01 July 2015

Ang Pinagmulan at Pasimula ni Kapatid na Felix Y. Manalo



ANG IGLESIA  NICRISTO:
ANG BAYAN NG DIYOS SA
MGA HULING ARAW

Isang serye na tumatalakay sa kasaysayan ng Iglesia Ni Cristo
mula Kay Kapatid na Felix Y. Manalo hanggang sa pagdiriwang
ng kaniyang ika-101 anibesaryo
 

IKALAWANG BAHAGI
ANG PINAGMULAN A PASIMULA NI KAPATID NA FELIX Y. MANALO
  
Ang dako at sambahayan na kaniyang pinagmulan, at ang kalagayan
ng panahon sa kaniyang kapanganakan



  
S
apagkat nilalayon natin na makilalang lubos si Kapatid na Felix Y. Manalo, kaya napakahalaga na magkaroon muna tayo ng kabatiran ukol sa kaniyang pinagmulang pamilya, dako at panahon. Ano ang kalagayan ng sambaha-yang kaniyang pinagmulan? Ano ang larawan at kalagayan noon ng dako ng kaniyang kapanganakan at tinubuan? Anong panahon at ano ang kalagayan ng panahon ng kaniyang kapanganakan at kabataan? Ano ang kalagayang pulitikal, panlipunan at panrelihiyon ng Pilipinas noon? Ito ang ating sasagutin sa kabanatang ito.


Ang pinagmulanG pamilya
(“Family Background”)

Isang simpleng pamilya lamang ang pinagmulan ni Kapatid na Felix Y. Manalo, na karaniwang mamamayan lamang na walang yaman at kapangyarihan. Ang kaniyang ama ay isang magsasaka at mangingisda lamang, at ang kaniyang ina ay isang simpleng maybahay lamang. Nakatira ang kaniyang pamilya sa isang nayon lamang (“village”) na tinatawag na Tipas, sa Bayan ng Taguig. Tulad ng mga karaniwang mamamayan sa nayong iyon, ang kanilang tahanan ay isang kubo lamang (“nipa hut”).

Si Kapatid na Felix Y. Manalo ang panganay sa dalawang anak nina Mariano Ysagun at Bonifacia Manalo (“ang ikalawa ay ang kanilang anak na babae na si Praxedes). Ang mga Ysagun at Manalo ay kapuwa mga tubong Tipas. Sinasabing noon na ang mga Manalo ang higit na nakaaangat sa buhay. Hanggang ngayon ay mayroong mga Ysagun at Manalo na naninirahan sa Tipas.

Maagang naulila sa ama si Kapatid na Felix Y. Manalo. Pumanaw ang kaniyang ama na si Mariano Ysagun noong siya ay sampung taong gulang lamang. Ang kaniyang nakababatang kapatid na si Praxedes ay mas bata sa kaniya ng isang taon. Dalawa lamang sila na anak ni Bonifacia Manalo (“Aling Pacia”) kay Mariano Ysagun.

Pagkalipas ng tatlong taon (sa taong 1899) ay muling nag-asawa si Aling Pacia kay Clemente Mozo (“Mang Mente”) na isang biyudo na may dalawang anak na maaga ring namatay. Sina Aling Pacia at Mang Mente ay nagkaroon ng limang anak: Emeterio, Tiburcio, Fausta, Simeon, at Baldomero. Sa limang naging anak nina Aling Pacia at Mang Mente ay sina Fausta at Baldomero lamang ang nabuhay. Sila’y kapuwa naging masiglang kaanib at namatay sa loob ng Iglesia Ni Cristo.

Si Mang Mente ay isang karpintero, mangingisda at magsa-saka. Si Aling Pacia ay tumutulong sa ikabubuhay ng kanilang lumalaking pamilya sa paggawa ng mga sawali (“bamboo mats”) upang ipagbili. Subalit, hindi pa man naipanganganak si Baldomero ay pumanaw na si “Mang Mente.”


Ang Dako ng Kapanganakan
calzada, Tipas, Taguig

Si Kapatid na Felix Y. Manalo ay ipinanganak sa isang maliit na kubo sa Sitio Calzada, sa Nayon ng Tipas, na sakop naman ng Bayan ng Taguig. Ang pook-kapanganakan (“birthplace”) ni Kapatid na Felix Y. Manalo sa Bo. Calzada, Tipas, Taguig ay idineklarang “national historical landmark” ng National Historical Institute noong Hulyo 27, 2007.

Ang Taguig ay nasa timog-silangan ng Maynila. May labinlimang (15) kilometro ang layo ng Taguig sa Maynila. Nasa silangan naman ng Taguig ang Laguna de Bay. Sa timugan ng Taguig ay ang Lunsod ng Muntinlupa; sa kaniyang timog-kanluran ay ang Lunsod ng ParaƱaque; sa kaniyang kanluran ay ang Lunsod ng Pasay; ang Cainta at Taytay naman ang nasa kaniyang hilagang-silangan; ang Pateros at Pasig naman ang nasa kaniyang hilaga.

Bago dumating ang mga Kastila, ang Bayan ng Taguig ay bahagi ng kaharian ng Tondo. Ang bayang ito ay isa sa mga naunang nakumberte sa Katolisismo nang magtagumpay ang mga Kastila sa pananakop sa buong Luzon noon 1570s. Sa mga Ulat ng Encomiendas noong mga taong 1582-1583, isinasaad na ang “Tagui” (Taguig) ay nasa ilalim ng isang encomiendero na may 660 populasyon at sakop ng makasaysayang Lalawigan ng Tondo. Noong 1587 nang itatag ang Taguig bilang bukod na “pueblo” (bayan).

