Pages

11 August 2015

Muling "Inilaglag" ni Joy Yuson ang Sarili at lalo na si Angel Manalo



ANSWERING “FALLEN ANGELS” 
Punto-por-punto na Pagsagot sa mga "Fallen Angels"
part 10


MULING “INILAGLAG” SI JOY YUSON NG KANIYANG SARILING “PANANALITA” AT LALO NA SI ANGEL MANALO

SAGOT SA “RESPONSE” NI JOY YUSON SA ATING ARTIKULO NA MAY PAMAGAT NA “SINO SI JOY YUSON?” (UNANG BAHAGI)


HINDI pa po ito ang ikalawang bahagi ng ating artikulo tungkol kay Joy Yuson. Ito po ay sagot natin sa kaniyang “response” sa ating unang artikulo na pinamagatang “SINO SI JOY YUSON?” na posted noong 10 Agosto 2015 (kaya maliban dito ay may karugtong pa ang una nating artikulo). Bilang “response” sa ating artikulo ay muling nag-post si Joy Yuson a.k.a. “Kelly Ong” sa kaniyang FB page ng “Pangalawang Liham” (11 Agosto 2015). Subalit, sa halip na mapabulaanan ang ating mga sinasabi ay MULING “INILAGLAG” NI JOY YUSON ANG KANIYANG SARILI.

Bago natin talakayin ito, nais muna naming ipapansin na:

(1) wala tayong sinasabi sa naunang artikulo ukol sa mga taga-Bukidnon. Saan kaya ito nakuha ni Yuson? Totoo kaya na kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan niya?

(2) wala tayong sinasabi na “humawak siya ng bilyones sa pagbili ng gamit” kundi sinundan lamang natin ang kaniyang sinabi na siya ang may pananagutan ng “financial matters” ng napakaraming tanggapan, gusali at proyekto na dahil dito kung susumahin ay hindi milyon-milyon ang pinag-uusapan kundi bilyon-bilyon (mali ba na sabihing bilyon-bilyon ang pinag-uusapan sa financial matters ng GEMNET, NET 25, GEM TV, DZEC, DZEM, mga radio stations sa Pangasinan, Quezon at Cebu, installation ng sound system” ng lahat ng mga kapilya sa buong mundo, at pati na ang network system ng Central Office, housing distribution, security matters, beautification ng Central Office at mga pangunahing gusali (kasama rin ang Templo Central, College of Evangelical Ministry, New Era University, at New Era General Hospital), logistical support ng lahat ng tanggapan, pati production ng TV stations at mga malalaking okasyon (gaya ng 95th anniversary presentation), at ang pagbili ng mga “communication equipment” ng Iglesia? Di ba’t siya rin naman ang nagsabi nito?;

(3) Ang sabi niya, “26 times daw ako nagpunta sa Japan para bumili ng equipment…2 times lang po ito sa buong buhay ko kasama ang KA ANGEL at KA MARC. Hindi para bumili ng gamit kundi para makipag-partner ang GEMNET sa mga hapon” Una, hindi natin sinabing 26 times nagpunta sa Japan upang bumili ng gamit, kundi 26 times nagpunta sa Japan. Ang totoong “2x lang” ay ang kasama sina Angel at Marc, subalit paano iyong mga “sikretong” pagpunta?

(4) Ang sabi pa niya, “Alam ni ka Jun Santos na inihabla ko sa tanggapan niya si Ka Raquel, nagpaparenta ng mga sound system sa Iglesia sa mga malalaking aktibidad…” Teka, “inihabla”? Ganon ba ang ginagawa natin, “inihahabla” sa isang “tanggapan” ang isang kapatid? Kung tunay ang “kuwento” niya, di pa dapat ay sa Pamamahala, kay Ka Eduardo V. Manalo?  

