Pages

23 May 2015

Sa "Bunga" malalaman kung tama o mali at ang tunay na nasa likod ng ganitong kilusan





Sa "Bunga" malalaman kung tama o mali at ang tunay na nasa likod ng ganitong kilusan


ANG “Kumakalaban sa Pamamahala ng Iglesia” ay ginamit ang Social Media at dito ipinagsisigawan na diumano’y “may corruption sa Iglesia ngayon.” Ang kahulugan ng sinasabi nilang “may corruption sa Iglesia ngayon” ay “may nagaganap (daw) na pagnanakaw sa mga handog o abuloy ng mga kapatid.” Kaya, kabilang sa ipinagsisigawan nila ay wala na raw transparancy sa pananalapi ng Iglesia ngayon na gaya noon. Ang totoo’y hindi humangga diyan ang kanilang pagbatikos. Sa Social Media ay patuloy pa rin nilang binabatikos ang mga isinasagawang “mga handugan” ng Iglesia.

[Bagamat lagi nilang itinatanggi na sila’y lumalaban sa Pamamahala ng Iglesia, subalit ang kanilang ipinagpipilitan at ipinagsisigawan sa social media na “may corruption sa Iglesia” ay tahasang paglaban sa ipinahayag ng Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, na “Walang corruption” sa Iglesia. Dahil dito, tama lamang po na tawagin sila na “Kumakalaban sa Pamamahala” kahit ano pang pagtanggi ang kanilang gawin.] 

Ang artikulong ito na may pamagat na “May Corruption ba sa Iglesia Ngayon” ay hinati natin sa apat na bahagi na kalakip ang pagsiyasat sa mga ibinibigay nilang mga diumano’y mga katibayan sa kanilang paratang na ito. Sa bahaging ito ay talakayin muna natin kung “tama ba o mali” ang ginagawa o paraan ng mga kumakalaban sa Pamamahla” (ang paggamit sa social media at doon ipinagsisigawa ang kanilang mga pagpaparatang) sa liwanag ng pagtuturo ng Banal Na Kasulatan.   


ANG “BUNGA” NG KANILANG GINAGAWA

Sinasabi nilang ang “layunin” daw nila sa ginagawang ipinagsisigawan sa social media na “may corruption daw sa Iglesia” o “ninanakaw lamang daw ang handog ng mga kapatid ay para daw manumbalik ang “linis” ng Pananalapi ng Iglesia. Subalit, ito ba talaga ang “ibinubunga” ng kanilang ginagawang ito?

Ang tunay na ibinunga ng kanilang ginagawa o ng kanilang “pamamaraan” (ang ipagsigawan sa social media ang isyung ito) ay dalawa: (1) nakapagpapahina o nakapagbibigay “katitisuran” sila sa mga kapatid; at (2) nakapagbibigay “katitisuran” sila sa mga minimisyon o nais magsuri sa Iglesia.

Hindi maaaring maitangi na may ilang mga kapatid na nakabasa sa social media ng kanilang mga paratang ay naka-“damage” o nakapagdulot ng pinsala sa kanilang pananampalataya. Bilang katibayan, may isang kapatid na nag-send sa amin ng ganito:

“That was my first message to AE. To be honest po, hindi ko alam ang magiging kahihinatnan ng pakikipag ugnayan ko kay AE at sa inyo…Aaminin ko pong sinusubaybayan ko ang mga post ni AE and aaminin kong nag aantay ako ng paliwanag ng mga kinauukulan (Sanggunian) . Naiiyak po ako habang sinusulat ko ito sapagkat alam ko po KUNG PAANONG NA DAMAGE ANG SPIRITUAL SIDE KO SA ISYU NG PANANALAPI SA IGLESIA. Masyado pong mahalaga sa akin ang doktrina ng kusa at bukas sa loob na paghahandog. Isang bagay na naipamana ng nasira kong Ama. Kung kaya't naging pagsubok talaga sa akin ang isyung ito…”

Ang sinasabing “damage” o “pinsala” sa pananampalataya ng ilang mga kapatid ay ang magkaroon ng “tisod” sa kanilang puso ukol sa gawang paghahandog, at pag-alinlanganan at maging mabigat sa kanilang loob ang pagtupad sa “kautusang” ito.


