Pages

29 May 2015

Ang Ordenasyon Ba Ay Gawa Ng Tao O Sa Diyos?



ANG ORDENASYON BA AY GAWA NG TAO O SA DIYOS?

Reaksiyon sa pagkuwestiyon ng mga Kumakalaban sa 
Pamamahala ukol sa Ordenasyon
  

 
 ANG ordenasyon ay banal at kinikilala ng bawat ministro at manggagawa na “gawa ng Diyos.” Mula pa sa panahon ng Sugo, Kapatid na Felix Y. Manalo. hanggang sa panahon ng Kapatid na Erano G. Manalo, at hanggang ngayon sa panahon ng kasalukuyang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, namamalagi ang sinabi ng Sugo noon pang una na “Ang ordenasyon ay sa Diyos. Ang Diyos ang nagpapasiya kung sino ang dapat ordenahan, hindi ang tao, at ang batayan sa ordenasyon ay hindi ang gawa ng tao, kundi ang kagustuhan ng Diyos.” Kaugnay nito, madalas ituro sa mga mag-aaral sa ministerio at madalas ipaala-ala sa mga manggagawa na naghihintay ng ordenasyon ang ukol sa “ordenasyon” (pagpapahid ng langis) kay Haring David. Ito ang sinasabi sa atin ng Biblia ukol dito:

I Samuel 16:2-13
“At sinabi nISamuel, Paanong ako'y paroroon?  Kung mabalitaan ni Saul, ay kaniyang papatayin ako.  At sinabi ng Panginoon, Magdala ka ng isang dumalagang baka, at iyong sabihin, Ako'y naparito upang maghain sa Panginoon. At tawagin mo si Isai sa paghahain at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin; at iyong papahiran sa akin yaong sa iyo'y aking sabihin. At ginawa nISamuel ang sinalita ng Panginoon at naparoon sa Bethlehem.  At ang mga matanda sa bayan ay naparoon upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, Naparirito ka bang may kapayapaan? At kaniyang sinabi, May kapayapaan: ako'y naparito upang maghain sa Panginoon: magpakabanal kayo at sumama kayo sa akin sa paghahain.  At pinapagbanal niya si Isai at ang kaniyang mga anak, at tinawag niya sila sa paghahain. At nangyari, nang sila'y dumating na siya'y tumingin kay Eliab, at nagsabi, Tunay na ang pinahiran ng Panginoon ay nasa harap niya. Nguni't sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka't aking itinakuwil siya: sapagka't hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso. Nang magkagayo'y tinawag ni Isai si Abinadab, at pinaraan niya sa harap nISamuel.  At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon. 9Nang magkagayo'y pinaraan ni isai si Samma.  At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon. 10At pinaraan ni Isai ang pito sa kaniyang mga anak sa harap nISamuel.  At sinabi nISamuel kay Isai, Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito. 11At sinabi nISamuel kay Isai, Narito ba ang iyong lahat na anak?  At kaniyang sinabi, Natitira pa ang bunso, at, narito, siya'y nag-aalaga sa mga tupa.  At sinabi nISamuel kay Isai, Ipasundo mo siya; sapagka't hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito. 12At siya'y nagsugo, at sinundo siya roon.  Siya nga'y may mapulang pisngi, may magandang bikas, at mabuting anyo.  At sinabi ng Panginoon, Tumindig ka: pahiran mo siya ng langis, sapagka't ito nga. 13Nang magkagayo'y kinuha nISamuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin.  Gayon bumangon sISamuel at napasa Rama.  

Ito ay paulit-ulit na itinuturo ng Kapatid na Felix Y. Manalo at Kapatid na Erao G. Manalo noong sila’y nabubuhay pa sa mga mag-aaral, manggagawa at ministro. Pagkatapos na basahin ang talata ay dalawang bagay ang ipinapapansin nila na itinuturo sa talata: Una, na ang Diyos ay sa puso tumitingin, hindi ang tao ang nagtatakda ng “standard” at hindi ang “standard” ng tao ang masusunod, kundi ang “standard ng Diyos”; at ikalawa, na ang Diyos ang NAG-UUDYOK sa mag-oordena kung sino ang dapat ordenahan gaya ng pag-udyok niya kay Propeta Samuel.


ANG DIYOS AY SA PUSO TUMITINGIN

Ito ang prinsipyo ng pagpili o paghalal ng Diyos sa “papahiran” o sa “oordenahan” – sa puso tumitingin ang Diyos. Ito po ang dahilan kaya ang madalas nating marinig sa mga inoordenahan, palibhasa’y natuto ng ministerial,  ay “ako po’y kinaawaan lamang ng Ama” at hindi “Ako po ay nakapasa sa lahat ng hinahanap sa akin at naipakita kong ako’y dapat lang na ordenahan.”

