11 June 2015

Tahasang Paglaban sa Bilin ng Pamamahala ang pagrecord at pagpost ng Lektura ng Pamamahala



DAPAT BANG IKATUWA ANG TAHASANG PAGSUWAY SA TAGUBILIN NG PAMAMAHALA?

Ang ginawa nina Antonio Ebanghelista at mga kasama na pag-record at pag-post ng lektura ng Pamamahala sa isinagawang Pangkalahatang Pulong noong June 9, 2015 ay tahasang pagsuway sa tagubilin ng Pamamahala kaya tahasang paglaban sa Pamamahala - na nagpapabulaan sa ipinagpapanggap nila na sila daw ay nagmamalasakit at hindi lumalaban sa Pamamahala
 


TUWANG-tuwa ang grupo ng mga kumakalaban sa Pamamahala dahil nagawa nilang i-record ang sermon ng Kapatid na Eduardo V. Manalo at ngayon ay mai-post sa kanilang blog. Papaano nga ba ito nai-record? Hindi po ang kanilang kuwento na marami raw pong mga ministro ang nagpadala nito sa kanila – isa na namang kasinungalingan. Ang pangkalahatang pulong ay nasaksihan maging ng iba’t ibang distrito. Ayon sa isa nilang kasamahan na nababagabag sa pahayag ng Pamamahala sa kaniyang lektura sa nasabing Pangkalatang Pulong kung saan ay binibigyan niya ng pagkakataon na bumalikwas at mabago ang mga kumakalaban sa Pamamahala, mayroon daw silang kakutsaba sa isang malayong distrito na tatlong araw bago ang pagupulong ay naipuslit niya sa loob ng distrito at nailagay ang recording device sa loob ng CR, kaya nang kapkapan siya ay walang nakita sa kaniya. Pagpasok sa loob ng distrito ng araw ng Pangkalahatang Pulong ay kinuha niya ang recording device sa loob ng CR na kaniyang pinagtaguan at doon niya nai-record.

Ayon sa kasamahan nilang ito, mayroon pa raw siyang mga kasamahan na nang marinig ang lektura ng Pamamahala ay nabagabag sila lalo na’t nakita nila ang kabaitan at damang-dama ang pagmamahal at pagmamalasakit ng Pamamahala na nagbibigay pa ng pagkakataon para sila makapagbago bago ipataw ang disiplina o parusa. Marami na rin daw ang nag-iisip sa kanila ngayon na magbalik sa Pamamahala.


DAPAT NGA BANG IKATUWA ANG PAG-RECORD AT
PAGPOST NA ITO NG LEKTURA NG PAMAMAHALA?

Mula pa noon sa panahon ni Kapatid na Eraño G. Manalo ay mahigpit nang tagubilin ang pagbabawal ng pagdadala ng anumang recording devices sa ganitong mga pagpupulong. Ang tagubiling ito ay hindi isang bagong bagay at hindi ngayon lamang sa panahon ni Kapatid na Eduardo V. Manalo.

Ang mga ministro mula pa sa paaralan ay tinuruan na ng katapatan sa Pamamahala ng Iglesia. Tinuruan ng maraming leksiyon ukol sa pagpapasakop sa tuntunin at tagubilin ng Pamamahala ng Iglesia. Kaya nga ang mga mag-aaral sa ministeryo ay buong higpit na sinanay sa pagsunod sa mga tuntunin at tagubilin mula sa Pamamahala. Ito ay hindi kagustuhan lamang ng sinumang tao kundi ang pagpapasakop sa Pamamahala ay kautusan ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Ganito ang sinasabi sa atin ng Banal Na Kasulatan:

Hebreo 13:17 NPV
17Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala. Sila ang mangangalaga sa inyo at mananagot sa paglilingkod na ito.  Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat ang paglilingkod na ginagawa nila; ito'y sa ikabubuti rin ninyo.

Samakatuwid, hindi maaaring sabihing tapat ang isang ministro kung hindi siya marunong sumunod sa kahit sa kaliit-lliitang bilin mula sa Pamamahala.

Kung mula pa sa panahon ni Kapatid na Eraño G. Manalo ay tagubilin na ang hindi pagdadala ng anumang recording devices at mahigpit na ipinagbabawal ang mag-record ng lektura ng Pamamahala, samakatuwid, ANG PAGSUWAY SA TAGUBILING ITO AY TAHASANG PAGLABAN SA PAMAMAHALA NG IGLESIA. Kaya ano lamang ang pinatutunayan ng ginawang ito ng grupo nina Antonio Ebanghelista?

UNA, HINDI SIYA TAPAT SA KANIYANG SALITA NA HINDI SIYA LUMALABAN SA PAMAMAHALA. Kung totoo na hindi siya lumalaban sa Pamamahala ay hindi niya susuwayin ang tagubilin ng Pamamahala. Ang ginawa ba niyang ito ay hindi pagsuway sa tagubilin ng Pamamahala? Ang pagsuway ba sa tagublin ng Pamamahala ay hindi paglaban sa Pamamahala? SAMAKATUWID, TUNAY NA PAGKUKUNWARI LAMANG ANG SINASABI NI ANTONIO EBANGELISTA NA HINDI SIYA LABAN SA PAMAMAHALA.
 
"Kung totoo na hindi siya lumalaban sa Pamamahala ay hindi niya susuwayin ang tagubilin ng Pamamahala."


