30 August 2014

Isang Bukas Na Liham Para Sa Mga Kababayang Katoliko


Ang Pagbubunyag sa Iglesia Katolika
Ikalawang Bahagi

ISANG 
BUKAS NA LIHAM 
PARA SA MGA 
KABABAYANG 
KATOLIKO


PANAHON NA UPANG SURIIN NATIN 
ANG KINAMULATAN AT KINAGISNANG 
RELIHIYON



MAY MGA TAONG nais pigilan kayo mga mahal naming kababayang Katoliko sa pagsisiyasat sa relihiyon na ating kinagisnan. Ang mga Defensor Katoliko ay may dalawang paraan sa kabuuan upang pigilin ang mga kapuwa nila Katoliko sa pagsusuri o pagsisiyasat sa mga aral Katoliko:

(1) minamasa nila ang pagsisiyasat sa mga aral Katoliko sa pagbabansag dito na ito raw ay paninira, pagtuligsa, pag-atake at panlalait sa mga Katoliko. Binabansagan nila ang mga nagsasagawa ng pagbubunyag sa mga kamalian ng mga aral Katoliko at ng Iglesia Katolika bilang mga “anti-Catholic” daw at mga diumano’y “Catholic haters.”

(2) sila mismo ang nagsasabog ng mga paninira, atakeng personal, at mga kasinungalingan upang mawalan nga naman ng interes ang iba na magsiyasat pa.

Masama nga ba at dapat bang masamain ang pagsisiysat sa mga aral ng Iglesia Katolika?


AYON NA RIN SA PAANYAYA MISMO
NG MGA AWTORIDAD KATOLIKO

Ang mga paring Katoliko mismo ay nag-anyaya o humiling sa lahat na siyasatin ang mga aral Katoliko. Ganito ang ipinahayag ng isang kilalang manunulat na paring Katoliko:

“Why investigate The Catholic Religion?
“There is no subject which is more worthy of investigation than the Catholic religion. It has exercise a profound and enduring influemce upon the thought and the life of humanity. Indeed, no person can aspire to be truly educated, who remains ignorant of the one institution in the world today which traces its origin directly back to Jesus Christ.” (O’brien, Rev. John A. Ph.D. LL.D.The Faith of Millions: The Credentials of the Catholic Church. Nihil Obstat: Rev. Edwrad A. Miller, Censor Librorum. Imprimatur: John Francis Noll, D.D. Archbishop. Bishop of Wayne. Huntington, Indiana: Our Sunday Visitor, 1938, p. 9.)

Salin sa Pilipino:

“Bakit dapat siyasatin ang Relihiyong Katoliko?
“Walang paksang higit na karapat-dapat na siyasatin kundi ang relihiyong Katoliko. Nakapagsagawa siya ng isang matindi at namamalaging impluwensiya sa isipan at buhay ng sangkatauhan. Sa katotohanan, walang taong makapaghahangad na maging tunay na nakapag-aral, na mamamalaging walang alam sa isang institusyon sa mundo ngayon na ang pinagmulan ay matutunton nang tuwiran kay Jesucristo.”

Ang mga awtoridad Katoliko na rin ang nag-iimbita na siyasatin o suriin ang Iglesia Katolika. Kaya, ang ginagawang pagsisiyasat ng Iglesia Ni Cristo na pagsisiyasat sa Iglesia Katolika ay pagtugon na rin sa paanyaya ng mga paring Katoliko mismo.

Ang mga paring Katoliko ang nag-imbita na siyasatin o suriin sila, at nang tugunin ang kanilang paanyaya na siyasatin sila ay sasabihin naman ng iba na sinisiraan, binabatikos at tinutuligsa sila ng nagsisiyasat sa kanila. Pansinin na: (1) hindi ang nagsisiyasat ang dapat na sisihin at masamain sapagkat tumutugon lamang sila sa paanyaya mismo ng mga paring Katoliko; at (2) kung “masama” ang pagsisiyasat sa mga aral Katoliko o sa Iglesia Katolika, lalabas na nag-iimbita ang mga mga paring Katoliko ng “masama.”

Kung ang mga awtoridad Katoliko mismo ang nag-iimbita na siyasatin ang Iglesia Katoka, kaya ang pagpigil sa mga kababayang Katoliko na magsagawa ng pagsisiyasat ay pagsalungat ng mga Defensor Katoliko sa mga awtoridad ng kanilang relihiyon.


ANG UTOS SA MGA CRISTIANO

Higit sa pagtugon sa paanyaya ng mga awtoridad Katoliko, ginagawa natin ang pagsusuri sa Iglesia Katolika at maging sa ibang relihiyon sapagkat ito ay utos sa mga Cristiano na nakasulat sa Biblia o sa Banal na Kasulatan:

“Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan.” (I Juan 4:1)

Sa salin ng The Living Bible sa talatang ito ay ganito ang isinasaad ng talatang ito:

“Dearly loved friends, don't always believe everything you hear just because someone says it is a message from God: test it first to see if it really is. For there are many false teachers around.” (I Juan 4:1 TLB)

Kalooban ng Diyos higit sa lahat na magsagawa ang tao ng pagsisiyasat. Ang sabi ni Apostol Juan ay “don't always believe everything you hear just because someone says it is a message from God: test it first to see if it really is.”

Sana ay makatawag ito ng pansin sa mga kababayan nating Katoliko. Naging “Katoliko” ang halos lahat na mga Katoliko hindi dahil sa inaralan muna at ipinaunawa sa kanila ang mga aral Katoliko, kundi sila’y bininyagan noong sila’y mga sanggol pa lamang. At sa kanilang paglaki ay inukilkil sa kanilang murang isipan ang mga aral, gawain at tradisyong Katoliko. Samakatuwid, halos lahat ng mga Katoliko ay Katoliko sapagkat namulat lamang sila na sila’y Katoliko.

Panahon na po para siyasatin ninyo, kung kayo ba ay nasa tamang daan nga ba? Nasa daan nga ba ng kaligtasan? Katotohanan ba ang inyong kinamulatan? Iyan nga ba ang mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia? Walang masamang magsiyasat, ito pa nga ang mabuti, ang masama ay ang hindi magsiyasat.

Alam natin na kahit sa buhay na ito, ang nadadaya ay ang basta naniniwala agad at hindi na nagsagawa ng pagsisiyasat o pagsusuri. At alam din po natin na kung ayaw ipasuri o kung pipigilan ng isang tao na suriin ang iniaalok niya, tiyak po na mayroong siyang itinatago na ayaw niyang malaman ng mga tao.

Kaya, huwag ang pagsisiyasat ang masamain, kundi ang masama ay ang pigilan kayo sa pagsisiyasat.


ANG AMING GINAGAWANG PAGBUBUNYAG
AT PAGSISIYSAT SA MGA ARAL KATOLIKO

Upang mawala ang inyong agam-agam sa ginagawa naming pagbubunyag sa Iglesia Katolika ay nais po naming ipatid sa inyo na:

(1) Hindi po kami laban sa tao, kundi sa maling aral. Ang pagbubunyag ng kamalian o mga maling aral ay ginawa mismo ng Panginoong Jesucristo:

“Sinagot sila ni Jesus, "Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong minanang turo?
“Mga mapagpaimbabaw!  Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo: 'Paggalang na handog sa 'kin ng bayan ko'y paimbabaw lamang, Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri't pagsambang ginagawa nila'y walang kabuluhan, Ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal."' (Mateo 15:3,7-9 MB)

Pansinin na ang Panginoong Jesus na nag-utos na ibigin ang kapuwa ay Siya rin ang gumawa ng pagbubunyag sa mga kamaliang itinuturo ng mga Fariseo (isang pangkat mga tagapagturong Judio). At pansinin na ang isa sa mga binatikos ng Panginoong Jesus ay ang kanilang “minanang turo” o ang kinamulatang paniniwala (tradisyon).

Sa Kaniyang pagsisiwalat ng kamalian ng kinagisnang aral ng mga Judio at sa mga maling itinuturo ng mga tagapagturong Judio noon, ibig bang sabihin ay kinakalaban, kinamumuhian at inaatake ng Panginoong Jesus ang mga Judio? Ibig bang sabihin ay “anti-Jews” na Siya? Ito ang layunin ng Panginoong Jesus sa pagsisiwalat sa mga kamalian ng kinagisnang aral ng mga Judio na itinuturo noon ng mga bulaang tagapangaral na Judio:

“How could you even think I was talking about food? But again I say, 'Beware of the yeast of the Pharisees and Sadducees.’ Then at last they understood that by yeast he meant the wrong teaching of the Pharisees and Sadducees.” (Matthew 16:11-12 LB)

Hindi sapagkat binabatikos ng Panginoong Jesus ang kinamulatang turo ng mga Judio ay kalaban na Siya ng mga Judio o “anti-Jews” na Siya. Ito ay upang papag-ingatin ang mga Judio sa mga maling aral na itinuturo noon ng kanilang mga tagapagturo.

Gayon din po. Kung isinisiwalat man po namin ang mga kamalian ng mga aral Katoliko ay hindi po ang ibig sabihin ay “anti-Catholic” na kami. Hindi po ang ibig sabihin ay binabatikos, kinamumuhian, tinutuligsa ang mga kababayang Katoliko. Hindi po gayon. Hindi po kami sa tao laban kundi sa mga maling aral na magpapahamak sa mga tao.


Ang sinisiyasat ng Iglesia Ni Cristo sa Iglesia Katolika at sa ibang relihiyon ay ang kanilang mga aral. Hindi nagpaparatang o gumagawa ang Iglesia Ni Cristo ng mga malilisyoso at mga walang batayan akusasyon. Hindi namin kailanman tinuligsa ang kanilang pagkatao o karakter, at hindi kailanman gumawa ng pag-atakeng personal (“personal attack”). ANG TOTOO AY SILA ANG GUMAGAWA NITO LABAN SA AMIN.

(2) Ang pagbubunyag mga maling aral ay bunga ng pag-ibig sa kapuwa. Ang Panginoong Jesus na nagturo na ibigin mo ang iyong kapuwa ay ibinunyag at binatikos ang mga maling aral (ang mga kinagisnang aral ng mga Judio noon at ang mga itinuturong mali ng mga tagapagturong JJudio noon). Ito ay hindi sapagkat sinalungat ng Panginoong Jesus ang Kaniyang turo, kundi ang pagsisiwalat ng mga maling aral o hidwang pananampalataya ay tunay na kahayagan ng pag-ibig sa kapuwa sapagkat ang mga maling aral o hidwang pananampalataya ay tunay na ikapapamahak:

“At HAYAG ANG MGA GAWA NG LAMAN, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga HIDWANG PANANAMPALATAYA, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ANG MGA NAGSISIGAWA NG GAYONG MGA BAGAY AY HINDI MAGSISIPAGMANA NG KAHARIAN NG DIOS.” (Galacia 5:19-21, amin ang pagbibigay-diin)

(3) Ikinukumpara lamang namin ang mga aral Katoliko sa mga aral ng Biblia. Ang Banal Na Kasulatan ay ipinasulat ng Diyos sa layuning gamitin upang maibunyag at maituwid ang mga kamalian. Ukol sa kahalagahan ng Banal Na Kasulatan ay ganito ang sinasabi sa atin:

“Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral. sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. 17Sa gayon,ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.” (II Timoteo 3:15-17 MB)

Tiyak na mapapahamak kasi ang sumisinsay (sumasalungat at minamali) ang mga nakasulat sa Banal Na Kasulatan o Biblia:

“Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.” (II Pedro 3:16)

Kaya, ikinukumpara lamang namin ang mga aral Katoliko sa mga nakasulat sa Biblia. Kaya ang aming ibinubunyag ay kung paanong wala sa Biblia at sumasalungat pa ang maraming aral at gawaing Katoliko. Ito ang pinipilit na itago ng mga Defensor Katoliko.

(4) Hindi kami nagpaparatang lamang. Kapag ikinukumpara namin ang mga aral Katoliko sa mga aral ng Biblia, gumagamit kami ng mga aklat-Katoliko para ipakita sa mga tao na hindi kami lang ang may sabi na gayon ang pagtuturo ng Iglesia Katolika o ng mga paring Katoliko. Kung ano ang nakasulat sa kanilang aklat ang mismong ikinukumpara natin sa nakasulat sa Biblia.

Ang pagpaparatang ay ang pagsasagawa na ganito ang iba at ganito ang kaniyang sinasabi, ngunit wala namang matibay na basehan o katibayan (ika nga ay “boka-boka” lamang). Hindi po ganito ang Iglesia Ni Cristo, kundi may ipinakikita po kami na mismong mga aral ng Iglesia Katolika para ipakita na ito mismo ang kanilang sinasabi. Kaya hindi po kami ang nagpaparatang kundi ang mga Defensor Katoliko. Pansinin po ninyo na “binoboka” lamang nila at wala naman silang maipakitang iyon nga ang aming sinasabi. Nag-iimbento lamang sila at ipinaaangkin na iyon daw ang aming sinasabi. Malaya po kayong tingnan ang mga sites atpages nila na bumabatikos sa INC at ito ang kitang-kitang maliwanag.

(5) Hindi kami naninira o namemersonal. Kung may batayan kami (mga aklat o referenciang Katoliko mismo) sa bawat aming sinasabi, kaya hindi masasabing kami ay naninira lamang.

Ang paninira kasi ay pagpapahayag ng kasinungalingan laban sa kapuwa. Kung may matibay kaming batayan (mga aklat at referenciang Katoliko), hindi kasinungalingan ang aming sinasabi, Sapagkat kung nakabatay sa mismong sinabi ng mga awtoridad Katoliko at sasabihin nilang kasinungalingan o paninira lamang, ang lalabas na naninira at nagsisinungaling ay ang mga sinipi naming mga awtoridad Katoliko.

Kaya asahan po ninyo na ang aming bawat sasabihin ay pawang may matibay na pabatayan.

Kapansin-pansin din po na ang aral Katoliko ang aming tinatalakay, hindi po ang tao. Aral katoliko po ang aming ibinubunyag at sinisiyasat, at hindi po ang kamaliang personal ng sinuman. Ang umaatake sa katauhan ng isang tao o ang pag-atakeng personal ay isang kamalian. Subalit, malaya ppo kayong tingnan ang mga sites at pages ng mga Defensor Katoliko, ang pawang mababasa ninyo ay atakeng personal at pagmumura laban sa Iglesia Ni Cristo. Umaasa po kayo na hindi kami kailanman bababa sa kanilang level. Mananatili po ang maginoong pagtalakay sa mga aral Katoliko.


MGA KABABAYAN NAMING KATOLIKO,
PANAHON NA PO PARA SURIIN ANG ATING
KINAGISNANG RELIHIYON

Marami po sa amin ay galing din sa Iglesia Katolika na nagsagawa po kami ng masusing pagsisiyasat sa mga aral Katoliko. Diyan tayo ipinanganak at iyan ang ipinamulat sa atin. Wala pong masama kundi ito ang mabuti na magsagawa po tayo ng pagsisiyasat.

Matalino ang mga Pilipino, kaya alam naming hindi kayo papayag na mahadlangan ng gayun-gayun na lamang sa pagsisiysat sa kinagisnan nating relihiyon. Alamin ninyo ang bawat panig at timbangin, dahil sa huli ay kayo rin po ang huhusga at magpapasiya.

Maraming salamat po sa aming mga kababayan Katoliko.
Magsuri po tayo.



Subaybayan ang aming serye na minaramapat po naming ilathala sa wikang Tagalog na nagbubunyag ng kamalian ng Iglesia Katolika:

ANG PAGBUBUNYAG SA
IGLESIA KATOLIKA


1 comment:

  1. Ano naman po ang tunay Na turo ng Iglesia ni Kristo base SA biblical?

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)