MENSAHE MULA SA ATING MAHAL NA TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN
AT ANG PANGAKO NG MGA TUNAY
Ang Pananampalataya natin ay
Magdaraan sa Pagsubok
Magdaraan sa Pagsubok
“Sa mula’t mula pa ay alam naman nating ang ating pananampalataya
ay talagang magdaraan sa iba’t ibang pagsubok. Ang pagsubok ang dadalisay,
magpapatatag, at magpapalago sa ating pananampalataya. Ang mahalaga’y maingatan
ng bawat hinirang ng Diyos ang pananampalatayang ito.
“Totoong may mga ibinigay ang Diyos upang alagaan ang
pananampalataya ng mga taong dinala Niya sa Iglesia upang maligtas. Naglagay
Siya sa Iglesia ng Pamamahala at ng mga makakatulong ng Pamamahala sa
pangangalaga sa mga hinirang–tulad ng mga ministro, mga manggagawa, at mga
maytungkulin. Subalit, hindi lamang sila ang may pananagutan sa pag-aalaga sa
pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos. Pananagutan din ng bawat hinirang na
ingatan at alagaan ang kaniyang pananampalataya.”
Ang Tungkulin Nating mga
Iniligtas ng Diyos
Iniligtas ng Diyos
“Ano ang tungkulin ng mga iniligtas ng Diyos sa kahatulan? Sa
panahon ng mga apostol, ano ang ginawa ng mga sumampalataya sa pangangaral ng
mga apostol para sila ay maligtas? Wala na ba silang ginawa pagkatapos na
tumanggap ng bautismo? Sa Gawa 2:42 ay sinasabi ang ganito:
Ang mga ito’y nanatiling tapat sa turo
ng mga apostol, sa kapatiran, sa pagpuputol-putol ng tinapay at sa mga
pananalangin. (Salin sa Filipino mula sa
New Jerusalem Bible)
“Ano ang ginawa ng mga naging bunga ng pangangaral ng mga apostol
na tumanggap ng bautismo? Ang mga ito, aniya, ay nanatiling tapat sa turo ng
mga apostol. Sa ano pa sila nanatili? Sa kapatiran. Alin ang kapatirang
tinutukoy? Ang pagsasama-sama nila bilang magkakapatid sa loob ng Iglesia Ni
Cristo. Samakatuwid, nanatili sila sa Iglesia Ni Cristo na nagtatapat sa
itinuro ng mga apostol sa kanila.
“Kung gayon, tungkulin ng mga iniligtas mula sa sanlibutan at
dinala sa Iglesia na manatiling tapat sa turong tinanggap nila. Ito rin ang
tungkulin ng mga hinirang ng Diyos sa
panahon natin. Anuman ang mangyari, huwag tayong hihiwalay sa turo na tinanggap
natin sa loob ng Iglesia. Sa ano pa tayo dapat manatili? Sa mga pananalangin.
Huwag din natin itong kalilimutang gawin o huwag pababayaan.”
Kung Bakit Dapat Ingatan ang
Ating Pananampalataya
Ating Pananampalataya
“Huwag nating ipaaagaw sa kaninuman o sa anuman ang mga aral ng
Diyos na itinuro sa atin, bagkus ay hawakan natin ang mga ito nang mahigpit,
puspusang sundin, at huwag nating bibitiwan.
“Bakit kinakailangang manatili tayong matibay na iniingatan ang
aral? Sapagkat may ibinabala ang mga apostol na magaganap sa hanay ng mga
hinirang ng Diyos. Ano ang ibinabala nilang iyon? Sa I Timoteo 4:1 ay sinasabi:
Malinaw na ipinahayag ng Espiritu na sa
mga huling panahon ay may ilang tatalikod sa pananampalataya at ang pipiliing
pakinggan ay ang mga mapanlinlang na espiritu at mga aral na nanggaling sa mga
demonyo. (Salin sa Filipino New Jerusalem
Bible)
“Kaya nagpapaalala ang mga apostol sa mga hinirang na ingatan
nilang matibay ang ebanghelyo at manatiling tapat sa itinuro nila, pati sa
kapatiran, at sa pananalangin ay dahil may masamang mangyayari sa ibang mga
hinirang. Ang iba’y tatalikod sa pananampalataya. Sino ang matatalikod sa
pananampalataya? Ang sinuman na ang pipiliing pakinggan ay ang mga mapanlinlang
na espiritu at mga aral na nanggagaling sa mga demonyo.