Gaya din ng sinasabi ng Sugo, “hindi ang ibig sabihin nito’y hindi na tayo gagawa” (hindi na tayo magsisikap na makatugon sa hinahanap sa atin), subalit “hindi ang ibig sabihin na nakatugon ka na sa hinahanap sa iyo ay maaari ka nang umasa o mag-demand na ikaw ay ordenahan na.” Ang sabi nga ni Kapatid na Erano G. Manalo sa mga nanumpang regular noon, “Gawin ninyo ang trabaho ninyo, at hayaan ninyo ang Diyos sa ‘trabaho’ Niya (ang ordenasyon).”

Tingnan natin ang kasaysayan ng isang ministro (hindi sapagkat iisa lang siya kundi kukuha lang tayo ng isa sa maraming halimbawa) na MABUTING HALIMBAWA. Ito ang mabuting halimbawa sa panahon ng Sugo:

Si Kapatid na Perdo D. Briones (kilala ng mga kapatid bilang “Ka Peding”). Hinikayat ng tagapangasiwa ng distrito ng Batangas na magmanggagawa, si Kapatid na Alfredo Subijano, pumayag naman siya subalit ang pakiusap niya ay mangangasiwa lang na pagsamba at magdoktrina at huwag muna siyang ididistino sapagkat siya noon ang pinaka-katuwang ng kaniyang ama sa bukid. Pagkalipas ng isang buwan, dahil sa kakulangan ng manggagawa ay binibigyan siya ng distino. Tumanggi siya at nagpasiyang hindi na magka-klase. Sa pag-uwi niya ay napadaan siya sa kagubatan pumasok siya at lumuhod at nanalangin sa Diyos at itinanong kung tama ba ang kaniyang pasya. Pagkatapos niyang manalangin, pagtayo niya ay nagbalik siya sa  tagapangasiwa at nagsabi na magpapatuloy na siya sa pagmamanggagawa. Pagkalipas ng isang buwan ay isinama siya ng tagapangasiwa sa Maynila. Iniharap siya sa Kapatid na Felix Y. Manalo at sinabing kung maaari siyang magpatuloy ng pagsasanay sa pagkamanggagawa sa Maynila. Nakaupo noon ang Kapatid na Manalo at nagsabing, “Lumakad ka nga Peding sa harap ko.” Lumakad siya sa harap ng Sugo. Pagkatapos ay ang sabi ng Sugo, “tumayo ka sa harap ko.” Tumayo siya. Pagkataos noon ang sabi ng Sugo, bumalik ka na sa dibisyon mo at isa ka nang regular na manggagawa. Ang kalakaran noon ay magsasanay pa sa Maynila ang inirerekumenda ng tagapangasiwa na maging regular na manggagawa at pagkanakapasa sa mga pagsubok ng Pamamahala ay saka lamang pagtitibayin na isang regular na manggagawa. Hindi dumaan dito si Ka Peding. Mahigit lang isang taon na regular na manggagawa ay ipinatawg si Ka Peding sa Maynila sapagkat kasama siya sa ordenasyon noong Mayo 10, 1947 (kasama siyang inordenahan ni Kapatid na Erano G. Manalo). Alam na alam natin na noon ay umaabot pa minsan sa mahigit sampung taong regular bago ordenahan ang manggagawa. Kaya marami ang nagtaka sa naging kapalaran ni Ka Peding. Nang tanungin ang Sugo ukol dito, ang sagot ni Ka Felix ay “Ano ang magagawa ko ang Diyos ang nagpasiya niyan.” Wala pang isang taon ay ginawa na ni Ka Felix na tagapangasiwa si Ka Peding. Masasabi natin na tunay na udyok ito ng Espiritu Santo, at alam naman natin kung paanong naging magiting na ministro at tagapangasiwa si Ka Peding.   [Ito ay “condensed” mula sa unpublished book na “Hanggang Sa Aming Matatakan” Talambuhay ng mga Matatandang Ministro]

Ito naman ang HINDI mabuting halimbawa:

Si Basilio Santiago ay nagsimulang mag-aral sa pagkamanggagawa noong 1915, anupa’t kabilang siya sa unang-unang mag-aaral sa pagka-manggagawa. Nakapagtayo siya at naging katuwang sa pagtatayo ng hindi iilang lokal. Masasabing isa siya sa mahuhusay na magturo noon na manggagawa sa kaniyang kapanahunan. Dumaan ang ordenasyon noong 1919, hindi siya kasamang inordenahan. Dumaan ang ordenasyon noong taong 1921 na ang naordenahan ay sina Kapatid na Bernardo Turla at Maximo Valenzuela, na nauna pa siyang naging manggagawa kaysa kanila (sila’y 1918 lamang nagmanggagawa). Dumating ang ordenasyon noong 1922 inordenahan si Santiago Lopez ngunit hindi na naman siya nakasama sa inordenahan. Sa tindi ng sama ng loob dahil para sa kaniya ay nakatugon na siya sa panahon ng pagiging manggagawa, nakatugon na siya sa gawain, ngunit lagi siyang napag-iiwanan, ang kasaysayan ang nagpapatotoo, ang sumunod ay LUMABAN SIYA SA PAMAMAHALA NG IGLESIA na ipinagsigawan sa mga kapatid noon na nang noong si Ka Felix ay nasa Amerika ay naglayaw lamang daw at nilustay ang  salapi na ipinadala ng mga kapatid at nilustay daw niya ang abuloy ng Iglesia. [Para pong may nakakatulad sa panahon po natin ngayon di ba?]     


