“HUWAG
MAGING GURO ANG MARAMI SA INYO” Santiago 3:1
HINDI kailanman ipinagbabawal
sa sinumang kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang magkaroon at magbasa ng Biblia. Ito
nga ang dahilan kaya natagpuan ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang
katotohanan sapagkat tiningnan natin sa Biblia kung alin ang nagtuturong pawang
nakasulat sa Banal Na Kasulatan. Ang sinuman ay maaaring magdala ng kaniyang
Biblia sa pagdalo sa pagdudoktrina, pamamahayag at pagsamba. Ngunit, ang
nakararami sa mga kapatid ang ginagawa ay itinatala ang mga talatang binabasa
sa pamamahayag at pagsamba, at sa bahay niya binabasa sa Biblia ang mga talata.
Kaya, basahin ng lahat ang Biblia ay maaari at dapat lamang lalo na sa
naghahanap ng katotohanan. Subalit, ang ipangaral ng kahit na sino na lamang
ang Biblia ay hindi maaari (cf. Roma
10:15).
Maging sa Iglesia ay hindi
maaaring kahit sino na lamang ay maaaring MAGTURO ng Biblia. Ito ay isang aral
na itinuro mula pa sa panahon ni Kapatid na Felix Y. Manalo, sa panahon ni
Kapatid na Erano G. Manalo, at hanggang sa panahon ng kasalukuyang Pamamahala
ng Iglesia, sa panahon ni Kapatid na Eduardo V. Manalo, sapagkat ito’y mahigpit
na tagubilin na nakasulat sa Banal Na Kasulatan:
Santiago 3:1
“Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, yamang
nalalamang tayo'y tatanggap
ng lalong mabigat na hatol.”
Ang Iglesia na itinayo ni
Cristo ay ang Kaniyang katawan at Siya ang ulo nito (Col. 1:18). Dahil dito,
ang Iglesia, tulad sa katawan ng tao, ay binubuo ng maraming sangkap na
magkakaiba ang gawain:
“Kayo ang
katawan ni Cristo at bawat isa sa inyo ay sangkap nito.
“Ang katawan ay
iisa ngunit binubuo ng maraming sangkap. At bagaman maraming sangkap, iisang
katawan. Gayon din si Cristo.
14Ang katawan ay
di binubuo ng iisang sangkap kundi marami. Hindi ngayon at sinabi ng paang
hindi siya kamay hindi na nga siya bahagi ng katawan. Hindi ngayon at sinabi ng
tainga na hindi siya mata, hindi na siya bahagi ng katawan. Kung lahat ng parte
ng katawan ay mata, paano ito makaririnig? At kung puro tainga naman, paano ito
makaaamoy?” (I Corinto 12:27 at 12 at 14-17 NPV)
Ang Iglesia Ni Cristo ay ang
katawan ni Cristo, na bagamat maraming sangkap (kaanib), subalit iisang katawan
ni Cristo. At tulad din sa “katawan ng tao” na ang bawat sangkap ay may
magkakaibang gawain o katungkulan, gayon din ang Iglesia Ni Cristo ay may iba’t
ibang gampanin o pananagutan ang bawat sangkap ng katawan (o ang bawat kaanib
sa Iglesia). Ito ang minagaling ng Panginoong Diyos at Siya mismo ang gumawa
nito sa Iglesia:
“Datapuwa't
ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa
kaniyang minagaling.
“Upang huwag
magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay
mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.” (I Corinto 12:18 at
25)
Kalooban ito ng Diyos na ang
mga sangkap ay maging sama-sama sa loob ng iisang katawan ni Cristo (ang
Iglesia Ni Cristo), na ang bawat sangap ay may magkakaibang gampanin, ngunit
sama-samang gumagawa at nagkakaisa tungo sa ikabubuti ng kabuuan. Papaano ito
isinakatuparan ng Panginoong Diyos?
“Kayo nga ang
katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya. At ang Dios ay
naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta,
ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga
pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika. Lahat baga'y mga apostol?
lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng
mga himala? May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga
ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag? Datapuwa't maningas
ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob.
At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.” (I Corinto
12:27-31)
Naglagay ang Panginoong Diyos
ng iba’t ibang tungkulin sa loob ng Iglesia. Pansinin natin ang sinabi ni
Apostol Pablo, “Lahat baga'y mga apostol?
lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng
mga himala? May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga
ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?” Kaya, pala ang
pahayag ni Apostol Santiago (ang Tagapamahalang Pangkalahatan noon sa unang
Iglesia) ay “HUWAG MAGING GURO ANG
MARAMI SA INYO.” Sapagkat hindi talaga maaari dahil hindi lahat ay
pinagkalooban ng katungkulang ito.
Ang “guro” na binabanggit ni
Apostol Pablo at Apostol Santiago ay “tagapagturo o mangangaral ng katotohanan
at pananampalataya”:
“Na dito'y
itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi
ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.
“Dahil dito, ako'y hinirang na mangangaral,
apostol at tagapagturo ng pananampalataya at ng katotohanang ito sa mga Hentil.
