ANG MGA ANTICRISTO BAGO ANG WAKAS
I JUAN 2:18-19 MB
Unang Bahagi
MAY IBINABALA
ANG BIBLIA
NA MGA
ANTICRISTO NA
LILITAW BAGO
ANG WAKAS
Kung papaano
ibinabala ni Apostol Juan na may lilitaw na Anticristo na may bilang na 666
(Apoc. 13:11 at 18), at may mga Anticristo na hindi nagpapahayag na si Jesus
ang Cristo (I Juan 2:22), at hindi rin magpapahayag na si Cristo ay tao sa
likas na kalagayan (II Juan 1:7 at The Message), ay ibinabala rin niya na may
mga Anticristo na lilitaw bago ang wakas (I Juan 2:18-19 MB)
ANG tunay na Cristiano ay
“alagad” ng Panginoong Jesuscristo: “…at
ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia” (Gawa
11:26). Para sa mga tunay na Cristiano, si Cristo ang kanilang Panginoon,
Tagapagligtas, Tagapamagitan, at Guro. Batid natin na may ibinabala ang Biblia
na pagbangon ng “Anticristo.” Para sa mga tunay na Cristiano ang “Anticristo”
ay hindi dapat pakinggan, ni magkaroon man anumang kaugnayan sa kaniya kundi
dapat ituring na kalaban sapagkat ang kahulugan ng “Anticristo” ay “Kaaway ni
Cristo.” Sinu-sino ba ang mga “Anticristo” na ibinabala ng Biblia?
MAY IBINABALANG
“ANTICRISTO” NA ANG
IKAKIKILANLAN
AY MAY BILANG NA 666
Ang ukol sa bagay na ito ay
batid na batid ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sapagkat ito’y naituro ng
maraming beses ni Kapatid na Felix Y. Manalo at Kapatid na Erano G. Manalo.
Ukol sa “Anticristo” ay ganito ang
sinasabi ng Banal Na Kasulatan:
Apocalipsis 13:11 at 18
“At nakita ko
ang ibang hayop na umaahon sa lupa; at may dalawang sungay na katulad ng sa
isang kordero, at siya'y nagsasalitang gaya ng dragon.
“Dito'y may
karunungan. Ang may pagkaunawa ay
bilangin ang bilang ng hayop; sapagka't siyang bilang ng isang tao: at ang
kaniyang bilang ay Anim na raan at anim na pu't anim.”
Ang isa sa ikakikilala sa
“Anticristo” na ito ay may bilang na “anim na raan at anim na pu’t anim” (666).
Bagamat tinawag ng Biblia na “hayop” subalit ito’y paglalarawan lamang sapagkat
ang sabi ng Biblia ay “Ang may pagkaunawa ay bilangin ang bilang ng hayop;
sapagka’t siyang bilang ng isang tao.” Subalit, hindi lamang ang bilang na 666
ang ikakikilala sa “Anticristo” na ito. Ang sabi pa sa binabanggit ng talata ay
“may dalawang sungay”; “katulad ng kordero”; at “nagsasalitang gaya ng dragon.”
Maraming beses nang naituro sa mga pagsamba ang ukol sa paksang ito, kaya batid
na batid na ng mga kapatid sa Iglesia ang katuparan ng hulang ito ng Biblia.
ANG IBA PANG
MGA “ANTICRISTO”
NA IBINABALA
NI APOSTOL JUAN
Ang nagsulat ng hula ukol sa
“Anticristo” na ang isa sa ikakikilanlan ay ang bilang na 666, si Apostol Juan,
ay siya ring nagbababala na marami pang anticristo na lilitaw sa mundo. Ang isa
sa mga Anticristo na lilitaw sa mundo ay ang tumatanggi na si Jesus ay siyang
Cristo:
I Juan 2:22
“Sino ang
sinungaling kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anticristo, sa makatuwid ay ang tumatanggi
sa Ama at sa Anak.”
Mula pa sa panahon mismo ni
Apostol Juan ay bumangon na ang mga tumatanggi na si Jesus ay siyang Cristo (sa
isang salita’y “Iba si Jesus kay Cristo” at “si Jesus ay hindi si Cristo”).
Mula nuon hanggang ngayon ay mayroong mga taong ganito. Subalit, sa panahon
natin ay nagpapakilala pa naman silang mga diumano’y “Cristiano” subalit ang
kanilang turo ay “turong Anticristo.” May mga grupo ngayon na nagsasabing “iba
raw si Jesus kay Cristo” – sapagkat si “Jesus daw ang tao, at si Cristo daw ang
Diyos.” Hindi ba’t ayon kay Apostol Juan ay “Anticristo” ang ganitong
paniniwala?
Ano ang dapat nating mapansin
dito? UNA, may mga taong naniniwala na sila’y Cristiano subalit ang totoo ay
sila’y “Anticristo” sapagkat ang aral at turo ay kalaban ng turo ni Cristo.
