20 February 2014

Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) "Barrio Maligaya Community Development Project"



 
TANGING PAGTITIPON
LAUR, NUEVA ECIJA
PEBRERO 22, 2014
  

ANG KASAYSAYAN NG 
BARRIO MALIGAYA:
“Ang Pag-uusig sa mga Kaanib sa Iglesia Ni Cristo ng mga miembro ng Unyon sa Hacienda Luista at ang Pagkakatag ng Barrio Maligaya”

NOTE: English translation will be available soon




ANG IGLESIA NI Cristo ay tinuruang susunod muna sa Diyos bago sa tao. Kung ang kagustuhan ng tao ay lumalabag o sumasalungat sa kagustuhan ng Diyos, ang Diyos ang susundin ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo kahit pa magdulot ito ng mahigpit na pag-uusig at pagpapakasakit. Ang ganitong paninindigan sa pagsunod sa mga utos ng Diyos ang nakitang isinakatuparan ng mga kapatid sa Hacienda Luisita na lumikas at nagtungo sa Bario Maligaya, sa Nueva Ecija.

Ang Iglesia Ni Cristo kailanman ay hindi kalaban ng kapakanan ng mga obrero (manggagawa), subali’t maliwanag ang utos ng Diyos na:

“Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya: sapagka't anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? o anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? At anong pakikipagkasundo mayroon si Cristo kay Belial? o anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di sumasampalataya?” (II Corinto 6:14-15)

Bilang pagsunod sa kaloobang ito ng Panginoong Diyos, itinagubilin ng Pamamahala ng Iglesia sa lahat ng mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo sa pamamagitan ng isang sirkular na binasa sa lahat ng pagsamba noong Abril 1, 1959:

“Buong higpit na aming ibinababala sa inyo na sinumang kapatid sa Iglesia Ni Cristo ay huwag aanib sa anumang uri ng kapisanan o samahang labas sa Iglesia Ni Cristo. Ang sinumang kapatid na kaanib na sa anumang uri ng kapisanan o samahan ay dapat na umalis at huwag nang uugnay kailanman sa mga ito. Ito ay salig sa utos ng Dios na tayo’y huwag makikipamatok ng kabilang sa mga hindi sumasampalataya. (II Cor. 6:14).”

Bilang pagsunod sa aral ng Biblia na ang kaanib sa Iglesia o ang mga sangkap na ng katawan ni Cristo ay hindi na dapat masangkap sa iba pa, ang mga kaanib sa Iglesia na dati’y kaanib sa unyon ay nagpasiyang tumiwalag sa unyong kinabibilangan. Sa iba’t ibang pabrika at tanggapan, ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na napaanib sa unyon ng mga manggagawa ay maramihang tumiwalag.


INUSIG ANG MGA KAPATID SA
IGLESIA SA HACIENDA LUISITA

Dahil sa pagtiwalag ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa unyon ng mga manggagawa sa Hacienda Luisita, sila ay naharap sa matinding pag-uusig at pagsubok sa kanilang paninindigan at pananampalataya.

Ang Hacienda Luisita, 118 kilometro pakanluran mula sa Maynila, ay isang malawak na taniman ng tubo sa Tarlac. Sa loob ng Hacienda ay naninirahan ang may isang libong pamilya ng mga manggagawa. Sa kabuuang bilang na ito, isangdaan at apatnapu’t lima (145) na pamilya ang kabilang sa Iglesia Ni Cristo na nangakatala sa anim na lokal ng Iglesia Ni cristo na nakatatag sa loob ng Hacienda.

Ang anim na lokal ng Iglesia sa Hacienda Luisita ay ang mga sumusunod: Balite, Mapalaksyaw, Asturias (pawang mga sakop ng bayan ng Tarlac), Mabilog (sakop ng bayan ng Concepcion), at Motrico (sakop ng bayan ng La Paz).

Noong Mayo 8, 1964, ang mga kaanib na ito sa Iglesia Ni Cristo ay maramihang tumiwalag sa United Luisita Workers Union. Dahil dito, hiningi ng unyon sa pangasiwaan ng Hacienda Luisita na alisin sila sa Hacienda sa bisa ng kasunduan ng kumpanya at ng unyon na ang sinumang hindi kaanib sa unyon ay hindi maaaring makagawa sa Hacienda.

