21 February 2015

Kautusan ba sa mga Cristiano ang Paglalambong (belo)?

“Ang Paglalambong ba ay isang pangkalahatang kautusan sa mga Cristianong Kababaihan?”


TANONG:

“Sinasabi po ni Apostol Pablo sa I Corinto 11:4-5 na ang babae ay dapat na maglambong kung nananalangin o sumasamba. Bakit hindi po ninyo ito isinasagawa sa Iglesia?”


SAGOT:

Kung ano ang iniuutos ng Diyos sa mga Cristiano na nakasulat sa Biblia ang sinusunod po sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Gaya po ng aming laging sinasabi, ang lahat po ng aral, isinasagawa at sinusunod sa Iglesia Ni Cristoay pawang may batayan sa Banal Na Kasulatan. Kung ang paglalambong o pagbebelo ng isang babae ay kautusan sa lahat ngCristiano ay bakit po hindi namin isasagawa, subalit ano ba talaga ang katotohanan o ang itinuturo ng Biblia ukol dito?

Alamin po muna natin, ano po ba ang “belo” o “lambong”? Sa I Corinto 11:4-5 ay ganito po ang ating mababasa:

I Corinto 11:4-5 MB
“Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng salita ng Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa nakasasakop sa kanya. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng salita ng Diyos nang walang takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa nakasasakop sa kanya -siya'y parang babaing ahit ang ulo.”

Ang “lambong” ay “takip sa ulo.” Ano ang sinasabi dito ni Apostol Pablo ukol sa paglalambong na siyang ginagamit na ba basehan ng mga nagsasabing kailangang nakalambong o belo ang babae kung nananalangin o sumasamba. Tunghayan natin ang sinasabi ni Apostol Pablo:

I Corinto 11:4-5 at 13
“Ang bawa't lalaking nanalangin, o nanghuhula na may takip ang ulo, ay niwawalan ng puri ang kaniyang ulo. Datapuwa't ang bawa't babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo; sapagka't gaya rin ng kung kaniyang inahitan.
“Hatulan ninyo sa inyo-inyong sarili: nararapat baga na manalangin ang babae sa Dios nang walang lambong?”

Ang mga talatang ito ang pinagbabatayan ng mga nagsasabing kailangang maglambong ang mga babaing Cristiano kung nananalangin. Subalit, dapat munang unawain kung bakit ipinahayag ni Apostol Pablo ang mga bagay na ito o kung ano ang konteksto ng talata. Una muna ay dapat na tandaan na ang kausap dito ni Apostol Pablo ay ang mga Cristiano sa Corinto. Upang mabatid kung ano talaga ang pinapaksa ni Apostol Pablo ay basahin muna natin ang mga talatang 1-3 at saka natin ituloy sa mga talatang 4-5:

I Corinto 11:1-5
“Maging taga tulad kayo sa akin, na gaya ko naman kay Cristo. Kayo'y aking pinupuri nga, na sa lahat ng mga bagay ay naaalaala ninyo ako, at iniingatan ninyong matibay ang mga turo, na gaya ng ibinigay ko sa inyo. Datapuwa't ibig ko na inyong maalaman, na ang pangulo ng bawa't lalake ay si Cristo, at ang pangulo ng babae ay ang lalake, at ang pangulo ni Cristo ay ang Dios. Ang bawa't lalaking nanalangin, o nanghuhula na may takip ang ulo, ay niwawalan ng puri ang kaniyang ulo. Datapuwa't ang bawa't babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo; sapagka't gaya rin ng kung kaniyang inahitan.

Pansinin na ang talagang pinapaksa sa ahaging ito ng sulat ni Apostol Pablo sa mga Cristiano sa Corinto ay ang ukol sa pagpapasakop ng lalake kay Cristo at ang pagpapasakop ng babae sa lalake. Ang sabi ni Apostol Pablo, “Datapuwa't ibig ko na inyong maalaman, na ang pangulo ng bawa't lalake ay si Cristo, at ang pangulo ng babae ay ang lalake, at ang pangulo ni Cristo ay ang Dios.” Pagkatapos nito ay saka niya sinabing, “Ang bawa't lalaking nanalangin, o nanghuhula na may takip ang ulo, ay niwawalan ng puri ang kaniyang ulo. Datapuwa't ang bawa't babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo.” KAYA, BATAY SA KONTEKSTO, ANG ITINUTURO NI APOSTOL PABLO DITO AY ANG “PAGPAPASAKOP.”

Kaya sa pinapaksa ni Apostol Pablo na “pagpapasakop ng bawat lalake kay Cristo” ang ibinigay niyang paglalarawan ay “Ang bawa't lalaking nanalangin, o nanghuhula na may takip ang ulo, ay niwawalan ng puri ang kaniyang ulo.” Ukol naman sa “pagpapasakop ng babae sa lalake,” ang ibinigay naman niyang paglalarawan ay “Datapuwa't ang bawa't babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo.” Upang maunawaan nating lubos kung bakit ito ang ibinigay niyang paglalarawan sa mga Cristiano sa Corinto sa pagtuturo ukol sa “pagpapasakop ng bawat lalake kay Cristo” at sa “pagpapasakop ng mga lalake sa mga babae” ay dapat muna nating matanto ang “background” ng kaniyang mga kausap. Ukol dito ay ganito ang ipinapaliwanag ng mga nagsipag-aral ukol dito:

“It seems that the Corinthian slogan, ‘everything is permissible,’ had been applied to meetings of the church as well, and the Corinthian women had expressed that principle by throwing off their distinguishing dress. More importantly they seem to have rejected the concept of subordination within the church (and perhaps in society) and with it any cultural symbol (e.g., a head-covering) which might have been attached to it. According to Paul, for a woman to throw off the covering was an act not of liberation but of degradation. She might as well shave her head, a sign of disgrace (Aristophanes Thesmophoriazysae 837). In doing so, she dishonors herself and her spiritual head, the man.” (Bible Knowledge Commentary/Old Testament Copyright © 1983, 2000 Cook Communications Ministries; Bible Knowledge Commentary/New Testament Copyright © 1983, 2000 Cook Communications Ministries. All rights reserved.)

