PAGBATI SA IKA-4 NA TAON NG PAMAMAHALA NI KAPATID NA EDUARDO V. MANALO
Sa ika-7
ng Setyembre ay ika-apat na taon na ng Pamamahala ni kapatid na Eduardo V.
Manalo. Nagpupuri at nagpapasalamat tayo sa Diyos sapagkat bagamat
pinapagpahinga na Niya si kapatid na Eraño G. Manalo, subalit naglagay Siya ng
kahalili na tulad ng mga naunang namahala sa Iglesia ay lubos din ang
pagmamalasakit at pagpupunyagi para sa kapakanan ng Iglesia.
Kitang-kita natin na hindi
alintana ni kapatid na Eduardo V. Manalo ang pagod at panganib madalaw lamang
ang mga kapatid sa buongPilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo upang
personal na makita ang kanilang kalagayan at mahatdan ng mga payo na makapagpapatibay
at makapaggpapalakas ng kanailang pananampalataya.
Tunay na walang tigil ang
kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo sa paggawa araw
at gabi, na halos wala ng pahinga para masinop ang lahat ng mga kapatid sa
buong mundo.
Ang pangunahing nilalayon ng Pamamahala
ay ang mabigyan ng ibayong kapurihan at kaluwalhatian ang ating Panginoong
Diyos kaya patuloy na inaasikaso ang pagtatayo ng mga gusaling sambahan sa buong
Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo sapagkat doon isinasagawa ng Iglesia
ang pagsamba at pagluwalhati sa Ama.
Patuloy din na pinangungunahan ng
Pamamahala ang buong Iglesia sa malakas na gawaing pagpapalaganap ng mga salita
ng Diyos upang marami pang mga tao ang makarating sa tunay na paglilingkod sa
Diyos sa lahat ng panig ng mundo.
Hindi rin isinasantabi ng
Pamamahala ng Iglesia ang pagtulong hindi lamang sa mga mga kapatid sa Iglesia,
kundi maging sa hindi kapanampalataya sa pamamagitan ng proyektong “Lingap Sa
Mamayan” at iba’t iba pang mga sibikong proyekto hindi lamang sa Pilipinas,
kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo. Hayag na hayag sa lahat na sa bawat
kalamidad na dumating sa ating bansa ay agad na naroon ang Iglesia Ni Cristo
upang mag-abot ng tulong sa lahat ng tao.
Anupa’t kung paanong sinamahan ng
Panginoong Diyos ang Kaniyang Sugo sa mga Huling Araw at ang nagdaang
Pamamahala, hayag na hayag din ang pagsama ng Diyos sa kasalukuyang Pamamahala
ng Iglesia Ni Cristo. Tunay na patuloy na tinutupad ng Diyos ang Kaniyang
pangako sa Kaniyang Sugo sa kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan.
Mula noong 2009 hanggang sa
kasalukuyan ay daang-daang mga bagong gusaling sambahan ang naipatayo sa buong
Pilipinas, at sunod-sunod din ang pagpapasiyanga ng maraming mga gusaling
sambahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi rin maisasantabi ang mga natapos ng
proyekto at ang patuloy pang itinatayong mga mehoras tulad ng Philipine Arena,
EVM Convention Center, CEM new building, at New INC Museum na lahat ay
tinatayang matatapos bago ang pagdiriwang ng Sentenaryo ng Iglesia.
Sa gawaing pagpapalaganap ay
totoong kitang-kita ang ibayong pagtatagumpay na iginagawad ng Diyos sa
kasalukuyang Pamamahala. Maliban sa daan-daang libong mga nabautismuhan na ay
mayroong 600,000 na kasalukuyang dinudoktrinahan o mga nagpahayag ng pagnanais
na umanib sa Iglesia Ni Cristo sa buong mundo. Marami ding mga bagong lokal ang
naitatag sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang proyektong “Kabayan Ko,
Kapatid Ko” na nagsimula lamang noon lamang nakaraang taon ay may mahigit sa 4.5
milyong Filipino na ang natulungan na 5 porsiento na ng populasyon ng
Pilipinas. Subalit, hindi pa kasama rito ang mga “Lingap Sa Mamayan” bago pa
ang “Kabayan Ko, Kapatid Ko” at ang mga paglingap sa panahon ng mga nagdaang
kalamidad sa bansa na tinatayang may kabuuang 15 milyong Filipino na ang
natulungan at nalingap ng Iglesia ni Cristo na lumalabas na 17 porsiento ng
populasyon ng Pilipinas.