Nang ang mga kaanib sa Iglesia ay alisin ng pangasiwaan ng Hacienda, sila ay nagharap ng sakdal sa hukuman, sapagka’t ang pagpapaalis sa kanila ay labag sa batas ng Republika Blg. 3350. Ibinalik ng Hacienda ang mga manggagawang kaanib ng Iglesia Ni Cristo habang ang sumbong ay dinirinig sa Hukumang Industriyal.

Sa ginawang ito ng pangasiwaan ng Hacienda, ang unyon ay nagprotesta. “Itaboy ang mga Iglesia Ni Cristo”, “We are on strike against the Iglesia Ni Cristo”, ang sigaw ng mga placards nila.

Dagdag pa sa kanilang ginawang strike, ang mga kaanib ng unyon ay gumawa ng mahigpit na pag-uusig laban sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Ang mga may-ari ng tindahan ay tumangging magbili sa mga kapatid sa Iglesia. Ang ibang may paupahang sasakyan ay ayaw magsakay sa kanila. Nilalait sila, hinahamak at pinagsasalitaan ng sari-saring masama. Subali’t ang paninindigan ng mga kapatid sa Iglesia sa panig ng aral ng Biblia na kanilang sinasampalatayanan ay hindi natinag. At sila’y nakahandang manindigan sa pananalig na ito.

Subali’t dahil sa sigalutang naganap, ang anumang pagsasama sa hinahanap ay walang ibubunga maliban sa ibayong pag-aalitan. Kung kaya’t ang pakikipaglaban dahil sa pananampalataya ay halos tiyak na mauuwi sa paglalabang pangkatauhan at magbubunga pala ng kapinsalaan sa kabuhayan at matahimik na pamumuhay ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
                                       
Naglabas ng pasiya ang Hukumang Industriyal na pabor sa unyon, na pinagtitibay ang pagpapaalis sa hacienda ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Ang mga kapatid sa Iglesia ay naghabol sa Hukuman ng Unang Dulugan ng Tarlac.
 

ANG PAGTATATAG NG 
“BARRIO MALIGAYA”

Noong mga unang buwan ng 1964, ang Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo ay bumili ng lupa sa Laur, sa Lalawigan ng Nueva Ecija, upang paglipatan sa mga kaanib sakaling ang sigalutan sa Hacienda Luisita ay lumala at kailanganing sila’y ilipat doon. Sa malaking pagmamalasakit ng Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo sa mga kaanib ay ipinasya ni Kapatid na Eraño G. Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan noon ng Iglesia Ni Cristo, na alisin na sa Hacienda Luisita ang mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo at ilipat sila sa ibang dako upang makapagpatuloy sa matahimik na pamumuhay at maayos na paglilingkod sa Dios.

Ang lupang nabili ng Iglesia ay isang 600 ektaryang talahiban sa may ilog-Cabu sa may paanan ng bundok Sierra Madre. Ang dakong ito’y dating tinatawag na Sitio Sto. Domingo at siyang dating pugad ng mga Huk sa kinatatayuan ng kanilang “Stalin University.”

Sa malawak na lupaing ito ay tatlong Iglesia Ni Cristo ang nagsimulang nagbungkal at naghawan. Pagkaraan ng isang buwan ay naragdagan sila ng apat. At sa tulong ng mga buldoser at traktorang ipinagamit sa kanila ng Iglesia, ang kadawagan ay nilinang nila.

Noong Marso 19, 1964, ay nagtungo rito si Kapatid na Eraño G. Manalo, kasama ang mga puno ng sambahayan ng mga kapatid sa Iglesia sa Hacienda Luisita upang suriin ang pook na paglilipatan sa kanila.

Samantalang ang usapin sa hukuman ay nagpapatuloy, ang mga Iglesia Ni Cristo ay patuloy na naninirahan sa loob ng Hacienda. Ipinasiya ni Kapatid na Eraño G. Manalo na hintayin ang pagbaba ng disisyon ng hukuman, kahit na ang totoo’y sa manalo o matalo, sila ay ililipat din sapagkat ang pag-aalitan ay tiyak na magpapatuloy at lalala pa.

