“BAYAANG ANG
BAWA'T ISA'Y MANATILI DOON SA PAGKATAWAG NA ITINAWAG SA KANIYA.” I CORINTO 7:20
ANG dapat pakinggan ng tao ay
ang salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Ang kalooban ng Diyos na dapat
nating masunod ay ang nakasulat sa Banal Na Kasulatan at hindi ang opinyon o
haka-haka ng iba. Ang pangunahing dapat nating tularan sa panghahawak sa mga
salita ng Diyos ay ang ating Panginoong Jesus. Batid nating Siya man ay tinukso
ng diablo at sinikap na maalis sa pagsunod. Gumawa ng hakbang ang diablo upang
papag-alinlanganin Siya, gumamit pa ng talata ng Biblia (ngunit sa papilipit na
paggamit), at ginamit pa ang mga kayamanan at kaharian ng sanlibutan upang
magawang mahikayat ang Panginoong Jesus sa pagtalikod sa Diyos. Batid din natin
na ang layunin ng diablo ay hindi ang ikaliligtas kundi ang maalis ang tao sa
kaligtasan. Ngunit, nilabanan siya ng Panginoong Jesus na ang ginamit ay ang
salita ng Diyos na nakasulat sa Banal Na Kasulatan.
Sa panahon natin ngayon,
gumagawa rin ng paraan ang diablo upang ang mga hinirang sa mga huling araw ay
maalis sa kanilang kahalalan. Sa pagkasangkapan sa mga tiwalag ay hinihikayat
nila ang mga hinirang na lumabas sa Iglesia Ni Cristo – umalis o magpatiwalag.
Tiyak na hindi ang Panginoong Diyos at ang Panginoong Jesus ang may ibig na ang
tao’y tumalikod sa Kaniyang pagka-Iglesia Ni Cristo, kundi ang kaaway ng Diyos
at ni Cristo, ang diablo.Tularan natin ang ating Panginoong Jesus na nilabanan
ang diablo sa pamamagitan nang panghahawak sa mga salita ng Diyos na nakasulat
sa Biblia. Ano ang isa sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Banal Na Kasulatan
na dapat nating panghawakang matibay upang huwag tayong malinlang at maihiwalay
ng diablo sa ating kahalalan? Ganito ang pahayag sa atin ni Apostol Pablo:
“Bayaang ang BAWA'T ISA'Y MANATILI DOON SA PAGKATAWAG na itinawag sa
kaniya.” (I Corinto 7:20)
Kung mayroon palang hihikayat
sa atin na bumitaw sa pagkatawag na sa atin ay itinawag ay tiyak na hindi
galing sa Diyos, kundi kasalungat ng kalooban ng Diyos. Anupat ang paghikayat
na bumitaw sa pagkatawag sa atin ay tiyak na pakana ng kaaway ng Diyos, ng
diablo. ANG KALOOBAN NG DIYOS AY ANG BAWAT ISA’Y MANATILI SA PAGKATAWAG NA SA
ATIN AY ITINAWAG NG DIYOS.
Alin ang pagkatawag na sa atin
ay itinawag ng Diyos na dito’y kalooban Niyang manatili tayo? Ganito ang sagot
sa atin ni Apostol Pablo:
“At maghari sa
inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang
katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat.” (Colosas 3:15)
Ayon kay Apostol Pablo ay
TINAWAG tayo sa ISANG KATAWAN. Ang “katawan” na tinutukoy na dito’y tinawag
tayo ay ang “Iglesia”:
“At siya ang ulo
ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia…” (Colosas 1:18)
Si Apostol Pablo din ang may
sabi na ang “katawan” kung saan tayo’y tinawag ay ang Iglesia na pinangunguluhan
ni Cristo. Si Apostol Pablo din ang nagpapatotoo na ito ang “Iglesia ni
Cristo”:
“For just as the
human body is one and yet has many parts, and all its parts, many as they are,
constitute but one body, so it is with the Church of Christ.” (I Cor. 12:20 at
12 NTME)
SAMAKATUWID, ang tinutukoy ng
Biblia na “Bayaang ang bawa't isa'y
manatili doon sa pagkatawag na itinawag sa kaniya” ay ang PANANATILI SA
IGLESIA NI CRISTO. Kaya, hindi kailanman hihikayatin ng mga tunay na mga tagapangaral
na sa Diyos tulad ni Apostol Pablo na umalis ang mga hinirang sa Iglesia Ni
Cristo. Bagkus, ang kanilang mahigpit na ibinibilin sa mga hinirang ay MANATILI
SA PAGKATAWAG O MANATILI SA PAGKA-IGLESIA NI CRISTO.