“Alam na natin na mayroon talagang mga tumalikod sa
pananampalataya at naalis sa pagiging tunay na Cristiano dahil sumunod sa mga
aral ng demonyo, na ang dalawa roon ay ang pagbabawal sa pagkain ng lamangkati
o karne at sa pag-aasawa. Subalit bukod sa mga napaniwala at napasunod sa mga
aral ng demonyo, may mga matatalikod din dahil ang piniling pakinggan ay ang
mapanlinlang na espiritu.
Manghawak Tayo sa Aral ng
Diyos na Itinuro sa Atin
Diyos na Itinuro sa Atin
“Pansinin ninyo na ang pagpili o pagpapasiya para makapanatili o
kaya’y matalikod sa pananampalataya ay nasa kaanib na rin. Kahit tinuturuan
siya ng mga salita ng Diyos ng mga nag-aalaga sa kaniya, pinapayuhan, at
ipinapanalangin sa Diyos, ngunit kung ang pinili niyang pakinggan ay ang mga
mapanlinlang na espiritu ay matatalikod nga siya. Kaya huwag ang pakinggan natin
ay ang mga gumagawa ng mga panlilinlang at pandaraya sa layuning iligaw ang
ating pananampalataya. Kapag sila ang ating pinakinggan ay lalasunin nila ang
ating isipan, dadayain, ililigaw, at itatalikod tayo sa pananampalataya. Kaya
manghawak tayo sa aral.
“Sundin natin ang mga apostol at maging ang kasalukuyang
Pamamahala sa Iglesia na nagpapaalala sa atin na magpatuloy na sumampalataya sa kung ano ang ipinangaral
sa atin.”
Ang Ibinabalang Matinding Pagsubok na
Pagdaraanan ng mga Hinirang
“Ano pa ang ibinabala ng ating Panginoong Jesucristo na mangyayari
kaya napakahalaga na manatili tayong tapat sa turo na ating tinanggap? Ganito
ang ibinabala ng ating Panginoong Jesucristo na mababasa natin sa Mateo
24:8-12:
Ang mga bagay na ito ang pasimula ng
mga kapighatian at sakit. At kayo’y ipauubaya
na nila sa kapinsalaan. Papatayin nila kayo. Kapopootan kayo ng buong
daigdig dahil sa Aking pangalan. Maraming tao ang susuko at tatalikod na sa
panahong iyon. Ipagkakanulo ng mga tao ang isa’t isa. Mapopoot sila sa isa’t
isa. Darating ang maraming huwad na tagapagturo ng relihiyon. Lolokohin nila
ang maraming tao at dadalhin nila sa likong landas. Dahil sa mga taong
lumalabag sa mga batas at dahil ang kasalanan ay nasa lahat ng dako, ang
pag-ibig sa puso ng mga tao ay
manlalamig. (Salin sa Filipino mula sa New
Life Version)
“Dito’y malinaw na ibinabala ang matinding pagsubok na daraanan ng
mga hinirang ng ating Panginoong Jesucristo sa mga huling araw. Hindi lamang ang
mga kapighatian at mga sakit ang
daranasin nila. May mga ipauubaya sa kapinsalaan, papatayin, at kapopootan ng
buong daigdig dahil sa pangalan ni Cristo o dahil sa kanilang pagka-Iglesia Ni
Cristo. May mga tatalikod. Ipagkakanulo ng mga tao ang isa’t isa at mapopoot
sila sa isa’t isa. Darating ang maraming huwad na tagapaturo ng relihiyon.
Gagamit sila ng mga pandaraya at mga kasinungalingan para lokohin ang maraming
tao at dalhin sa likong landas. Hindi lamang magbubunga ito ng pagtalikod sa
pananampalataya, kundi maging ng panlalamig ng pag-ibig ng mga tao.”