Sa buong panahon ng kanilang paghihintay sa pasiya ng Hukuman ay hindi nakagagawa o nakapagtatrabaho ang mga kapatid sa hacienda. Kaya upang maitaguyod ang kanilang pamumuhay sa loob ng Hacienda, ang mga kapatid sa Iglesia sa iba’t ibang dako ng kapuluan ay nagpadala ng kanilang tulong  na pagkain, damit at iba pang pangangailangan.

Noong Nobyembre 6, 1964, ang Hukuman ng Unang Dulugan ng Tarlac ay nagpasiya sa usapin na pabor sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Iniutos ni Hukom Julian Lustre sa mga lider ng unyon na itigil ang kanilang pagpipilit sa pangasiwaan ng hacienda na alisin ang mga kaanib Iglesia Ni Cristo, at iniutos naman sa pangasiwaan ng hacienda na ibalik sa kanilang trabaho sa hacienda ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo.

Ang pasiya ng Hukuman ng Unang Dulugan ng Tarlac ay salungat sa naunang pasiya ng Hukumang Industriyal.



ANG “EXODUS”

Noong Pebrero 22, 1965, naganap ang makasaysayang paglabas ng mga Iglesia Ni Cristo sa Hacienda Luisita upang magtungo sa dakong paglilipatan sa kanila ng Pamamahala ng Iglesia ni Cristo.

Nang umaga nang araw na yaon, ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa Hacienda Luisita ay nagtipun-tipon sa kapilya ng lokal na kanilang kinabibilangan at doo’y nagdaos sila ng panalangin. Pagkatapos ay binaklas nila ang kanilang kapilya upang ilipat na kasama nila. Labinlima (15) na trak na six-by-six ang ginamit nila sa paglilipat.

Sa kabila ng mahaba at nakapapagal na paglalakbay na tanging kasiyahan ang nakabakas sa kanilang mga mukha. Bagamat ang dakong kanilang dinatnan ay hindi pa lubos na linang alalaong baga’y nahaharap sila sa mabigat na gawaing pagyayaman sa lupang ito, subalit ang kanilang puso’y tigib ng kaligayahan laluna’t kung kanilang nagugunita ang mga pag-uusig na kanilang iniwan, at noon nga, sa kalooban ng Panginoon, sila’y sumapit na sa lupang nangangako ng mapayapang paglilingkod sa Diyos at matahimik na pamumuhay.

Ang dakong ito’y tinawag na Barrio Maligaya, hango sa pangalan ng Sugo ng Dios sa Huling Araw (ang [amngalang “Felix” ay nangangahulugang “maligaya”).

Sa unang taon ng paninirahan ng mga kaanib sa Barrio Maligaya, ay nagdanas sila ng di-kakaunting hirap. Gayunman, patuloy ang pagtulong sa kanila ng mga kapatid sa Iglesia sa iba’t ibang dako ng kapuluan. Sila’y pinadalhan ng mga damit, mga gamot, at mga pangunahing pangangailangan hanggang sa ang lupang kanilang sinasaka ay magbunga ng sapat sa kanilang kailangan.

Noong magtatapos na ang taong 1965, ang kanilang ani ay bumuti. Ang Iglesia ay nakapagpatayo na ng mga bahay na duplex para sa bawa’t sambahayan. Ang mga bahay ay nababakuran at napapalamutian ng mga halamang namumulaklak at pinag-uugnay ng mabuting kalsada.

Noong Setyembre 1, 1965, itinatag ang mababang paaralan at ang pag-aaral ng maliliit na batang nasa una hanggang ika-apat na baitang ay isinagawa sa ilalim ng pagtuturo ng tatlong guro ng paaralang-bayan.

Noong Setyembre 26, 1965, ang bagong bahay-sambahan sa dakong ito ay inihandog sa Diyos. Ang bahay-sambahang ito na nakatayo sa hinawang kabundukan ay siyang nagsilbing simbolo ng pasasalamat ng Iglesia Ni Cristo sa kagandahang loob ng Panginoong Diyos.

Nang sumunod na taon, 1966, ang Barrio Maligaya ay nakatawag ng pansin ng pamahalaan. Ang National Cottage Industries Development Authority (NACIDA) ay nagturo sa mga mamamayan sa Maligaya ng mga kursong nauukol sa paggawa ng bag at ng nauuukol sa pagbababuyan, at nang Hulyo ng taong ito, marami na ang may sapat na kaalaman upang magsimula ng kanilang sariling pagawaan.

