallen Angels” o ang kasalukuyang Pamamahala sa Iglesia?


BIGONG-BIGO ANG “MGA FALLEN ANGELS”
TULAD NG “MGA PROPETA NI BAAL”

Hindi kaila sa lahat kung papaanong NABIGO ang bawat pagkilos at “panukala” ng mga kumakalaban ngayon sa Pamamahala. Mula pa sa isinagawang “vigil” ng mga “Fallen Angels” noong July 22-31, 2015 ay nakita natin ang kanilang malaking kabiguan. Pinaghandaan nila ang “vigil” na ito ng matagal na panahon na gamit ang social media ay sinimulan muna nila ang pagsasagawa ng “smear campaign” laban sa Pamamahala ng Iglesia, lalo na sa mga kabilang sa Sanggunian. Nagpakalat sila ng mga alegasyon ng “katiwalian” na nangyayari raw ngayon sa Iglesia. Ginamit din ang “impluwensiya” bilang “pamilya” ng Ka Erdy, ang dating namahala sa Iglesia, na nagpakalat sila ng mga “masasamang balita” na kesyo raw inaapi at nasa panganib ang kanilang buhay. Ang pinaka-lugto ng lahat ay ang pag-upload nila sa Youtube ng video nina Angel at Ka Tenny kung saan ay humihingi ng tulong sa mga kapatid dahil daw nasa panganib ang kanilang buhay at humihingi rin ng tulong sa “sampung ministrong” diumano’y dinukot ng Sanggunian. Nilalayon nila na galitin at kilusin ang mga kapatid, at ang plano nila na kung pagkatapos na makatipon sa “vigil” na iyon ng maraming kapatid ay itutuloy nila ang “rally” sa Central upang “patalsikin” ang Sanggunian, kung hindi man kasama ang kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan. SUBALIT, GAYA NANG ATING NAKITA AY BIGONG-BIGO SILA.

Ginamit din nila ang tulong ng “media” at patuloy ang lubos na paggamit ng “social media.” May malaking media network ang kumampi sa kanila na patuloy na kaliwa’t kanang nagpakalat noon ng “negatibong report” laban sa Iglesia. Subalit, SA KABILA NITO AY WALA RING NANGYARI SA KANILANG “PANUKALA” AT “PAGKILOS” LABAN SA SANGGUNIAN, LABAN SA PAMAMAHALA NG IGLESIA.

Tulad ng ginawa ni Judas Escariote na nakipagsabwatan sa mga punong saserdote, ang mga “Fallen Angels” ay nakipagsabwatan din sa “mga opisyales” o mga nasa kapangyarihan upang ipagkanulo ang bumuhay sa kanila mula sa kanilang pagsilang sa mundong ito. SUBALIT, SA KABILA DIN NITO AY HAYAG NA NABIGO ANG KANILANG MASAMANG PANUKALA LABAN SA PAMAMAHALA NG IGLESIA.


ANG KASALUKUYANG PAMAMAHALA ANG
PATULOY NA SINASAMAHAN NG DIYOS

Sa panahon na nagsasagawa ng “vigil” ang mga “Fallen Angels” noong July, 2015 ay isinagawa ang Tanging Pagtitipon para sa Closing Centennial Celebration. Nakakagulat na higit na marami ang dumalo sa pagtitipong ito kaysa sa nakaraang Tanging Pagtitipon noong Centennial Celebration. Halos wala nang makitang “space” sa kapulungan ng mga tao.

Kakampi ng mga “Fallen Angels” ang isang malaking media network at ilang mga nasa kapangyarihan, SUBALIT NABIGO SILA NA KANILANG SIRAIN ANG PAGKAKAISA NG IGLESIA. Nakita ng lahat na “solido” pa rin ang Iglesia Ni Cristo at lubos pa rin ang kaniyang pagkakaisa sa isinagawang “peaceful gathering” sa Padre Faura sa Maynila, at sa EDSA noong huling linggo ng Agosto, 2015.

Hindi tumigil ang mga “Fallen Angels” sa pagpapakalat ng mga paninira laban sa Sanggunian, sa Pamamahala ng Iglesia. Patuloy na ginagamit ang media at social media sa kanilang “buktot” na layunin laban sa Iglesia at sa Pamamahala ng Iglesia. Bago ang isasagawang Dakilang Pamamahayag ng mga salita ng Diyos ng Iglesia Ni Cristo nang September 26, 2015 ay nagpakalat din sila sa social media ng mga “negatibong komento” ukol dito upang i-discourage ang mga kapatid sa pakikiisa rito:

Gaya nang ating nakita, bigong-bigo pa rin ang mga kumakalaban sa Pamamahala, AT PATULOY NA NAGTATAGUMPAY ANG IGLESIA NI CRISTO. Ang isinagawang Dakilang Pamamahayag ng mga salita ng Diyos noong September 26, 2015 ay ISANG MALAKING PAGTATAGUMPAY NA NAMAN NA IPINAGKALOOB NG PANGINOONG DIYOS SA IGLESIA AT SA KASALUKUYANG PAMAMAHALA.

Philippine Arena
Image 01

South Cotabato
Image 2

 Cebu South
Image 03

 Singapore
Image 4

 Seattle, Washington, USA
Image05


King William's Town, South Africa
Image06

Nang ang mga “Fallen Angels” ang “kumilos” subalit sila’y NABIGO. Samantalang ang bawat “kilos” ng kasalukuyang Pamamahala ay PAWANG PINAPAGTATAGUMPAY NG DIYOS. Kaya, tama ang sinabi ng Kapatid na Eduardo V. Manalo sa kaniyang pangangasiwa ng Dakilang Pamamahayag na: “Kung totoo (ang mga sinasabi ng iba na pawang negatibo sa media at sa social media) laban sa Iglesia, hindi sana nagtatagumpay ang Iglesia na gaya nang nakikita natin ngayon.” Hanggang ngayon ay tinutupad ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pangako sa Sugo sa mga huling araw sa kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo, kay Kapatid na Eduardo V. Manalo.


3 comments:

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)