23 January 2017

Maaangkin ba ng mga tiwalag o hiwalay na sila'y "tunay na Iglesia Ni Cristo"?

SINO ANG TUNAY NA 
“IGLESIA NI CRISTO”?
 Maaangkin ba ng mga tiwalag o hiwalay na sila'y "tunay na Iglesia Ni Cristo"?



ANG ating paksa ay hindi tumutukoy sa “organisasayon” (kung alin ang tunay na Iglesia o relihiyon), kundi sa “pagka-Iglesia Ni Cristo.” Inaangkin ng ibang mga natiwalag sa Iglesia na sila raw ay tunay pa ring Iglesia Ni Cristo sa kabila na hindi na sila kaanib o sila’y tiwalag na sa Iglesia Ni Cristo, at ang iba pa nga’y nag-aangkin na sila raw ang tunay na Iglesia Ni Cristo at hindi raw ang kasalukuyang nasa loob ng Iglesia Ni Cristo. Subalit, kung susuriin ay pawang batay lamang sa haka-haka ang kanilang sinasabi at hindi sa itinuturo ng Banal Na Kasulatan. Ang totoo’y ang kanilang sinasabing sila raw mga tiwalag ang tunay na Iglesia Ni Cristo ay naghahayag lamang na sila’y “mangmang” sa itinuturo ng Biblia ukol sa “Iglesia Ni Cristo.”


ANG IGLESIA NI CRISTO AY “KATAWAN NI CRISTO” KAYA
ANG “TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO” AY “SANGKAP” NG
KATAWAN NI CRISTO O NG IGLESIA NI CRISTO

Para malaman natin kung sino ang tunay na Iglesia Ni Cristo ay alamin muna natin kung ano ang “Iglesia Ni Cristo.” Ganito ang paliwanag sa atin ni Apostol Pablo sa Colosas 1:18:

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia.” (Colosas 1:18)

Ang Iglesia ay “katawan” ni Cristo, at si Cristo ang ulo nito. Kaya pala “Iglesia Ni Cristo” sapagkat “katawan ni Cristo.” Dahil dito, ang bumubuo sa “Iglesia Ni Cristo” bilang “katawan ni Cristo” ay ang maraming sangkap na may magkakaibang gampanin ngunit samasama sa iisang katawan:

“Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa.” (Roma 12:4-5)

Kung ang “Iglesia Ni Cristo” ay “katawan ni Cristo” kaya ang “tunay na Iglesia Ni Cristo ay “sangkap” ng “katawan ni Cristo.” DAHIL DITO, HINDI KAILANMAN MAAANGKIN NG SINUMAN NA SIYA’Y “TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO” KUNG SIYA’Y HINDI SANGKAP NG KATAWAN NI CRISTO.


SAPAGKAT ANG “SANGKAP” AY MEMBER” (O KAANIB)
KAYA ANG “TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO” AY
“MEMBER”O “KAANIB” SA IGLESIA NI CRISTO

Ano naman ang ibig sabihin na “sangkap” ng Iglesia na katawan ni Cristo ang tunay na Iglesia Ni Cristo? Ganito ang sagot sa atin ng Biblia:

“For as we have many members in one body, and all members have not the same office: So we, being many, are one body in Christ, and every one members one of another.” (Roma 12:4-5 KJV)

Ang “MGA SANGKAP” ayon sa Bibliang Ingles ay “MEMBERS” – “members in one body” o sa Pilipino ay “mga kaanib ng isang katawan.” Kung ang katawan ay ang Iglesia, samakatuwid ang “sangkap” ay “miembro” o “kaanib” ng isang Iglesiang katawan ni Cristo. KAYA, HINDI KAILANMAN MAAANGKIN NG SINUMAN NA SIYA’Y “TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO” KUNG SIYA’Y HINDI “MEMBER” O KAANIB NG KATAWAN NI CRISTO (NG IGLESIA NI CRISTO).