Ganito patuloy na pinapagtagumpay
ng Diyos ang Iglesia Ni Cristo at ang kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia.
PURIHIN NATIN ANG PANGINOONG
DIYOS.
Ano naman ang pananagutan nating
mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo patungkol sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa
Iglesia ayon sa pagtuturo ng Banal na Kasulatan? Ang patuloy
tayong pasakop at gumalang sa Pamamahala na inilagay ng Panginoong Diyos sa
Iglesia upang manguna at mangasiwa sa atin. Ganito ang sinasabi sa Hebreo
13:17:
“Sundin
ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala.
Sila ang mangangalaga sa inyo at mananagot sa paglilingkod na ito. Sundin
ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat ang paglilingkod na ginagawa
nila; ito'y sa ikabubuti rin ninyo.” (Hebreo 13:17 NPV)
Ang pagsunod at pagpapasakop sa
Pamamahala, ayon sa Biblia ay sa atin ding ikabubuti. Dahil dito, ano ang hindi
marapat na masumpungan sa atin ayon na rin sa pagtuturo ng mga apostol? Sa II
Timoteo 3:8 ay ganito ang mababasa natin:
“Kung
paanong kinontra nina Jannes at Mambres si Moises, gayon din kinokontra ng mga
ito ang katotohanan; mga taong bulok ang isip at huwad ang pananampalataya. “
(II Timoteo 3:8 BSP)
Si Moises ay ang lider noon ng
Israel, ang bayan ng Diyos noon. Ang pagkontra sa kaniya ayon sa Biblia ay
pagkontra sa katotohanan sapagkat sinasabi ng katotohanan o ng Biblia na
pasakop sa mga nangangasiwa o namamahala sa atin. Sinasabi pa ng Biblia na ang
gayon ay mga taong bulok ang isip at huwad ang pananampalataya. Ang may huwad
na pananampalataya ay kabilang sa mga hindi magmamana ng kaharian ng Diyos o
hindi maliligtas (cf. Gal. 5:19-21). Dahil dito, ganito ang itinuturo sa atin
ni Apostol Juan, isa sa mga namahala sa unang Iglesia”
“Sinasabi namin sa inyo ang aming nakita at narinig upang magkaroon kayo ng
pakikiisa sa amin. Ang aming pakikiisa ay sa Ama at sa Kanyang Anak na si
Jesu-Cristo.” (I Juan 1:3 SNB)
Lubos tayong makiisa sa
Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia upang ipahayag ang Kaniyang mga
salita (cf. Colosas 1:25). Sundin natin at pasakop tayong lubos sa Pamamahala
ng Iglesia yamang ang kanilang ipinatutupad ay hindi ganang kanilang sarili
kundi ang kalooban ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Makiisa tayo sa mga
kilusang kanilang inilulunsad, pasakop tayo sa kanilang mga panawagan, at
tuparin natin ang kanilang mga tagubilin.
Lagi nating ipanalangin sa Diyos
na lubos na ingatan ang Kapatid na Edurado V. Manalo na patuloy na puspusin ng
kalusugan at lakas, higit sa lahat ay ng kapangyarihan at karunungan upang
patuloy tayong mapangunahan at maihandang lubos sa pagsalubong sa ating
Panginoong Jesucristo.
MALIGAYANG BATI PO SA INYONG
IKA-APAT NA TAONG PAMAMAHALA SA IGLESIA NI CRISTO. KA EDUARDO MAHAL NA MAHAL PO
NAMIN KAYO.
No comments:
Post a Comment
Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.