Katotohanan ang sinasabi ko, hindi ako nagsisinungaling.” (I Timoteo 2:7 at MB)
Ano ba ang karapatan na
ipinagkaloob ng Panginoong Diyos kay Apostol Pablo na isang tagapagturo ng
pananampalataya at katotohanan? Ganito pa ang kaniyang pahayag:
“Na ako'y
ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin
para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios.” (Colosas 1:25)
Ang ministro ng Ebanghelyo na
binigyan ng Pamamahala ang may karapatan at katungkulan na ipahayag o ituro ang
mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Katuwang ng Pamamahala ng Iglesia
ang mga ministro at manggagawa sa pagtuturo ng mga salita ng Diyos na nakasulat
sa Biblia. Ang pagiging ministro o ang karapatang magpahayag at magturo ng
salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia ay hindi matatamo ng sinuman liban nang
siya’y tawagin ng Diyos:
“At sinoman ay
hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin
siya ng Dios, na gaya ni Aaron.” (Hebreo 5:4)
SAMAKATUWID, Hindi lahat ng
mga kapatid sa Iglesia ay may karapatang magbuklat ng Biblia, magpahayag at
magturo ng mga salita ng Diyos na nakasulat dito, sapagkat ang tanging inilagay
ng Diyos sa Iglesia ang may karapatang gumawa nito – ang Pamamahala ng Iglesia
at katuwang Niya ang mga ministro at manggagawa sa Iglesia.
Sa unang Iglesia (sa Iglesia
Ni Cristo noong unang siglo) ay may nangahas na maging “guro ng kautusan”:
“Na
nagsisipagnasang maging mga guro ng kautusan, bagaman di nila natatalastas
kahit ang kanilang sinasabi, kahit ang kanilang buong tiwalang pinatutunayan.” (I
Timoteo 1:7)
Ang paggawa ng isang bagay na
hindi mo karapatan o hindi nasasaklaw ng iyong gampanin ay isang pagkakasala na
tinatawag na “Kapangahasan.” Noong unang siglo, sa panahon ng mga apostol ay
may mga gumawa ng ganitong kapangahasan, subalit dahil sa wala namang karapatan
kundi nangangahas lamang kaya sila’y pawang nangasinsay:
“Na pagkasinsay
ng iba sa mga bagay na ito ay nagsibaling sa walang kabuluhang pananalita; Na
nagsisipagnasang maging mga guro ng kautusan, bagaman di nila natatalastas
kahit ang kanilang sinasabi, kahit ang kanilang buong tiwalang pinatutunayan.” (I
Timoteo 1:6-7)
Kaya pala ang mga kapatid ngayon
sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay napakaingat ukol sa bagay na ito –
sapagkat batid nilang hindi sila awtoridad kaya ayaw nilang makapagturo ng
sinsay o magkamali. Kaya pala, kapag may nagtatanong sa isang kapatid ukol sa
nakasulat sa Biblia, bagamat alam niya ang sagot sapagkat naituro na sa kaniya
sa maraming pagkakataon sa pagsamba ay hindi pa rin niya pangangahasan na
buklatin ang Biblia at siya ang magpaliwanag o magturo. Iimbitahan niya ang
nagtatanong na magtungo sila sa kapilya o sa dako ng gawain upang siya’y
makapagtanong at mapaliwanagan ng isang ministro sa loob ng Iglesia, o kaya
naman ay hikayatin ang nagtatanong na pumayag na dalhin niya sa kaniya ang
isang manggagawa upang makapagpaliwanag sa kaniya. HINDI PINANGANGAHASAN NG ISANG KAPATID NA MAGPAHAYAG O MAGTURO NG MGA
SALITA NG DIYOS NA NAKASULAT SA BIBLIA SAPAGKAT ALAM NIYANG ANG MAY KARAPATAN
AT PANANAGUTAN LAMANG UKOL DITO AY ANG MGA MINISTRO AT MANGGAGAWA SA LOOB NG
IGLESIA.
GANITO RIN KAHIT SA INTERNET O
SOCIAL MEDIA. Ang tunay na kaanib sa Iglesia Ni Cristo, ang tunay na
nagpapasakop sa kalooban ng Diyos, ay hindi mangangahas na makipag-usapin ukol
sa Biblia, at ang mag-post ng anumang pagpapahayag at pagpapaliwanag ng sa
ganang kaniyang sarili ukol sa mga talata ng Biblia. Batid niya na ang dapat
lamang niyang gawin ay i-share at ipalaganap ang mga post o article na mula sa
opisyal na page o site ng Iglesia, at mula sa mga ministro na binigyan ng
Pamamahala ng pahintulot na sumagot at magpahayag sa social media.
Gaya ng ating nakita, sa
panahon ng mga apostol ay may mga nangahas na maging “guro ng kautusan.” Ukol
sa kanila ay ganito ang itinagubilin ni Apostol Pablo:
“May ilang
tumalikod sa mga bagay na ito at nagumon sa walang kabuluhang pakikipagtalo.
Ibig nilang maging guro ng kautusan gayong hindi nila nauunawaan ang kanilang
sinasabi, ni ang mga bagay na itinuturo nila nang buong tiwala.
“Gaya ng
pamanhik ko sa iyo nang ako'y papunta sa Macedonia, ibig kong manatili ka sa
Efeso sapagkat may ilang tao roong nagtuturo ng maling aral. IUTOS MONG SILA'Y
TUMIGIL SA GINAGAWA NILANG IYON.” (I Timoteo 1:6-7 at 3 MB)
Kung sakaling may masumpungan
tayo na nangangahas na “magturo” at “nakikipag-usapin” ukol sa Biblia maging sa
internet o social media, SAWAYIN NATIN SILA, patigilin sa kanilang ginagawang
ito sapagkat maliwanag ang tagubilin ng Banal Na Kasulatan na, “HUWAG MAGING GURO ANG MARAMI SA INYO.”
No comments:
Post a Comment
Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.