ANG “TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO” AY BAHAGI
O NAKAUGNAY SA IGLESIA NI CRISTO KAYA HINDI
TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO ANG TIWALAG

Ang isa pang katumbas ng binanggit na “sangkap” ay “part” (“bahagi”) – “we are all joined together to each as different parts of one body”:

“We have many parts in the one body, and all these parts have different functions. 5In the same way, though we are many, we are one body in union with Christ, and we are all joined to each other as different parts of one body.” (Roma 12:4-5 TEV)

Ang “part” o “bahagi” ay nakaugnay, kaisa, nakasangkap. Sabi nga sa talata ay “all joined together as different parts of one body.” Dahil dito, ang tunay na Iglesia Ni Cristo ay “part” o bahagi ng Iglesia Ni Cristo at hindi hiwalay, nakahiwalay, o nahiwalay, at hindi walang kaugnayan o hindi na nakaugnay. Batid natin na ang “tiwalag” ay “hiwalay sa Iglesia” at “nasa labas ng Iglesia”:

“Ano ang karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng iglesya?  Hindi ba kayo ang hahatol sa mga nasa loob? Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. "Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan.” (I Corinto 5:12-13 NPV)

Ang Iglesiang kinabibilangan ng “mga sangkap” o “members” ng katawan ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo:

“But, as a matter of fact, there are many parts and but one body.
“For just as the human body is one and yet has many parts, and all its parts, many as they are, constitute but one body, so it is with the Church of Christ.” (I Cor. 12:20 at 12 NTME)

KAYA, HINDI KAILANMAN MAAANGKIN NG SINUMANG TIWALAG NA SIYA’Y TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO SAPAGKAT ANG TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO AY “PART” (“BAHAGI”) AT NASA LOOB NG IGLESIA NI CRISTO.

Lohikal lamang naman na kung hindi ka na kaanib o kabilang ng isang organisasyon ay hindi na maaaring angkinin ang kinakatawan ng organisasyon iyon. Halimbawa, kapag hindi ka na miembro ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ay hindi ka na tunay na sundalo; kapag hindi ka na miembro ng Philippine National Police ay hindi ka na tunay na police offcer; at kapag hindi ka na nagtatrabaho sa gobryerno ay hindi ka na government employee. Kahit nga sa ibang relihiyon ay gayon din, halimbawa, kung hindi na miembro ng Iglesia Katolika ay hindi na “talagang” Katoliko.


HINDI SA DIYOS AT KAY CRISTO ANG MGA HIWALAY
AT TIWALAG SA IGLESIA NI CRISTO

Kalooban ng Diyos na ang mga tunay na Iglesia Ni Cristo ay sama-samang sangkap, bahagi (“part”) o kaanib (“member”) ng Iglesia Ni Cristo:

“Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko.” (Efeso 1:9-10)

Kalooban ng Diyos na matipon ang lahat kay Cristo na ito’y sa pamamagitan na “ang bawa’t Isa’y samasamang mga sangkap” ng “iisang katawan” ni Cristo:

“Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.
“Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.
“Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.” (I Corinto 12:27 at 20 at 18)

Si Cristo mismo ang nagpapatotoo na hindi Niya kinikilala ang sinumang hindi tumutupad sa kalooban ng Diyos:

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!' At sasabihin ko sa kanila, 'Kailanma'y hindi ko kayo nakilala.  Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!” (Mateo 7:21-23 MB)

Ang kalooban ng Diyos ay ang matipon ang lahat kay Cristo sa pamamagitan ng magsamasamang sangkap ng iisang katawan ni Cristo o maging kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Kaya, sa mga hindi sangkap, hindi kaanib, hindi kabilang, bagkus ay hIwalay o tiwalag, ang sagot ni Cristo ay “'Kailanma'y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!” TUNAY NA HINDING-HINDI MAAANGKIN NG MGA HIWALAY O TIWALAG SA IGLESIA NI CRISTO NA SILA’Y TUNAY NA “IGLESIA NI CRISTO” SAPAGKAT ANG MGA HIWALAY O HINDI SANGKAP, HINDI KAANIB O HINDI KABILANG SA IGLESIA NI CRISTO AY HINDI KINIKILALA NI CRISTO AT IPAGTATABUYAN PA SA ARAW NG PAGHUHUKOM.

Pinatutunayan din ng Biblia na “walang Diyos at walang pag-asa” ang mga “hiwalay kay Cristo” o hiwalay sa Iglesia Ni Cristo:

“Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.” (Efeso 2:12)

SAMAKATUWID, ANG MGA HIWALAY O TIWALAG SA IGLESIA NI CRISTO AY HINDI MAAARING MAGING TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO, AT LALONG HINDI SILA SA DIYOS AT KAY CRISTO. ANG TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO AY NANANATILING KAANIB O NASA LOOB NG IGLESIA NI CRISTO. HINDI KINIKILALA NI CRISTO AT WALANG DIYOS ANG HIWALAY SA IGLESIA NI CRISTO.

Dahil dito, anuman ang mangyari ay magiging panatag at matatag tayo sa ating pagka-Iglesia Ni Cristo sa ating pagkahirang:

“Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo: sapagka't kung gawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailan man.” (II Pedro 1:10)

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)