“Kaya ngayon, higit sa lahat ng panahon, dapat ingatan at alagaan
ng bawat kapatid ang kaniyang pananampalataya.”
Ipagsanggalang ang Pananampalatayang
Ipinagkatiwala sa Atin ng Diyos
“Ano ang itinuturo ng Apostol Tadeo sa pag-aalaga ng
pananampalataya? Sa Judas [Tadeo] 1:3 ay sinasabi ang ganito:
Mga mahal na kaibigan, buong
kasabikan kong pinagpaplanuhang sulatan
kayo tungkol sa kaligtasang nabahagi nating lahat. Ngunit ngayon ay nakita kong
dapat ko kayong sulatan tungkol sa ibang bagay, para himukin kayong ipagsanggalang ninyo ang
pananampalatayang ipinagkatiwala ng Diyos minsan at magpakailanman sa Kaniyang
banal na bayan. (Salin sa Filipino mula sa New Living Translation)
“Dahil maraming magaganap na magsasapanganib sa pananampalataya ng
mga hinirang, tinuruan tayo ng mga apostol na ipagsanggalang ang
pananampalatayang ipinagkatiwala ng Diyos sa atin para makapanatili tayo sa
turo na ating tinanggap at sa ating pagka-Iglesia Ni Cristo. Hindi natin dapat
isuko ang ating pananampalataya kaninuman o sa anuman, manapa’y ipagtanggol
natin ito laban sa lahat ng maghahangad na ito’y pinsalain, mga mang-uusig man
sila mula sa ibang pangkatin ng
pananampalataya o mga hindi tunay na kapatid na ang nais ay maghasik ng
kaguluhan at pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga hinirang ng Diyos.”
Ngayon lalong Dapat Pag-alabin ang
Kasiglahang
Espirituwal sa Paglilingkod sa Diyos
“Anong uring labanan ang sinisikap nating maipagtagumpay? Basahin
natin sa Efeso 6:10-12:
At iyan, humigit-kumulang ang buod ng
mga ito. Ang Diyos ay malakas at nais Niyang maging malakas kayo. Kaya kunin
ninyo ang lahat ng inihanda sa inyo ng Panginoon, ang mga sandatang mahusay ang
pagkakagawa at ginamitan ng pinakamahusay na materiales. At iyon ang gamitin
ninyo para malabanan ninyo ang lahat ng ibabato sa inyo ng diablo. Ang
[labanang] ito’y hindi isang paligsahan lang ng mga atleta sa isang hapon na
pagkatapos ay lalakad na lang tayong palayo at kalilimutan na lang pagkaraan ng
dalawang oras. Ito’y pamalagian, isang labanan hanggang sa katapusan na ang
nakataya ay buhay at kamatayan laban sa
diablo at sa lahat ng kaniyang mga anghel. (salin sa Filipino mula sa The
Message)
“Ayon sa talatang ito, ang labanang sinisikap nating
maipagtagumpay ay isang labanan hanggang sa katapusan na ang nakataya ay buhay
at kamatayan laban sa diablo at sa lahat ng kaniyang mga anghel. Samakatuwid,
ang labanang ito ay hindi laban sa laman
at dugo kundi laban sa mga kasamaan at kadiliman na ang pasimuno ay ang diablo.
Kaya ang pakikipagbaka natin ay isang espirituwal na pakikipaglaban.
“Kailangang-kailangan natin ang Diyos sa labanang ito. Ang
sandatang inilaan Niya para gamitin natin ay ang Kaniyang mga salita, ang mga
aral Niya na itinuturo sa atin sa mga pagsamba. Kaya ngayon natin lalong dapat
pagtalagahan ang ating mga pagsamba. Ngayon natin lalong dapat paramihin ang
ating mga gawain ukol sa Panginoon para ang diablo’y hindi magkaroon ng
pagkakataong tayo’y linlangin. Ngayon natin lalong dapat paramihin ang ating
mga gawaing ukol sa Panginoon para ang diablo’y hindi magkaroon ng pagkakataong
tayo’y linlangin. Ngayon natin lalong dapat pag-alabin ang ating kasiglahang
esprituwal sa paglilingkod sa Diyos.”
