01 November 2017

Ginagamit ng Pamamahala ang Makabagong Teknolohiya upang Matupad ang Kalooban ng Diyos na Maturuan ang Lahat ng Salita ng Diyos



GINAGAMIT NG PAMAMAHALA ANG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA UPANG MATUPAD ANG KALOOBAN NG DIYOS NA MATURUAN ANG LAHAT NG SALITA NG DIYOS

 

ANG Panginoong Diyos ang naglagay ng Pamamahala sa loob ng Iglesia. Sa talatang nagsasaad na ang Diyos ang naglagay ng Pamamahala sa Iglesia ay maliwanag din na isinasaad ang dahilan ng paglalagay sa Pamamahala. Ganito ang sinasabi ng Biblia sa Colosas 1:25:

“Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa  inyo upang maipahayag  ang salita ng Dios.”

Ang isa sa pangunahing gampanin ng Pamamahala sa Iglesia ay ang ipahayag ang salita ng Diyos. Dahil dito, ano ang sinisikap ngayon ng kasalukuyang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduado V. Manalo?

“Ipinangangaral namin siya; pinaaalalahanan namin at tinuturuan nang buong kaya ang bawat isa upang maiharap namin sila kay Cristo nang walang kapintasan. Dahil dito, nagpupunyagi ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang gumagawa sa aking buhay.” (Colosas 1:28-29 NPV)

Tulad ni Apostol Pablo, nagpupunyagi rin ang kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia na maturuan o mahatdan ng salita ng Diyos ang BAWAT ISA. Ang katumbas ng “bawat isa” ay “lahat” sa Magandang Balita Biblia:

“Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Cristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Cristo. Dahil dito, ako'y nagpupunyagi sa pamamagitan ng kapangyarihang kaloob sa akin ni Cristo.” (Colosas 1:28-29 MB)

Marubdob ang hangarin ni Apostol Pablo na maturuan o mahatdan ang lahat ng mga kapatid sa Iglesia na maturuan ng salita ng Diyos. Kaya nga, gaya rin nang sinabi ni Apostol Pablo sa kaniyang sulat sa mga taga-Roma, “Kaya't sa lahat ng lupain, mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico ay ipinangaral ko ang Mabuting Balita tungkol kay Cristo” (Roma 15:19 MB), sinisikap din ng Kapatid na Eduardo V. Manalo na madalaw ang lahat ng mga kapatid sa iba’t ibang dako ng mundo. Samakatuwid ay kalooban ng Diyos ang ginagawa ng Pamamahala na pagsisikap na mahatdan o maturuan ang lahat ng mga kapatid ng payo o salita ng Diyos sa ikatatatag ng kanilang pananampalataya.

Kung kalooban ng Diyos ang ginagawa ng Pamamahala ng Iglesia na nagsusumikap na mahatdan ng payo o salita ng Diyos ang LAHAT ng mga kapatid sa Iglesia, kaya naaayon sa kalooban ng Diyos ang ginagawang pagdalaw ng kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia sa lahat ng mga kapatid sa iba’t ibang dako ng mundo, naaayon din sa kalooban ng Diyos ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mahatdan ng payo o salita ng Diyos ang lahat ng mga kapatid sa Iglesia.

Bakit sinisikap ng kasalukuyang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, na mahatdan ng payo o salita ng Diyos ang bawat kapatid sa Iglesia hindi lamang sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga lokal sa iba’t ibang panig ng mundo, kundi maging sa pamamagitan ng makabagong teknolihiya? Ganito ang layunin ng namamahala sa Iglesia sa pagtuturo sa mga kapatid: 

“Tulad ng alam ninyo, kami’y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.” (I Tes. 2:11-12 MB)

Hinahatdan ng Pamamahala ng payo na mula sa Biblia ang bawat kapatid sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga lokal sa iba’t ibang dako at sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya upang palakasin ang loob o patatagin sa pananampalataya at mahikayat na mamuhay ng tapat sa paningin ng Diyos, na ang lundo ay upang maging karapat-dapat tayo sa kaharian ng Diyos o sa kaligtasan.

Subalit, ang mga tiwalag o kumakalaban sa Pamamahala ng Iglesia ay nayayamot sa paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapakinggan ng lahat ng mga kapatid ang pagtuturo ng Pamamahala. Bakit nayayamot ang mga tiwalag o kumakalaban sa Pamamahala sa paggamit ng Pamamahala ng Iglesia sa makabagong teknolohiya upang makarating sa lahat ng mga kapatid ang salita ng Diyos? Ganito ang sagot ng Biblia:

“Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.” (Juan 3:20)

Ang gumagawa ng masama o ang masasama ay napopoot o nayayamot sa “ilaw” at hindi lumalapit dito sapagkat ayaw nilang masaway ang kanilang mga masamang gawa.

Tayong mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang buhay na saksi na sa bawat pagtuturo ng Pamamahala ay hindi opinyon o haka-haka ang kanilang ipinararating sa atin, kundi pawang ang salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Batid din ito ng mga tiwalag, kaya ang kinayayamutan nila ay ang pagkakataong inihahayag ng Pamamahalang inilagay ng Diyos ang salita ng Diyos. Sapagkat salita ng Diyos ang itinuturo ng Pamamahala, nayayamot, napopoot o inaayawan nila sapagkat ayaw nilang masaway sa kanilang mga mali o masamang gawa. Batid din kasi ng mga tiwalag na nahahayag sa lahat ng mga kapatid ang kanilang kasamaan o ang paglaban nila sa kalooban ng Diyos na nakararating sa lahat sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Kaya, ang mga mananampalataya ay hindi kailanman mayayamot sa pagdalo sa mga pagtitipon kung saan ginagamit ang makabagong teklohiya upang mapakinggan ang mismong pagtuturo ng Tagapamahalang Pangkalahatan. Bakit ikayayamot ang mapakinggan ang mismong tinig at pagtuturo ng Pamamahala na inilagay ng Diyos upang magpahayag ng Kaniyang mga salita? Ang totoo’y kinasasabikan pa natin ito dahil alam nating ito ay nagpapalakas ng ating loob, nagpapatatag ng ating pananampalataya, at humihikayat sa atin sa pagsunod sa mga kalooban ng Diyos, sa lubos nating ikahahanda sa pagsalubong sa ating Panginoong Jesuscristo.

LAGI KAMING KAISA NG KAPATID NA EDUARDO V. MANALO

1 comment:

  1. Kaisa mo po Kami Kapatid na Eduardo v. Manalo Mula sa distrito ng MMEast Barangka Mandaluyong. Mahal na mahal po namin kayo. Kapatid Na Poe Crisostomo at ang aking Sambahayan.

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)