Ang “head-covering” (lambong) ayon sa aklat na ating binasa ay isang “cultural symbol” ng “subordination” o pagpapasakop. Ang Corinto ay isang maunlad na lunsod noon at ang sentro ng Lalawigang Romano ng Acaya. Nagkaroon noon sa lunsod na ito ng kaugalian na “everything is permissible” o ang kaugaliang nagnanais na maging “malaya” (“liberated”) ang mga kababaihan na gawin ang lahat ng gusto nilang gawin. Kaya lahat ng mga “cultural symbols” noon sa panahon nila na may kinalaman sa “subordination” ay kanilang itinatakuwil kasama na ang “head-covering” o paglalambong. Kaya, SA CORINTO NOON ay hindi naglalambong ang mga babae para ipakitang sila’y malaya na gawin ang kanilang gusto at hindi sila nasasakop ninuman o sila ay “liberated.” Samakatuwid ay isyu pala ito noon sa Conrinto.

Ang malungkot nito ay may mga Cristianong kababaihan sa Corinto na naimpluwensiyahan ng kaisipang ito kaya nga ang sabi sa aklat na ating sinipi, “More importantly they seem to have rejected the concept of subordination within the church (and perhaps in society) and with it any cultural symbol (e.g., a head-covering) which might have been attached to it.” Kaya pala kung ang isang Cristianong babae na taga-Corinto ay nananalangin o “nanghuhula” na walang lambong sa ulo ang sabi ni Apostol Pablo ay “Datapuwa't ang bawa't babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo; sapagka't gaya rin ng kung kaniyang inahitan.” Kawalang-puri sapagkat kahayagan ng hindi pagpapasakop, anupat kahayagang nilalabag nila ang “basic Christian principle” na una nang binanggit ni Apostol Pablo na ““Datapuwa't ibig ko na inyong maalaman, na ang pangulo ng bawa't lalake ay si Cristo, at ang pangulo ng babae ay ang lalake, at ang pangulo ni Cristo ay ang Dios.” SAMAKATUWID, ANG ITNUTURO NI APOSTOL PABLO DITO NA CHRISTIAN PRINCIPLE O BATAS SA MGA CRISTIANO AY HINDI ANG PAGLALAMBONG KUNDI ANG “PAGPAPASAKOP NG BABAE SA LALAKE.” Ang lalo pang nagpapatunay nito, nang magturo si Apostol Pablo sa mga Cristiano sa ibang mga dako ukol sa “pagpapasakop ng babae sa lalake,” ay wala siyang binanggit ukol sa “paglalambong”:

Efeso 5:21-25
“Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo. 22Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon. Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. 24Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay. 25Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya.”

Bakit pagdating sa mga Cristiano sa Efeso ay binanggit din ni Apostol Pablo ang pagpapasakop ng babae sa lalake subalit wala naman siyang sinasabi ukol sa “paglalambong”? Sa tanong ni Apostol Pablo sa I Corinto 11:13 na “Hatulan ninyo sa inyo-inyong sarili: nararapat baga na manalangin ang babae sa Dios nang walang lambong?” ay siya rin ang sumagot:

I Corinto 11:13-16
“Hatulan ninyo sa inyo-inyong sarili: nararapat baga na manalangin ang babae sa Dios nang walang lambong? Hindi baga ang katalagahan din ang nagtuturo sa inyo, na kung may mahabang buhok ang lalake, ay mahalay sa kaniya? Datapuwa't kung ang babae ang may mahabang buhok, ay isang kapurihan niya; sapagka't ang buhok sa kaniya'y ibinigay na pangtakip. Datapuwa't kung tila mapagtunggali ang sinoman, WALANG GAYONG UGALI KAMI, NI ANG IGLESIA MAN NG DIOS.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Kahit sa Bibliang Katoliko (Catholic Bible) na tinatawag nilang Douay-Rheims ay ganito ang isinasaad:

I Corinro 11:16 Douay-Rheims
“But if any man seem to be contentious, we have no such custom, nor the church of God.”

Hindi isang kaugalian na ipinatutupd sa buong Iglesia ang ukol sa paglalambong, kaya sa pagtuturo ni Apostol Pablo ukol sa pagpapasakop ng babae sa lalake sa mga Cristiano sa ibang dako ay wala siyang binanggit ukol sa paglalambong. Binanggit niya ito sa Corinto sapagkat sa dakong ito noon ay isang “social issue” ang hindi pagpapasakop ng mga kababaihan o ang pagiging “liberated” na ipinakikita nila sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa anumang “cultural symbol” ukol dito na kasama na ang “paglalambong.” KAYA, ANG PAGLALAMBONG NG MGA BABAE AY HINDI KAUTUSAN SA MGA LAHAT MGA CRISTIANO, O HINDI KAUTUSAN SA BUONG IGLESIA.



No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)