Bakit hindi kailanman
hihikayatin ng mga tunay na tagapangaral na sa Diyos na ang mga hinirang ay
lumabas sa Iglesia Ni Cristo? Ganito ang itinuturo ng mga apostol ukol sa
kahalagahan ng Iglesia Ni Cristo:
“At sa kanino
mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng
langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” (Gawa 4:12)
Ang tinatawag sunod sa
pangalan ni Cristo ay ang “Iglesia ni Cristo” na siya ring pinatutunayan ng
Biblia na tinubos ng dugo ni Cristo:
“Take heed
therefore to yourselves over which the Holy Spirit appointed you overseers to
feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” (Acts 20:28
Lamsa)
SALIN SA
PILIPINO:
“Ingatan ninyo kung
gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu
Santo na mga katiwala upang pakanin ninyo ang iglesia ni Cristo na binili niya
ng kaniyang dugo.”
Ang Biblia ang nagpapatotoo na
ang tiwalag ay nasa labas ng Iglesia at may hatol ng Diyos:
“Ano ang
karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng iglesya? Hindi ba kayo ang hahatol sa mga nasa loob?
13Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. ‘Itiwalag ninyo ang masama ninyong
kasamahan.’” (I Corinto 5:12-13 NPV)
Samakatuwid, ang paghikayat sa
atin na lumbas sa Iglesia Ni Cristo ay paghikayat na lumabas sa “tanging
ililigtas ng Panginoong Jesus”; paghikayat na lumabas sa sinasabi ng Biblia na
“sa kanino mang iba ay walang kaligtasan.”
Tunay na ang humihikayat sa isang hinirang na lumbas sa tunay na Iglesia Ni
Cristo ay hindi ang kaligtasan ng kaluluwa ang kanilang hangarin, KUNDI ANG
PANSARILING KAPAKANAN lamang nila:
“Ipinamamanhik
ko sa inyo, mga kapatid, tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakampi-kampi at
nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ninyo; iwasan ninyo sila.
18Ang mga gayong tao ay hindi naglilingkod kay Cristo na ating Panginoon, kundi
sa kanilang makasariling hangarin, at sa pamamagitan ng kanilang magaganda at
matatamis na pangungusap ay inililigaw nila ang mga mapaniwalain. Roma 16:17-18
MB
Hindi ang ikabubuti ng mga
hinirang ang kanilang hinahangad sapagkat hinihikayat nga nila ang mga tao na
lumbas sa Iglesia Ni Cristo na sinasabi ng Biblia na “sa kanino mang iba ay walang kaligtasan.” Ang kanilang layunin ay
ang gamitin ang kanilang mahikayat para sa paglaban sa Pamamahala ng Iglesia na
inilagay ng Diyos upang makamtan ang pansariling hangarin, kaya sila lumilikha
ng pagkakabahabahagi at sari-saring paninira. Dito’y maliwanag na “pakana” ng
diablo ang itinataguyod ng mga tiwalag sapagkat ang may nais na ang tao’y
maalis sa kaligtasan o hindi maligtas ay ang diablo na kaaway ng Diyos:
“Ang nalaglag sa
tabi ng daan ay ang mga nakinig, ngunit dumating ang diyablo at inalis sa
kanilang puso ang salita upang hindi sila manampalataya at maligtas.” (Lukas
8:12 NPV)
KAYA, TUNAY NA HINDI ANG
KALIGTASAN ANG IPINAGLALABAN NG MGA TIWALAG SA IGLESIA, SAPAGKAT KUNG
KALIGTASAN ANG KANILANG IPINAKIKIPAGLABAN AY HINDI NILA SASALUNGATIN ANG
KALOOBAN NG DIYOS NA MANATILI ANG HINIRANG SA PAGKATAWAG SA KANIYA,
HINDING-HINDI NILA HIHIKAYATIN ANG TAO NA LUMABAS SA IGLESIA NI CRISTO NA
SINASABI NG BIBLIA NA “SA KANINO MANG IBA AY WALANG KALIGTASAN.”
Ipagpapalit ba natin ang ating
kahalalan at kaligtasan sa “anuman” at sa “sinuman”? maliwanag ang panawagan sa
atin ng Diyos na nakasulat sa Biblia na: “BAYAANG ANG BAWAT ISA’Y MANATILI SA
PAGKATAWAG NA SA ATIN AY ITINAWAG NG DIYOS.” ANUMAN ANG MANGYARI AY MANATILI
TAYO SA PAGKATAWAG SA ATIN, MANATILI TAYONG IGLESIA NI CRISTO.
SA KANINO MANG IBA AY WALANG KALIGTASAN,
KAYA
MAHAL KO ANG AKING PAGKA-IGLESIA NI CRISTO
HIGIT SA “ANUMAN” AT SA “KANINUMAN”
No comments:
Post a Comment
Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.