ANG KAUTUSAN NG DIYOS

Ang lahat po ng ipinatutupad ngayon sa Iglesia ay naaayon sa kautusan ng Panginoong Diyos na nakasulat sa Biblia. Sa marami nang pagkakataon ay naituro sa atin ang mga bagay na ito bagi pa man tayo bautismuhan sa loob ng Iglesia. Hayaan po ninyong sariwain natin ang mga ito:

Hebreo 13:15-16
“Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, samakatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.”

Patuloy pa rin na ang ating paghahandog ay ang karawaning pag-aabuloy sa pagsamba ng Miercoles/Huwebes at Sabado/Linggo; Tanging Handugan at ang Ukol sa Pasalamat (lagak). Ito lamang ang ating handugan. Ang binabanggit na “Lingap, “ “Lokal,” “Distrito” ay mga alokasyon lamang ng Tanging Handugan. Nasa Biblia ba ang Tanging Handugan? Ganito ang nakasulat sa Banal Na Kasulatan:

II Kronika 24:8,10,12-14
“Sa gayo'y nagutos ang hari, at sila'y nagsigawa ng isang kaban, at inilagay sa labas sa pintuang daan ng bahay ng Panginoon.
“At ang lahat na prinsipe at ang buong bayan ay nagalak, at dinala, at inilagay sa kaban, hanggang sa natapos.
“At ibinigay ng hari at ni Joiada sa gumagawa ng gawaing paglilingkod sa bahay ng Panginoon; at sila'y nagsiupa ng mga kantero at ng mga anluwagi upang husayin ang bahay ng Panginoon, at ng nagsisigawa naman sa bakal at tanso upang husayin ang bahay ng Panginoon. Sa gayo'y nagsigawa ang mga manggagawa, at ang gawa ay nayari sa pamamagitan nila, at kanilang itinayo ang bahay ng Dios sa kaniyang kalagayan, at pinatibay. At nang kanilang matapos, kanilang dinala ang labis ng salapi sa harap ng hari at ni Joiada, na siyang mga ipinagpagawa ng mga sisidlan sa bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y mga sisidlan upang ipangasiwa, at upang ipaghandog ng hain, at mga sandok, at mga sisidlang ginto, at pilak.  At sila'y nangaghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga kaarawan ni Joiada.”

Maaaring ikatuwiran ng mga Kuamakalaban sa Pamamahala na “hindi naman kami tutol sa mga nabanggit ninyo sapagkat iyan ay itunuro sa atin sa panahon pa ng Sugo. Bakit po ngayon ay may tanging handugan para sa sentenaryo at iba pa?” Hayaan nating Biblia po ang sumagot sa katanungang iyan:

II Corinto 9:7-8, 12-13
“Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya. At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa:
“Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang TUMATAKIP SA PANGANGAILANGAN NG MGA BANAL, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios; Palibhasa'y sa pagsubok sa inyo sa pamamagitan ng ministeriong ito ay niluluwalhati nila ang Dios dahil sa pagtalima ng inyong pagkilala sa evangelio ni Cristo, at DAHIL SA KAGANDAHANG-LOOB NG INYONG AMBAG SA KANILA AT SA LAHAT.”

Ayon sa Biblia, ang pag-aabuloy o paghahandog ay isinasagawa ng Iglesia na ang isa sa dahilan ay upang “tumakip sa pangangailangan ng mga banal.” Kaya, wala pong nalalabag kundi nasusunod pa ang itinakda ng Banal Na Kasulatan na magkaroon tayo ng handugan para sa KASALUKUYANG pangangailangan ng Iglesia. Itinuro din sa atin ng Biblia kung papaano po natin ito dapat isagawa. Ang sabi sa talata, “Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob.”

Samakatuwid, ang sinumang pipigil o sisira sa pananampalataya ng isang kapatid sa pagtupad sa kautusang ito ng Diyos (pigilang tuparin ang utos na “magbigay ang bawat isa” at ang utos na isagawa ito ng “ayon sa pasiya ng puso” at na “huwag mabigat sa loob”) ay humahadlang sa mga kapatid na tuparin ang utos ng Diyos o “naglalagay ng katitisuran.” Tama ba na maglagay tayo ng “katitisuran” sa pagtupad ng utos ng Diyos? Ganito po ang pahayag sa atin ng Biblia:

I Corinto 10:32
“Huwag kayong magbigay ng dahilang ikatitisod, sa mga Judio man, sa mga Griego man, o sa iglesia man ng Dios.”