(5) Ang sabi rin niya, “NAKAKAAWA RAW AKO DAHIL NAG-AALAGA NA LANG NG BABOY, MANOK AT KAMBING. Maraming mga kilalang ministro ng Central ang kumausap sa akin noon na bumalik. Ang totoo po ay inalok nila ako ng mga posisyon.” UNA, ikaw ang may sabing “nakakaawa ka” hindi kami, at IKALAWA, Papaano mo kami mapapaniwala na “may mga kilalang ministro sa Central ang kumausap sa iyo noon para bumalik at nag-alok pa ng posisyon samantalang ang PAMAMAHALA LANG ANG MAKAPAGBABALIK, may “seminar” pa sa pagbabalik, at “mag-aalok ng posisyon sa isang wala sa karapatan”?

SAMAKATUWID, DITO PA LANG AY HAYAG NA HAYAG NA PURO KASINUNGALINGAN ANG SINASABI NIYA.

Siguro ay sabik na kayo na mabasa ang sinasabi natin sa pamagat na “MULING ‘INILAGLAG’ NG KANIYANG SARILING ‘PANANALITA’ SI JOY YUSON AT LALO NA SI ANGEL MANALO.” Ito ang kaniyang sinabi na hindi lamang “naglaglag” sa kaniyang sarili kundi LALO NA KAY ANGEL MANALO:

“Alam ni Ka Caloy Ortiz na lahat ng mga supplier ng GEMNET ay dumadaan sa Purchasing Department. Pagkatapos ma-endorse ng GEMNET ang mga kailangang gamit ay sila ka Caloy Ortiz na ang kausap. Ang GEMNET ay naghihintay lamang at nagpa-follow-up ng deliveries ng mga gamit. Ang transaction sa mga ito ay kina ka Caloy Ortiz na bata ni Jun Santos. Ang mga legal documents ay dumadaan sa Legal Department na hawak ni Resty Lazaro na bata rin ni Jun Santos. Ang katotohanang ito ay bukas at alam ng lahat ng mga nag-oopisina sa Central at ng mga ministro sa buong mundo.” [“Pangalawang Liham ni Joy Yuson,” 11 Agosto 2015]

Dito ay napatunayan natin sa mismong “pananalita” ni Joy Yuson na:

Hindi sila dumadaan sa karaniwang proseso o tuntunin
ng pananalapi sa Iglesia

Ang mga kapatid, lalo na ang mga maytungkulin sa pananalapi at ang mga nasa opisina Central, ang aming tatanungin: ang proseso ba natin sa Pananalapi ay “i-endorse” lang ang “bibilhin” sa Purchasing Section at pagkatapos ay bibilhin na ito ng purchasing at gaya nga ng sinabi ni Joy Yuson ay naghihintay na lang sila at magpa-follow-up sa deliveries? ALAM NATING HINDI.

Muli ay “inilaglag” ni Joy Yuson ang kanilang grupo lalo na si Angel Manalo sapagkat ngayon ay mayroon kaming ebidensiya na mula sa grupo nila mismo na nagpapatunay na “HINDI NGA DUMARAAN SA KARANIWANG PROSESO NG PANANALAPI O SA TUNTUNIN NG PANANALAPI NG IGLESIA” ANG GRUPO NINA ANGEL MANALO NOONG SILA PA ANG NASA POSISYON.

Alam natin ang proseso ng Pananalapi sa Iglesia: (1) Kahilingan ng lokal/distrito/departamento sa Pamamahala; (2) Canvassing (at least ay tatlong dealer/supplier); (3) Pagsumite ng P-10 kalakip ang canvass form at iba pang requirements; (4) Pagsisiyasat at pag-process ng Finance Department; (5) pagpapatibay ng Pamamahala; (6) ang Finance Department ang magbibigay sa Purchasing Department upang gumawa ng “Purchase Order” sa napagtibay na supplier/ dealer; (7) pagkatapos nito ay saka lamang maaaring makapag-deliver ang napagtibay na supplier/dealer.