Noong 1860, sa pamamagitan ng bisa ng Circular blg. 83 na may petsang Setyembre 2, 1859, ang Lalawigan ng Tondo ay naging Lalawigan ng Maynila. Ang Bayan ng Taguig ay kasama sa mga naging sakop ng Lalawigan ng Maynila.

Noong 1853 ay itinatag ng Pamahalaang Kastila ang isang distrito na tinawag nilang “Distritos Politico-Militar de los Montes de San Mateo” na binubuo ng mga bayan ng Antipolo, Bosoboso, Cainta, Taytay, Morong, Baras, Tanay, Pililla, Angono, Binangonan at Jalajala. Sapagkat ang bayan ng Morong ang kabisera ng distrito, pagkalipas ng apat na taon, noong 1857, ang pangalan ng distrito ay ginawang “Distrito Politico-Militar de Morong.”
 
Ang Lalawigan ng Rizal ay natatag noon lamang 1901, sa panahon ng mga Amerikano. Nang dumating ang mga Amerikano ay pinalawak nila ang Lunsod ng Maynila na idinagdag ang 15 pueblo na mula sa Lalawigan ng Maynila. Ang mga nalabing bayan sa Lalawigan ng Maynila at ang mga bayan ng Distrito ng Morong ay pinagsama noong 1901 upang bumuo sa Lalawigan ng Rizal.

Samakatuwid, nang ipanganak si Kapatid na Felix Y. Manalo noong 1886, ang makasaysayang Lalawigan ng Maynila ang nakasasakop noon sa Bayan ng Taguig. Hindi naging sakop ng Distrito ng Morong ang Bayan ng Taguig, at noon lamang 1901 natatag ang Lalawigan ng Rizal.


nang Siya’y ipanganak
Mayo 10, 1886

Ipinanganak si Kapatid na Felix Y. Manalo noong Mayo 10, 1886 sa Baryo Calzada, Tipas, Taguig.

Nang siya’y ipanganak, ang Taguig ay isa lamang pueblo, isang “rural town,” at ang Tipas ay isang (“rural village” na ang pangunahing kabuhayan ng mga tao ay mangisda, magsaka at gumawa ng sawali.

Nang siya’y ipanganak, ang Pilipinas ay kolonya ng Espanya, panahon noon ng mga Kastila, na panahon na ang paghihiwalay ng simbahan at estado ay napakalabo, na ang kapangyarihan ng simbahan ay nakahihigit kaysa sa estado. Kaya nang siya’y ipanganak, ang Iglesia Katolika ang naghahari noon sa bansa.

Nang siya’y ipanganak, ang simbahan at ang mga paring Katoliko ay nagtataglay ng lubhang malaking kapangyarihan (hindi lamang kapangyarihang pang-simbahan, kundi maging kapangyarihang pulitikal at sibil). Kaya nang siya’y ipanganak, ang mga prayle noon ang kumakatawan sa kapangyarihan ng Espanya, at sila ang mga naghahari noon sa mga munisipyo o pueblo.

Nang siya’y ipanganak, noon ay umiiral sa bansa ang batas (ang Kodigo Penal bilang 226) na nagbabawal ng pagtuturo, pagpapalaganap at pagsasagawa ng anumang laban o salungat sa Katolisismo o sa relihiyong Katoliko, at ang lumabag dito ay isang krimen na may kaukulang mabigat na kaparusahan. Kaya nang siya’y ipanganak ay iisa lamang ang organisadong relihiyon na siyang tanging relihiyong ipinahi-hintulot ng estado sa bansa, ang Iglesia Katolika, at tunay na noon ay walang kalayaan sa relihiyon.

Nang siya’y ipanganak, ang posesyon at pagbabasa ng Biblia ay isa ring krimen na may kaukulang mabigat na kaparusa-han. Hindi noon malaya ang sirkulasyon ng Biblia at hindi ipinahihintulot ang pagpasok sa bansa ng mga kopya ng Biblia. Wala pa rin noong Biblia na nakasalin sa mga wika o dialekto ng Pilipinas.

Nang siya’y ipanganak, nubenta porsiento (90 percent) ng populasyon sa Pilipinas ay nagsasabing sila’y Katoliko. Ang mga Pilipino noon sa kabuuan ay mga debotong Katoliko dahil na rin sa mahigit na tatlong daang taon na paghahari ng Iglesia Katolika bilang tanging relihiyon ng estado at ang kawalang kalayaan sa relihiyon.

Nang siya’y ipanganak, laganap na ang pang-aabuso ng mga prayle bilang mga “landlords,” lakip pa ang  mga pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan at posisyon. Kaya nang siya’y ipanganak , ang damdamin laban sa mga prayle (“anti-friar sentiment”) ay lumalaganap na rin at umiigting.

Ito ang sitwasyon ng panahon noong ipanganak si Kapatid na Felix Y. Manalo.


[SOURCE: Condensed mula sa "Felix Y. Manalo: Ang Sugo ng Diyos sa mga Huling Araw" Six Volumes na kumprehensibong tumatalakay sa talambuhay ni Kapatid na Felix Y. Manalo]

Susunod!
Ikatlong Bahagi:
Ang Ang Unang “Turning Point” sa Buhay ni Kapatid na
Kapatid na Felix Y. Manalo:
Nang Matagpuan Niya ang Iang Kopya ng Biblia


HAPPY 101ST ANNIVERSARY!
July 27, 2015

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)