IKALAWA, KITANG-KITA NA ANG TUNAY NA LAYUNIN NI ANTONIO EBANGELISTA AY ANG IBAGSAK ANG PAMAMAHALA. Hindi ba’t ang ipinangangalandakan niya ay ang “katiwalian ng Sanggunian” lamang ang kaniyang nilalabanan at hindi ang Pamamahala? Subalit ang ginawa ba niyang ito na pagsalungat at pagsuway sa bilin ng Pamamahala ay “paglaban sa katiwalian ng Sanggunian” o paglaban na mismo sa Pamamahala? Kung tunay na ang Sanggunian lang ang kalaban ni Antonio Ebangelista ay bakit kailangan niyang suwayin ang Pamamahala at hindi ba’t ang kaniyang pagpunang ito sa “lektura” ng Pamamahala ay hindi lamang paglaban kundi isang gawa na nais na “pasamain” ang Pamamahala sa mga kapatid?
 
“Ang ginawa ba niyang ito na pagsalungat at pagsuway sa bilin ng Pamamahala ay “paglaban sa katiwalian ng Sanggunian” o paglaban na mismo sa Pamamahala?”
  
LUMALABAS NA PO ANG TUNAY NA KULAY NI ANTONIO EBANGHELISTA AT NG KANIYANG MGA KASAMA NA ITO AY ANG IBAGSAK ANG PAMAMAHALA.


ANG LEKTURA NG PAMAMAHALA

Pakinggan ninyo ang lektura ng Pamamahala at makikita ninyo na tama lahat ang kaniyang sinabi at doon ay walang masama. Nagbigay pa siya ng pagkakataon sa mga kumakalaban sa Pamamahala na bumalikwas sila bago pa ipataw ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pasiya na gaya ng isinasaad sa Isaias 41:9-13:

Isaias 41:9-13 Abriol
“Ikaw ang aking lingkod, hinirang kita at hindi kita itinakwil. Huwag kang matakot at ako’y sumasaiyo; huwag kang manlupaypay sapagkat ako ang iyong Diyos. Pinalalakas kita, tinutulungan kita, at inaalalayan sa aking kamay na mapagtagumpay. Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng mga umusig sa iyo. Mauuwi sa wala at  lilipulin ang magsisilaban sa iyo. Hahanapin mo ang magsisipaglaban sa iyo ngunit di mo sila matatagpuan; mauuwi sa wala at magiging walang kakabu-kabuluhan ang nagsisipaghamak sa iyo. Sapagkat akong Panginoong iyong Diyos ang siyang humahawak sa iyong kanang kamay; at sinasabi ko sa iyo: Huwag kang matakot, tutulungan kita.”

Sana nga ay bumalikwas kayo, magbago at magbalik bago pa mahuli ang lahat. Huwag kayong padaya sa maling paniniwala na maaari ninyong ibagsak ang kasalukuyang Pamamahala at maipuwesto ang gusto ninyong mamahala sa Iglesia. Ang Panginoong Diyos ang naghahalal sa Pamamahala ng Iglesia at hindi ito maaaring alisin ng sinumang tao. Hindi ang tao ang naglalagay ng Pamamahala sa Iglesia. Sa paglaban sa Pamamahala ay ang kinakalaban ninyo ay ang pinangakuan ng Panginoong Diyos na “Ikaw ang aking lingkod, hinirang kita at hindi kita itinakwil. Huwag kang matakot at ako’y sumasaiyo; huwag kang manlupaypay sapagkat ako ang iyong Diyos. Pinalalakas kita, tinutulungan kita, at inaalalayan sa aking kamay na mapagtagumpay.”

Napansin ba ninyo na galit ang Diyos sa lalaban sa Pamamahala na inilagay Niya sa Iglesia at noon pa man ay may pasiya na Siya sa kanila. Ang sabi ng Diyos, “Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng mga umusig sa iyo. Mauuwi sa wala at  lilipulin ang magsisilaban sa iyo. Hahanapin mo ang magsisipaglaban sa iyo ngunit di mo sila matatagpuan; mauuwi sa wala at magiging walang kakabu-kabuluhan ang nagsisipaghamak sa iyo.” Hindi pa huli ang lahat sa mga nadaya ng mga kumakalaban sa Pamamahala. May panahon pa para magbalik sa panig ng Pamamahala.

MGA KAPATID, ANG MALAKING KATANUNGAN PARA SA LAHAT AY:

Higit pa ba ninyo paniniwalaan ang isang taong hindi ninyo kilala at ni ayaw magpakilala sa pagsasabing may katiwalian daw sa Iglesia ngayon KAYSA sa minamahal nating Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Edurado V. Manalo na nagsasabing “walang katiwalian sa Iglesia”?

ANG ISA PANG TANONG PARA SA LAHAT NG MGA KAPATID AY:

Maniniwala at kakampi ba kayo sa mga taong hindi ninyo kilala at ni ayaw magpakilala AT lalaban sa Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, na sa simula’t simula pa’y ibinigay na ang buhay at malaki na ang nagawa para sa ating kapakanan at kaligtasan?

Ipanalangin natin lagi sa anginoong Diyos ang Pamamahala na inilagay Niya sa Iglesia na patnubayan, laging tulungan at gabayan na patuloy na magtagumpay. Ipanalangin natin sa Diyos na ingatan Niya ang Pamamahala at ng kanilang buong sambahayan. Ipanalangin natin sa Diyos na patuloy na ingatan Niya ang Iglesia sa kabuuan. Ipanalangin din natin sa Diyos na sana’y bagabagin Niya ang loob ng mga kumakalaban sa Pamamahala na muli silang maliwanagan upang huwag mapahamak.

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)