Kaya, ayon kay Apostol Pablo, kung ang iyong pagkain o paginom ay magiging katitisuran” ay ano ang kaniyang sinasabi?

I Corinto 8:13
“Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailan man ay hindi ako kakain ng lamang-kati, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.”

Kaya, kahit pa anong sabihin ng isang tao para ma-justify ang kaniyang ginagawa o paraan, subalit hindi ito “justifiable” sa harap ng Diyos kung nagiging dahilan ito ng pagkatisod ng isang kapatid upang masuway niya ang kautusan ng Diyos. Kung bakit, ganito ang paliwanag pa sa atin ng Biblia:

Santiago 2:10
“Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat.”
 

ANG TUNAY NA NASA LIKOD NG
GANITONG “KILUSAN”  

Kung ang ginagawa ng mga Kumakalaban sa Pamamahala ay sumisira sa pananampalataya ng isang kapatid at nagkakaroon sa kaniya ng katitisuran sa pagtupad sa utos ng Diyos, masasabi ba na ito’y gawa ng Diyos? Maaangkin ba na ito’y kalooban ng Diyos? Sino ang tunay na nasa likod ng isang gawain, paraan, kilusan na sumisira o pumipinsala sa pananampalataya upang huwag matupad ang kautusan ng Diyos? Ganito po ang pahayag sa atin ng Banal Na Kasulatan:

Lukas 8:12
“At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas.”

Ang gusto ng Diyos ay tuparin ang Kaniyang utos kaya hindi maaaring maging mula sa Kaniya ang anumang sumisira ng pananampalataya at naglalagay ng katitisuran sa pagsunod sa Kaniyang mga utos. Ang diablo ang may gawa o kilusan na alisin ang salita ng Diyos sa puso ng tao upang huwag siyang sumampalataya, upang huwag siyang sumunod, upang huwag siyang maligtas.

Noong una ay ang Tagapamahalang Pangkalahatan ang tuwirang binabatikos at sinisiraan ng mga kinakasangkapan ng kaaway ng pananampalataya. Hindi ba’t ganito po ang nangyari sa panahon ng Kapatid na Felix Y. Manalo at ng Kapatid na Erano G. Manalo? Alam din natin na hindi sila nagtagumpay. Bakit ngayon ang pinupulaan at pinipilit ng kaaway ng ating pananampalataya ay ang mga katuwang ng Tagapamahalang Pangkalahatan ang katisuran ng mga kapatid? Sapagkat alam niyang nabigo na siya nang ang paninira ay ituon niya sa mismong Namamahala sa Iglesia, kaya ngayon ang paninira ng diablo ay itinuturuon niya sa mga katuwang ng Pamamahala. Bakit sa kanila? ALAM NATIN NA SILA ANG KATUWANG NG PAMAMAHALA SA PAGBALANGKAS NG MGA LEKSIYON NA ITINUTURO SA PAGSAMBA. KUNG ANG ISA NGA NAMANG KAPATID AY TISOD SA KANILA AY TIYAK NA HINDI NA NIYA TATANGGAPIN ANG MGA SALITA NG DIYOS NA ITINUTURO. KUNG SIRANG-SIRA NA NGA NAMAN SILA SA SOCIAL MEDIA, AT MANGASIWA SILA NG PASAMBA AT LALO NA NG PAMAMAHAYAG, TIYAK NA HINDI NA MAKIKINIG SA KANILA ANG MGA KAPATID AT ANG MGA MINIMISYON.

Sa palagay po ninyo, kaninong “gawa” ang pati ang mga leksiyon sa pagsamba ay “pinupulaan”? Sino nga ang nasa likod ng kilusan na ang ibinubunga ay ang hindi pagtanggap sa mga salita ng Diyos o ang matisod sa pagtupad sa mga kautusan ng Diyos? Muli nating basahin ang Lukas 8:12:

Lukas 8:12 MB
“Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga nakinig, ngunit dumating ang diyablo at inalis sa kanilang puso ang salita upang hindi sila manalig at maligtas.”

Kung sa Diyos ang kanilang “kilusan” bakit po ganito ang ibinubunga sa iba sa pagbasa ng kanilang “mga ibinubunyag”? Muli po nating sipiin ang pahayag ng isang kapatid:

“That was my first message to AE. To be honest po, hindi ko alam ang magiging kahihinatnan ng pakikipag ugnayan ko kay AE at sa inyo…Aaminin ko pong sinusubaybayan ko ang mga post ni AE and aaminin kong nag aantay ako ng paliwanag ng mga kinauukulan (Sanggunian) . Naiiyak po ako habang sinusulat ko ito sapagkat alam ko po KUNG PAANONG NA DAMAGE ANG SPIRITUAL SIDE KO SA ISYU NG PANANALAPI SA IGLESIA. Masyado pong mahalaga sa akin ang doktrina ng kusa at bukas sa loob na paghahandog. Isang bagay na naipamana ng nasira kong Ama. Kung kaya't naging pagsubok talaga sa akin ang isyung ito…”

Hindi po kataka-taka na mangyari ang mga bagay na ito na nangyayari ngayon (ang hindi lang ang mga kaibayo sa pananampalataya ang pumupula sa aral na ating tinanggap at sinusunod kundi maaaring may mga kapatid at ministro pa na nagagamit ng diablo na kasangkapan upang sirain o pinsalin ang ating pananampalataya) sapagkat ipinagpauna na ng Biblia ang bagay na ito:

Apocalipsis 12:7,17
“At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka;
“At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus.”

Ipinagpauna na sa atin sa hulang ito ng Biblia na sa tindi ng galit ng diablo ay babakahin niya ang “nalabing binhi” ang mga “nagsisitupad ng mga utos ng Diyos, at mga may patotoo ni Jesus.” Hindi lamang ang kakasangkapanin ngayon ng diablo ay ang mga kaibayo sa pananampalataya. Ganito rin ang ipinagpauna sa atin ni Apostol Pablo”

Roma 16:17-18
“Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila. Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.”

May mga kabilang sa bayan ng Diyos subalit panggagalingan ng pagkakabahabahagi at katitirusan laban sa mga aral na ating tinanggap. Paano nila ito gagawin? Ang sabi ng Biblia ay “sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at mainam na talumpati.” Ganito ang katumbas nito sa saling Magandang Balita:

Roma 16:18 MB
“Ang mga gayong tao ay hindi naglilingkod kay Cristo na ating Panginoon, kundi sa kanilang makasariling hangarin, at sa pamamagitan ng kanilang magaganda at matatamis na pangungusap ay inililigaw nila ang mga mapaniwalain.”

Huwag po tayo padadala sa “matatamis nilang pangungusap” subalit ang tunay pa lang layunin ay ang tayo’y iligaw. Kunwa’y hindi lumalaban, kunwa’y kakampi, kunwa’y nagmamalasakit, kunwa’y ang ginagawa’y sa ating kapakanan, kunwa’y sa ating ikabubuti, subalit huwag po tayong padaya, ang ganitong pamamaraan ay tulad din ng pamamaraan ng pandaraya ng ahas kay Eba:

Genesis 3:1-5 MB
“Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ni Yahweh.  Minsa'y tinanong nito ang babae, "Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kang kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?" Tumugon ang babae, "Hindi naman! Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan, 3huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami." Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay, wika ng ahas. Gayon ang sabi ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon, magkakaroon kayo ng pagkaunawa.  Kayo'y magiging parang Diyos; malalaman ninyo ang mabuti at masama.”

Hindi ba’t ang isinisigaw po nila na layunin nila ay para raw sa kapakanan ng Iglesia, para daw sa “panunumbalik ng linis” ng Iglesia, para raw mamulat tayo sa katotohanan, para raw malaman natin ang tama at mali, subalit ano naman ang ibinubunga ng mga ito – ang pagkasira o pagkapinsala ng pananampalataya ng iba, ang pagkatisod sa aral tulad sa paghahandog. Papaano masasabing “dalisay at malinis” ang “may katitisuran” o “may pagkatisod” sa kautusan ng Diyos? Tama ang sabi ng Panginoong Jesus, pumaparito ang diablo upang alisin ang salita ng Diyos sa puso upang hwag siumampalataya at huwag maligtas.