Ang Nakipagbaka ng Mabuting Pakikipagbaka
“Kailan masasabing naging mabuti ang ginawa nating pakikipaglaban
alang-alang sa pananampalataya? Sa II
Timoteo 4:7-8 ay sinabi ni Apostol Pablo na mabuting pakikipaglaban ang ginawa
niya dahil natapos niya ang kaniyang takbuhin. Ganito ang pahayag niya:
Nakipaglaban ako ng mabuting
pakikipaglaban. Natapos ko na ang aking takbuhin. Iningatan ko ang
pananampalataya. Ang gantimpalang naghahayag na nasa akin ang pagpapatibay ng
Diyos ay naghihintay na ngayon sa akin. Ang Panginoon, na isang makatarungang
hukom ay ipagkakaloob sa akin ang gantimpalang iyon sa araw na iyon. Ibibigay
Niya ito hindi lamang sa akin, kundi maging sa bawat isang buong pananabik na
naghihintay sa Kaniya sa Kaniyang muling pagparito. (Salin sa Filipino mula sa
God’s Word)
“Dahil dito, huwag nating bibitiwan ang pananampalatayang
tinanggap natin sa Diyos. Gawin din natin ang mabuting pakikipagbaka. Tapusin
din natin ang ating takbuhin. Makaaasa rin tayo na ipagkakaloob sa atin ng
Panginoon ang gantimpala sa Kaniyang muling pagparito.”
Ang Panawagan ng Pamamahala
Ano ang dahilan ng lahat ng pagpupunyagi nating ito at pagtitiis?
Ano ang ating tinatanaw at inaasam kaya ipinakikipaglaban natin ang ating
pananampalataya at sinisikap na tapusin ang ating takbuhin? Ganito ang sinabi
ng ating Panginoong Jesucristo sa Mateo 24:13:
Ngunit ang mga taong iningatan ang
kanilang pananampalataya [nagtiis, nanindigang matatag, nagpunyagi] hanggang sa
wakas ay maliligtas. (Salin sa Filipino mula sa Expanded Bible)
“Ito ng pinakamahalaga sa lahat – ang tayo’y maligtas. Kaya
kailangan nating manatili hanggang sa wakas. Ang maliligtas ang siyang bibigyan
ng walang hanggang buhay at makapananahan sa Bayang Banal.
“Kaya anumang pagsubok pa ang dumating
sa buhay natin, gaano mang hirap at kapighatian ang ating danasin, gaano mang
katinding pag-uusig ang maranasan natin ay patuloy tayong magtiwala sa Diyos.
Kapag tayo’y nasa ganoong mga sitwasyon ay tulungan at palakasin nawa Niya tayo
upang makapanindigan pa rin tayo sa panig Niya at kailanma’y huwag nang
mahiwalay pa sa Kaniya.”
ANG
PANGAKO NG MGA TUNAY NA KAPATID SA IGLESIA
Kaming mga tunay na kapatid sa Iglesia
ay nangangako sa harap ng Diyos na ipakikipaglaban po naming mabuti ang
pananampalatayang ipinagkatiwala sa amin ng Panginoong Diyos. Lubos kaming
susunod at pasasakop sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Kaniyang Iglesia.
Anuman po ang mangyari ay hindi kami makikinig sa mga mapanlinlang na espiritu,
sa mga naglalayong dayain kami upang dalhin sa likong landas. Nangangako po
kami ng lubos na katapatan sa Diyos, kay Cristo at sa Pamamahala na inilagay ng
Diyos sa Iglesia.
Lagi po naming idadalangin sa Diyos na
ingatang lubos ang Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V.
Manalo, na patuloy na gabayan upang tayo ay patuloy na mapangunahan at maihanda
sa nalalapit na Araw ng ating Kaligtasan.
LUBOS
PO KAMING SUSUNOD AT PASASAKOP UPANG MALIGTAS
No comments:
Post a Comment
Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.