IKALAWA, hindi maitutulad ang Iglesia Ni Cristo ngayon sa mga taong binabanggit
ni Apostol Juan sa I Juan 2:22 sapagkat maliwanag ang paninindigan ng Iglesia
Ni Cristo na si Jesus ang Cristo.
May isa pang ipinakilala si
Apostol Juan na “Anticristo” rin na lumitaw mula rin noon. Ganito ang kaniyang
pahayag sa kaniyang Ikalawang Sulat:
II Juan 1:7
“Sapagkat
maraming magdaraya na nangagsisilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga
hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman. Ito ang
magdaraya at ang anticristo.”
Ang isa pang ipinakilala ni
Apostol Juan na “Anticristo” ay ang “hindi nagpapahayag na si Jesucristo ay
naparitong nasa laman.” Ano ang ibig sabihin na “Si Jesuscristo ay naparitong
nasa laman” na ang hindi nagpapahayag nito ay kabilang sa mandaraya at
anticristo? Hayaan natin Biblia ang magpaliwanag:
II John 1:7 The Message
“There are a lot
of smooth-talking charlatans loose in the world who refuse to believe THAT JESUS
CHRIST WAS TRULY HUMAN, A FLESH-AND-BLOOD HUMAN BEING. Give them their true
title: Deceiver! Antichrist!” (Amin ang
pagbibigay-diin)
Bakit Anticristo ang sinumang
hindi magtuturo na si Cristo ay tao? Sapagkat salungat ito sa pagtuturo mismo
ni Cristo na nakasulat sa Juan 8:40:
Juan 8:40
“Datapuwa't
ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, NA TAONG SA INYO'Y NAGSAYSAY NG
KATOTOHANAN, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.” (Amin ang pagbibigay-diin)
MAY
IBINABALANG ANTICRISTO
NA LILITAW
BAGO ANG WAKAS
Maliban sa mga nabanggit sa unahan, may
binabangit pa si Apostol Juan na “mga Anticristo” rin subalit ang pagbangon ay
bago ang wakas o sa panahon natin. Ukol dito ay ganito ang sinabi ni Apostol
Juan:
I Juan 2:18-19 MB
“Mga anak,
malapit na ang wakas! Tulad ng narinig
ninyo, darating ang anti-Cristo. Ngayon
nga'y marami nang lumitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang
wakas. Bagamat sila'y dating kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang
mga taong iyon. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama
natin. Ngunit umalis sila, kaya't
maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin.”
Ang sabi ni Apostol Juan ay “Ngayon nga’y marami nang lumitaw na mga
Anti-Cristo kaya’t alam nating malapit na ang wakas.” Katumbas lang na sa
panahong malapit na ang wakas o bago ang wakas ay lilitaw ang maraming
Anticristo. Subalit, ibinigay din ni Apostol Juan ang pagkakakilanlan sa
maraming mga “Anticristo” na lilitaw bago ang wakas. Ang sabi niya, “Bagama’t sila’y dating kasamahan natin.”
Kung nasaan si Apostol Juan na isang apostol ay ganito ang pahayag ng Biblia:
I Corinto 12:28
“At ang Dios ay
naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga aposto, ikalawa'y mga propeta,
ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga
pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.
Kung saang Iglesia inilagay
ang mga apostol, ganito rin ang pahayag ng I Corinto:
I Corinthians 12:12 NTME
“For just as the
human body is one and yet has many parts, and all its parts, many as they are,
constitute but one body, so it is with the Church of Christ.”
Samakatuwid, ang sinasabing
mga Anticristo na lilitaw bago ang wakas ay mga DATING KASAMAHAN NATIN SA
IGLESIA NI CRISTO. Bakit mga “dating kasamahan sa Iglesia Ni Cristo”? Ang sabi
ni Apostol Juan, “hindi natin tunay na
kaisa ang mga taong iyon. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, NANATILI SANA
SILANG KASAMA NATIN. Ngunit UMALIS SILA,
kaya't maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin.”
Kaya “dating kasamahan sa
Iglesia Ni Cristo” sapagkat mga dati silang kaanib sa Iglesia Ni Cristo, ngunit
hindi nanatili, umalis, naalis, tumiwalag, natiwalag. KAYA, ANG TINUTUKOY NI
APOSTOL JUAN NA “MGA ANTICRISTO” NA LILITAW BAGO DUMATING ANG WAKAS AY MGA TIWALAG
SA IGLESIA NI CRISTO.
KONKLUSYON
SAMAKATUWID, kung papaanong
hindi maitatanggi na may ibinabala si Apostol Juan sa Apocalipsis na darating
na Anticristo na may bilang na 666, at may ibinabala rin siya sa kaniyang mga
sulat na mga Anticristo na hindi nagpapahayag na si Jesus ang Cristo at na si
Cristo ay tao sa likas na kalagayan, gayon din ibinabala ni Apostol Juan mismo
na may mga Anticristo na lilitaw bago ang wakas na mga dating kasamahan sa
Iglesia Ni Cristo o mga tiwalag sa Iglesia (I Juan 2:18-19 MB).
No comments:
Post a Comment
Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.