Totoong napakalapit na ng araw ng ating kaligtasan. Kaya itinulad ng Biblia ang diablo sa isang mabangis na hayop (isang leong umuungal) na naghahanap ng kaniyang masisila dahil alam niyang kakaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kaniya. Lahat na ng paraan ay gagawin po niya at lahat na ng maaari niyang kasangkapanin ay kakasangkapanin niya upang “maalis ang salita ng Diyos sa ating puso upang huwag manalig at huwag maligtas.”

Subalit, gaya ng itnuro ng Sugo, ng Kapatid na Erano G. Manalo at hanggang ng kasalukuyang Pamamahala, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, IPAKIPAGLABAN NATIN ANG PANANAMPALATAYA – MANATILI PO TAYO SA PAGSUNOD SA MGA KALOOBAN NG DIYOS sapagkat ito ang ating ikaliligtas:

Apocalipsis 14:12-13 MB
12Kaya't kailangang magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos at nananatili sa pananalig kay Jesus. 13At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, "Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!" "Tunay nga," sabi ng Espiritu.  "Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa."

Ipanalangin po natin sa Diyos na malagpasan natin ang mabigat na pagsubok na ito na ating painagdadaanan ngayon. Ipakiusap natin sa Kaniya na panatilihin ang ilaw sa ating puso at isipan upang manatili tauo sa panig Niya, manatili tayo sa panig ng Pamamahala. Gabayan Niya tayo at tulungan na anumang paninira o lalang pa ng diablo ang ating masagupa, kahit pa tayo magtiis at magsakit, makapanatili tayo sa pagtupad sa mga utos ng Diyos na ating tinanggap.

Ipanalangin po natin ang Tagapamahalang Pangkahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, na malagpasan niya ang pagsubok na ito sa kaniya at sa kaniyang sambahayan, na patuloy siyang gabayan ng Ama at patuloy na tuparin ng Diyos ang Kaniyang pangako sa Kaniyang Sugo na:

“As for me, this is my covenant with them, saith the LORD; My spirit that is upon thee, and my words which I have put in thy mouth, shall not depart out of thy mouth, nor out of the mouth of thy seed, nor out of the mouth of thy seed's seed, saith the LORD, from henceforth and for ever.” (Isaias 59:21 KJV)

Sa Pilipino:

“Para sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng PANGINOON: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, HINDI HIHIWALAY sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong binhi, o sa bibig man ng BINHI NG IYONG BINHI, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.”



4 comments:

  1. ..akala naman yata ng mga naninira e matitisod kami sa paghahandog dahil sa mga walang kwentang pinagsasabi at pinakikita nila sa internet..kahit ako kaya ko gumawa ng mga ganung dokumento..mas astig pa siguro sa gawa nya..mga pekeng ebedensya daw..nakakatawa..sa mga kapatid, tingnan na lang po natin ang kasalukuyang kalagayan ng Iglesia at ikumpara nyo sa kalagayan ng ibang relihiyon sa kasalukuyan..kung may korapsyon sa Iglesia hndi sana ganito kaningning ang Iglesia sa kasalukuyan..eh itong si antonio na hndi naman Iglesia saan kayang relihiyon kabilang..ako natatawa lang sa mga yan, kasi para sakin kahit propeta o anghel mula sa langit ang magsabi o magsagawa ng katitisuran tatawanan ko lang sila..sandaling panahon lang mga yan isang araw hahanapin natin sila pero hndi natin masusumpungan..gaya ng bagay na wala..

    ReplyDelete
  2. Mga huwad na kaanib na natiwalag dahil sa makasariling pagnanais.Gustong buwagin ang kaisahan ng Iglesia.Sila yung makabagong mang-uusig sa panahon ng social media . Pagbabatikos at aligasyon na walang concrete evidence.Syempre ang maniniwala lamang ay ang matitisuring kaanib at mga sanlibutan na nag aantay na masira mabuwag ang Iglesia..Sorry na lang po.Totoong Diyos ang nasa INC.nahahayag ang mga taong may masamang loob .Maibay at matatag ang Iglesia dahil umabot sa ganitong 101 na taon.Sila kaya aabot din sa ganun taon ?

    ReplyDelete
  3. Matibay ang Iglesia hindi basta matitibag ninuman

    ReplyDelete
  4. Basta lagi lanp manalig sa Dios. Kahit sino pa ang magsabi na di totoo ang Iglesia Ni Cristo di ako maniniwala. Kung hindi man totoo ang Iglesia Ni Cristo alin ang totoo? Yung sa inyo?

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.