Subalit, IBINUNYAG NI JOY YUSON NA HINDI GANITO ANG KANILANG PROSESO SA PAGBILI NG MGA GAMIT, bagkus ay ganito ang nabunyag na nangyayari sa GEMNET o sa grupo nina Angel Manalo noon ayon kay Joy Yuson mismo:

Direkta sila sa Purchasing Section (sila ang mag-endorse ng mga bibilhing gamit sa Purchasing Section) na labag sa tuntunin ng Pananalapi ng Iglesia:

Ang kahulugan ng “anomalya” ay “deviation from rules, law, regulation). Pansinin ninyo na ibinunyag ni Joy Yuson na DERETSO ang GEMNET sa Purchasing Section (isang malaking anomalya sapagkat labag sa tuntunin na kailangang may pagsisiyasat ang Finance Department sa kahilingan, may canvassing, may kahilingan at pagpapatibay muna ng Pamamahala, at ang Finance Department ang magbibigay sa Purchasing Department). Kahit nga sa gobyerno ay “anomalya” iyan na hindi dadaan sa “legal na process.”

Bakit pinadadaanan pa nila sa Purchasing Section? Ang pinadadaan nila Purchasing Section ay ang “kailangan” ng supplier o dealer ang “P.O.” (Purchase Order). Ang Purchasing Section lamang kasi ang gumagawa nito. Subalit ang tamang “proseso” bago ang paggawa ng P/O. ay wala o hindi nasusunod. Ika nga ay “ganiyan sila ka-astig.” Basta i-endorse nila sa Purchasing Section ang kailangang nilang bilhin, at ang “kaawa-awang” nasa Purchasing Section, sina ka Caloy, ay walang magawa, kailangan nilang “sumunod” sa paggawa ng “P.O.” kahit hindi nasunod ang tamang proseso ukol dito dahil iyan ay “sa mga prinsepe.” TAMA KA JOY YUSON, ALAM NA ALAM NG MGA TAGA-OPISINA CENTRAL AT NG MGA MINISTRO SA BUONG MUNDO ANG “KATIWALIANG” ITO NA GINAGAWA NINYO NOON KUNG GAANO KAYO NOON “KA-ASTIG” NA NAKAKA-DERETSO SA PAGPAPAGAWA NG P.O. NA HINDI NA ISINAALANG-ALANG ANG TAMANG PROSESO UKOL DITO. Salamat, Joy at nadagdagan na naman kami ng “Katibayan” na mula sa inyo mismo na totoo ang sinasabi namin na “KAYO ANG HINDI SUMUSUNOD NOON SA TAMANG PROSESO O SA TUNTUNIN NG IGELSIA SA PANANALAPI.”

Kaya walang “kabuluhan” ang sinabi ni Joy Yuson na pagka-endorso nila ng bibilhing gamit sa Purchasing Section ay sina Ka Caloy (ang head ng Purchasing Section) na ang nakikipag-transaction para patunayan nila na wala silang katiwaliang ginagawa sapagkat ang “katiwalian” o “anomalya” ay hindi naman sa pag-process at transaction ng Purchasing Section nagaganap kundi doon sa bago makarating sa Purchasing Section – may katiwalian o anomalya sapagkat hindi nasusunod ang tamang proseso o tuntunin ng Pananalapi ng Iglesia na dapat masunod bago dumating sa pag-process ng Purchasing Department.

Isa pa, ang sinasabi lamang ni Joy Yuson na dumadaan sa Purchasing Section ay ang mga bibilhing gamit ng GEMNET, papaano ang sinasabi niya na “housing at housing distribution ng kanilang mga kawani (ang pakikialam dito ng GEMNET ay anomalya pa rin sapagkat ang GEMNET ay para sa “technical support” ngunit sinasaklaw na nila ang trabaho ng Housing Section). Pati nga “beautification at security matters at sinasaklaw din ng grupo nina Angel at Yuson. HINDI LANG PALA ANG IBINIBINTANG NILANG “PAGLABAG SA PANANALAPI NG IGLESIA” ANG GINAGAWA NILA NOONG NASA POSISYON PA SILA KUNDI MAGING ANG IBINIBINTANG NILANG “SINASAKLAW” NA RAW ANG LAHAT NG “GAMPANIN” KAHIT NA HINDI NAMAN TALAGA SAKLAW NG KANILANG TANGGAPAN. Para huwag masabing nagbibintang lamang tayo ay muli nating sipiin ang sinabi ni Joy Yuson sa kaniyang unang sulat:

“Ako po ang Finance at Administrative Coordinator ng Global Electronic Media Network ng Iglesia ni Cristo (GEMNET)…bahagi po ng aking pananagutan ang coordination sa mga financial matters ng opisina at ang mga bagay na pang administratibo kalakip ang mga special task mula sa Tagapamahalang Pangkalahatan na ipinagagawa sa amin sa pamamagitan ng dalawa nilang mga anak na siyang nangangasiwa sa aming tanggapan.”
 “Saklaw po ng operasyon ng aming tanggapan ang networking system ng Central Office, CCTV installations and monitoring system, House of Worship Sound and Video System installations, Technical and Administrative support ng mga Radio and Television Stations ng Iglesia sa buong mundo kalakip po rito ang mga programming at monitoring sa mga himpilan. Bukod po rito ay saklaw ng aming Tanggapan ang ilang bahagi ng housing distribution para sa aming mga kawani, ang Security Matters ng Iglesia at Central Office, beautification ng Central Office at mga pangunahing gusali ng Iglesia, logistical requirement ng iba't ibang departamento sa ilalim ng aming pangangasiwa. Ang aming tanggapan ay ang siyang systems support ng mga tanggapan at technical support ng buong Iglesia ni Cristo.
“Ang GEMNET din po ang nasa likod ng mga malalaking program presentations and television shows ng iglesia sa mga malalaking okasyon nito.
Maging ang mga communication equipment na ginagamit ng iglesia ay nagmumula po sa mga research ng aming tanggapan.” [Unang Lihan ni Joy Yuson, 10 Agosto 2015]

Ang “malawak na kapangyarihang” ito na tinataglay nina Yuson at lalo na ng kaniyang mga amo na sina Angel at Marc ay hindi ba masasabing “isang anomalya” o “Katiwalian”?

SAMAKATUWID, NOONG PANAHON NA HINDI PA SI KAPATID NA EDUARDO V. MANALO ANG TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN AT SA PANAHONG “MATANDA” NA ANG KAPATID NA ERANO G. MANALO, “NAPAKALAWAK” NG KAPANGYARIHAN NINA ANGEL MANALO AT NG KANIYANG GRUPO, AT ANG IBINIBINTANG NILANG “KATIWALIAN” (PAGLABAG SA TUNTUNIN SA PANANALAPI AT PAGSAKLAW SA GAMPANIN NG IBA) AY TUNAY NA NASUMPUNGAN SA KANILA. ITO ANG INALIS, ITINUWID AT NILINIS NI KAPATID NA EDUARDO V. MANALO NOONG SIYA NA ANG TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN NA IKINAGALIT  NG GRUPO NINA ANGEL AT YUSON NA HUMANTONG SA KANILANG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA PAMAMAHALA NG IGLESIA.

Mayroon tayong bukod na artikulo na detalyadong tinatalakay ang ukol sa “KATIWALIAN AT ANOMALYA NA NAGAGANAP NOON NA ITINUWID NI KAPATID NA EDUARDO V. MANALO NA NAGING DAHILAN NG PAGHIHIMAGSIK NG MGA ‘FALLEN ANGELS’.” ABANGAN.




ANSWERING “FALLEN ANGELS”
Punto-por-punto na pagsagot sa mga 
Kumakalaban sa Pamamahala

Part 1

Part 2

Part 3
 
 Part 4

Part 5

Part 6

Part 7

Part 9






No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.