Noong Oktubre ng taong 1966 ay nayari ang gusali ng mababang paaralan ng Barrio Maligaya, na binubuo ng pitong silid-aralan at dormitoryo para sa mga guro. Kasabay nito ay nayari rin ang Health Center.

Ang gusali ng mataas na paaralan – may limang silid na sinimulang itayo noong Nobyembre, 1968, ay pinasimulang gamitin noong Pebrero, 1969.

Nagsimulang dumalaw sa pook na ito ang mga pinuno ng pamahalaan kabilang sina Pangulong Diosdado Macapagal at Pangulong Ferdinand Marcos, upang kanilang makita ang mabilis na pag-unlad ng bagong tatag na baryong ito. Lahat sila’y namangha sa kanilang nasaksihan  sapagka’t kaipala’y walang mag-aakalang sa malupit na kasukalan ng Bundok ng Sierra Madre ay matatatag ang isang maunlad na komunidad.

Ang "Barrio Maligaya" ang una sa marami pang itinatag na "Community Devekopment Project" ng Iglesia Ni Cristo.

Ngayon nagang Pebrero 22, 2014, sa pangunguna ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, si Kapatid na Eduardo V. Manalo, ay isasagawa ang isang malaking pagtitipon sa Laur, Nueva Ecija, hindi lamang upang gunitain ang ika-49 na taong pagkakatatag ng Barrio Maligaya, kundi upang magsagawa ng pagpapasalamat sa Panginoong Diyos sa Kaniyang walang patid na pagpapala hindi lamang sa mga kapatid sa Barrio Maligaya, kundi maging sa Iglesia Ni Cristo sa kabuuan.


Sa Panginoong Diyos ang lahat ng kapurihan.



THE IGLESIA NI CRISTO
theiglesianicristo.blogspot.com




Copyright Statement:
Copyright © 2014 by THE IGLESIA NI CRISTO
ALL RIGHTS RESERVED

No part of this publication may be produced, stored in a retrieval system, or transmitted, in any form or by any means, electronic, mechanical photocopying, recording, or otherwise, without the prior written permission from the publisher.



9 comments:

  1. Nakakadagdag ng pananampalataya at pag asa ang ganitong history.tanda ng pag ibig ng atng panginoong dios.purihin natin ang ating ama!

    ReplyDelete
  2. Sobrang galak at lalo nagpatibay ang aking pananampalataya sa mga ganitong mga pagyayari,hayag ang pag ibig ng ating panginoong dios sa kaniyang mga hinirang,sa buong iglesia nya.purihin ang ating ama!

    ReplyDelete
  3. sa mga kapatid na hindi pa po nakapanood ng movie ng Exodus, narito po ang link na nakita ko sa youtube. Nakakaiyak na maalala ang paglakad nila noon ay puno ng pagtitiis, at ngayon naman ang paglakad ng buong Iglesia ay puno ng tagumpay at Kagalakan. Sa Ama ang lahat ng kapurihan:)

    http://www.youtube.com/watch?v=L6zVwLLaNZ0

    ReplyDelete
  4. purihin ang ama sa kanyan kadakilahan

    ReplyDelete
  5. Wow! So inspiring po ang kwento,nakakaiyak,nakakabagbag ng damdamin, halo halo po ang emotion, at ngayon,puro pagpapala ng Ama ang nasa bario maligaya,samantalang sa dating hacienda na knilang tinitirhan ay may konting problema pa din ng mga manggagawang naninirahan doon

    ReplyDelete
  6. Walang maliit o malaking problema ang di nabibigyang lunas ng ating Panginoong Diyos, basta't manalig lang at sumampalataya tayo sa Kapangyarihan Niya! Purihin Siya ng lahat ng nilalang Niya!!!

    ReplyDelete
  7. So inspiring! Nakakaiyak at nakakahanga ang pangyayari itong. God has always a better plans for His children. Pananampalataya at paninindigan. Purihin ang ating Ama!!

    ReplyDelete
  8. Really inspiring story! I'm so proud to be a member of Iglesia Ni Cristo. Nakakaiyak at nakakahanga ang pangyayaring ito. God has always a better plans for His chosen children. Pananampalataya at paninindigan, lubos na pagtitiwala sa magagawa ng ating Panginoong Diyos. Purihin natin ang ating Ama!

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.

Learn More About Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ)