19 January 2017

Ang Paghahandugan Para sa Lingap ay Hindi isang Bagong Bagay kundi Isinagawa sa Panahon pa ng mga Apostol



ISANG BAGONG BAGAY BA ANG PAGHAHANDUGAN PARA SA PAGLINGAP SA MAHIHIRAP AT KAPUS-PALAD?




ANG Iglesia Ni Cristo ay nagsasagawa ng “Lingap sa Mamamayan” (“Aid to Humanity”), hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa iba’t ibang parte ng daigdig, at hindi lamang sa panahon ng kalamidad kundi maging sa lahat ng panahon. Ang paglingap o pagtulong ng Iglesia Ni Cristo ay hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangtawid sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mahihirap at nangangailangan, kundi maging sa pagpapabahay at paggawa ng mga proyekto na magbibigay sa mga tao ng maayos na ikabubuhay. Ang ginagamit ng Iglesia Ni Cristo sa paglingap o pagtulong sa ating kapuwa na nangangailangan ay mula sa paghahandugan ng mga kaanib.

Batid natin na isang katotohanan na milyong-milyong tao na ang natutulungan ng Iglesia Ni Cristo sa buong mundo. Komento pa ng mga opisyal ng gobyerno sa South Africa kung saan ay nagsagawa ng paglingap ang Iglesia Ni Cristo na may mahigit sa 25,000 ang natulungan na wala pa raw ibang relihiyon na nakagawa ng ganon sa kanilang bansa. Subalit, “minamasama” pa rin ng iba at pilit na pinupulaan ang ginagawa nating ito. Sinasabi nila na ang paghahandugan daw ng Iglesia Ni Cristo para sa paglingap sa mga mahhirap at nangangailangan ay “wala raw sa Biblia,” kaya ang pagpapatupad daw nito ay pagbabago ng aral at pagtalikod daw sa Diyos sapagkat hindi naman daw ito isinagawa ng Iglesia Ni Cristo noong una. Hayaan natin na ang magbigay liwanag sa atin ukol dito ay ang pagtuturo ng Banal Na Kasulatan.

ISANG BAGONG BAGAY NGA BA ANG PAGSASAGAWA NG IGLESIA NI CRISTO NG PAGHAHANDUGAN PARA SA PAGLINGAP O PAGTULONG SA MAHIHIRAP AT NANGANGAILANGAN?

“Noon naman ay may mga propetang dumating sa Antioquia mula sa Jerusalem. Tumindig ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng malaking taggutom sa buong daigdig. (Nangyari ito noong kapanahunan ni Emperador Claudio.) Nagpasiya ang mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kaya ng bawat isa. Gayon nga ang ginawa nila, at ipinadala ang kanilang tulong sa matatanda ng iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.” (Gawa 11:27-30 MB)

Ang paglingap sa panahon ng kalamidad, kagutom o matinding pangangailangan ay HINDI ISANG BAGONG BAGAY SAPAGKAT ITO’Y ISINAGAWA MULA PA SA PANAHON NG MGA APOSTOL. Noong magkaroon ng matinding taggutom ay NAGPADALA NG TULONG ANG MGA KAPATID sa naninirahan sa Judea. Alin ang tinutukoy na “tulong” na ipinadala ng mga kapatid sa Iglesia sa mga nangangailang at papaano nila isinagawa ang pagtulong na ito? Ganito ang ating mababasa sa salin ng New American Standard Bible – Updated Edition sa talatang ito:

“Now at this time some prophets came down from Jerusalem to Antioch. One of them named Agabus stood up and began to indicate by the Spirit that there would certainly be a great famine all over the world. And this took place in the reign of Claudius.  And in the proportion that any of the disciples had means, each of them determined to send a contribution for the relief of the brethren living in Judea. And this they did, sending it in charge of Barnabas and Saul to the elders.” (Acts 11:27-30 NASU)

Ang “tulong” na ipindala ng mga kapatd sa Iglesia sa mga naninirahan sa Judea ay “relief” sa Ingles, kaya katumbas din ng “paglingap.” Kung papaano nila isinagawa ang pagpapadala ng “relief” o ang paglingap ay sa pamamagitan ng “contribution” ng bawat isa, at ang sabi pa ng Biblia ay “determinado” ang bawat kapatid sa paggawa ng “contribution” para sa pagpapadala ng “relief” sa mga naninirahan sa Judea. Batid natin na ang binabanggit ng Biblia na “contribution” ay tumtutukoy sa “pag-abuloy” o paghahandugan. Ano ang nagpapatunay na “handugan” nga ang kanilang isinagawa? Sa iba pang salin ng Biblia sa Ingles ay ganito ang mababasa:

“About that time some prophets came from Jerusalem to Antioch. 28 One of them, named Agabus, stood up and spoke with the help of the Holy Spirit. He said, "A very hard time is coming to the whole world. There will be no food to eat." (This happened when Claudius ruled.) 29 The believers all decided to help the followers who lived in Judea, as much as each one could. 30 They gathered the money and gave it to Barnabas and Saul, who brought it to the elders in Judea.” (Acts 11:27-30 New Century Version)

“At that time some prophetso came down from Jerusalemq to Antioch. One of them, named Agabus, got up and predicted by the Spirit that a severe famine was about to come over the whole inhabited world. (This took place during the reign of Claudius.)   29 So the disciples, each in accordance with his financial ability, decided to send relief to the brothers living in Judea. They did so, sending their financial aid to the elders by Barnabas and Saul.” (Acts 11:27-30 New English Translation)

Samakatuwid, hindi maling sabihin na noong nagkaroon ng matinding kagutom ay nagsagawa ng “handugan” ang mga kapatid sa Antioquia upang magpadala ng “lingap” sa mga naninirahan sa Judea. TUNAY NA HINDI WALA SA BIBLIA AT HINDI ISANG BAGONG BAGAY ANG GINAGAWA NATING PAGHAHANDUGAN PARA SA PAGLINGAP. ITO AY MALIWANAG NA NAKASULAT SA BIBLIA AT ISINAGAWA MULA PA SA PANAHON NG MGA APOSTOL.


PAGTALIKOD BA ITO O PAGBABAGO SA ARAL?

Sinasabi ng mga natiwalag na binabatikos ang ating paghahandugan para sa lingap na isa raw itong pagbabago sa aral o doktrina ng Iglesia sapagkat hindi naman daw ito isinagawa sa panahon ng mga unang namahala sa Iglesia.

Kung susundan natin ang kanilang argumento ay lalabas na ang mga apostol man ay tumalikod din sa Panginoong Jesus at binago ang Kaniyang mga aral o turo. Pansinin na sa panahon ng Panginoong Jesus ay hindi isinagawa ang paghahandugan ng mga kapatid sa Iglesia para sa paglingap na gaya ng binabanggit sa Gawa 11:27-30 (NASU). Dahil ba rito’y tumalikod na ang mga apostol? Binago na ba nila ang aral o turo ng Panginoong Jesus? Batid nating HINDI. Hindi nila binago, bagkus ay sinunod nila ang turo ng Panginoong Jesus. Hindi man isinagawa sa panahon ng Panginoong Jesus ang “paghahandugan para sa paglingap” na gaya ng ginawa ng mga apostol, subalit may maliwanag na pagtuturo ang Panginoong Jesus na maging mapagkawanggawa:

“Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao'y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na. At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi. At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi. Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag, At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan. At nang kinabukasa'y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko. Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan? At sinabi niya, Ang NAGKAWANGGAWA sa kaniya.  AT SINABI SA KANIYA NI JESUS, HUMAYO KA, AT GAYON DIN ANG GAWIN MO.” (Lukas 10:30-37)

Itinuro pa ng Panginoong Jesus ang sumusunod:

“Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan: Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom; ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy; Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan. Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka? 38At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka? At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin? At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” (Mateo 25:34-40)

Sa kabilang dako, ganito naman ang babala ng Panginoong Jesus:

“Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel: Sapagka't ako'y nagutom, at hindi ninyo ako pinakain; ako'y nauhaw, at hindi ninyo ako pinainom; Ako'y naging isang taga ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, at hindi ninyo ako pinaramtan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ako dinalaw. 44Kung Magkagayo'y sila nama'y magsisisagot, na magsisipagsabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, o nauuhaw, o isang taga ibang bayan, o hubad, o may-sakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran? Kung magkagayo'y sila'y sasagutin niya, na sasabihin, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa sa akin. At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa't ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.” (Mateo 25:40-46)

Kaya nga determinado ang mga unang Cristiano noon sa pagsagawa ng “paghahandugan sa paglingap” (“contribution for the relief”) ay bilang pagsunod sa utos ng Panginoong Jesus na ang tunay na Cristiano o Kaniyang alagad ay maging mapagkawanggawa. Batid din ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo  sa mga huling araw na ang iniutos at itinurong ito ng Panginoong Jesus ay  itinuro ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang Kapatid na Felix Y. Manalo, at maging ng Kapatid na Eraño G. Manalo. Itinuro sa Iglesia Ni Cristo mula pa noong una at hanggang sa kasalukuyan ang pag-iibigang magkapatid na dahil dito’y dapat lamang tulungan ang mga kapatid na nangangailangan, at itinuro rin nila  ang pagkakawanggawa o pagtulong sa kapuwa, gaya nga ng ipinag-utos ng Panginoong Jesus. Kaya, ito ay patuloy na itinuturo at isinasagawa rin sa panahon ng kasalukuyang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo.

Ang totoo, ang isinasagawa nating “Lingap sa Mamamayan” ay hindi rin isang bagong bagay sapagkat ito man ay isinasagawa na mula pa sa panahon ni Kapatid na Felix Y. Manalo at sa panahon ni Kapatid na Eraño G. Manalo. At gaya ng ating nakita sa unahan, kahit pa sa panahon ng mga apostol ay isinasagawa rin ito. Kaya, IPINAGPAPATULOY lamang ng kasalukuyang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang isinagawa ng mga apostol, ng kapatid na Felix Y. Manalo, at ng Kapatid na Eraño G. Manalo.

Samakatuwid, kapuwa ang pagsasagawa ng paghahandugan para sa lingap at ang “Lingap sa mamamayan” na ipinatutupad ng kasalukuyang Namamahala sa Iglesia ay HINDI PAGBABAGO sa aral KUNDI PAGPAPATULOY LAMANG AT PAGSASAKATUPARAN ng itinuro at iniutos ng Panginoong Jesus, ng  mga apostol, ng Kapatid na Felix Y. Manalo, at ng Kapatid na Eraño G. Manalo.


UTOS NG DIYOS NA MAGING BUKAS ANG ATING
PALAD PARA SA MGA NANGANGAILANGAN

Ang pagpapa-igting ng kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia sa paglingap sa kapuwa ay KALOOBAN NG DIYOS. Ganito ang sinasabi sa atin ng ating Panginoong Diyos:

“Pagdating ninyo sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, huwag ninyong pagkakaitan ng tulong ang mga kapatid ninyong nangangailangan. Sa halip, ibukas ninyo sa kanila ang inyong mga palad at pahiramin sila ng anumang kailangan.
“Kailanma'y hindi kayo mawawalan ng mga kapatid na mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.” (Deuteronomio 15:7-8 at 11 MB)

Kung minamasama ng iba ang ginagawa nating paglingap sa kapuwa, ngunit sa Panginoong Diyos ito’y mabuting gawa at lubos Niyang pinahahalagahan:

“Ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon, At ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran sa kaniya uli.” (Kawikaan 19:17)

Gagantimpalaan ng Diyos ang tumutulong sa mga dukha o nangangailangan:

“Ang mabait sa mga dukha ay sa PANGINOON nagpapautang, at sa lahat niyang ginawa, siya'y gagantimpalaan.” (Kawikaan 19:17 NPV)

Dahil dito, sa mga tunay na Cristiano at sumasampalataya, hindi hadlang sa kanila kung sila man ay mahirap din upang tumulong sa kanilang kapuwa sapagkat batid nilang ito ay pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nangako na Siya ang naggagantimpala sa ginagawang pagtulong sa dukha.

Samakatuwid, ang pakikiisa sa handugan para sa lingap at sa kilusan ng Iglesia na pagpapa-igting sa Lingap sa Mamamayan ay pagsunod lamang sa utos ni Cristo at sa kalooban ng Diyos na itinuro ng Kapatid na Felix Y. Manalo at ng Kapatid na Eraño G. Manalo, at patuloy na itinataguyod ng Kapatid na Eduardo V. Manalo.


KAYA ANG MGA TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO AY KAISA NG PAMAMAHALA NG IGLESIA SA PAGSULONG NG IKAPAGTATAGUMPAY NG LAHAT NG GAWAIN SA IGLESIA SAPAGKAT PAWANG KALOOBAN NG DIYOS ANG IPINATUTUPAD NG KASALUUYANG NAMAMAHALA SA IGLESIA.

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)