UDYOK NG DIYOS SA PAMAMAHALA AT HINDI BATAY SA GAWA NG TAO
ANG PAGPAPASIYA NG PAMAMAHALA KUNG SINO ANG OORDENAHAN

Mayo 7, 1994 sa ordenasyon na isinagawa sa Templo Central ay kabilang sa inordenahang sina Marc at Angel at ang may ilang bilang ng manggagawa na HINDI NANUMPANG REGULAR, KUNDI MULA SA PAGIGING 5TH YEAR AY INORDENAHAN NA AGAD.  At ang dapat pang mapansin ay marami sa kanila ay ACCELERATED, ibig pong sabihin ay hindi na pinagdaanan ang limang taong pag-aaral (kabilang si Marc). Kinukuwestiyon po ba natin ito? HINDI PO. Sapagkat ganap ang ating pananampalataya na ang pasiyang ito ni Kapatid na Erano G. Manalo ay “udyok” ng Espiritu Santo.

Noong ordenasyon nang 1999, mayroong inordenahan na labing-limang taon na walang karapatan at noon ay natiwalag pa, subalit wala pa siyang isang taong nababalik (1998 siya ng mabalik) ay kasama siyang inordenahan ng mga may mahigit sa limang taong binaka ang pagiging regular sa mga liblib na probinsiya. Hindi natin ito kinukuwestiyon sapagkat sumasampalataya tayo na ito'y pasiya ng Diyos na iniudyok sa Tagapamahalang Pangkalahatan.

Kaya, pinatutunayan lamang po ng mga pangyayaring ito na hindi “merit-demirit” system, hindi makatugon lamang ang manggagawa sa hinahanap sa kaniya, hindi ang standard o batayan ng tao, hindi ang gawa o achievement ang pinakabatayan ng ordenasyon SAPAGKAT ANG ORDENASYON AY ANG DIYOS ANG NAGPAPASIYA NA INIUUDYOK NIYA SA TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN NG IGLESIA.


TANONG SA MGA KUMAKALABAN SA PAMAMAHALA:

Ang sabi mo G. Antonio Ebangelista ay isa kang ministro, hindi ka ba kinikilabutan na ang kinikuwestiyon mo na ay ang “banal na ordenasyon” na mula pa sa pasimula ay itinuro na ng Sugo ay “gawa ng Diyos at hindi ng tao”? Sinasabi mo ba na may “katiwalian” at “anomalya” na sa “banal na ordensyon” na "gawa ng Diyos"? Papapayag ba ang Diyos na igagawad ang kaloob na Espiritu Santo at ang banal na katungkulan sa pamamagitan ng matiwali at ma-anomalyang paraan? HINDI NA TAO ANG KINUKUWESTIYON MO NGAYON KUNDI ANG PANGINOONG DIYOS SAPAGKAT ANG ORDENASYON AY TUWIRANG “GAWA NG DIYOS”!

Kitang-kita na mali ang sinasabi mong payo sa mga naghihintay ng ordenasyon. Ang sabi mo ay “Brad, magbunga ka ng marami para maordinahan ka na”; “Brad, trabaho lang ng husto at pagkalipas ng 5 taon, maoordenahan ka na rin” o kaya, “Brad mag-asawa ka na kasi para ma-ordenahan ka na”, “Brad, gumawa ka kasi ng matinding kasaysayan, para ma-ordenahan ka na”

MALI! MALING-MALI KA G. ANTONIO EBANGELISTA, SAPAGKAT LUMALABAS NA KUNG MAY “MAGAWA” KA AY MAAARI KA NANG MAG-DEMAND NG ORDENASYON? NA ANG ORDENASYON AY BATAY SA “GINAWA NG MANGGAGAWA”? GANITO ANG MISMONG PAHAYAG NG PANGINOONG DIYOS:


“Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao…”

(I Samuel 16:7 MB)


Nakakapangilabot po mga kapatid, sapagkat ang kinukuwestiyon na ngayon ng mga Kumakalaban sa Pamamahala at pinararatangan na may katiwalian at anomalya ay ang banal na ordenasyon, ang "gawa ng Diyos." Na pinalalabas ng mga Kumakalaban sa Pamamahala na papayag ang Diyos na mabahiran ng "katiwalian at anomalya" ang Kaniyang "gawa" na Siya ang tuwirang nagpapasiya na iniuudyok lamang Niya sa Pamamahala ng Iglesia. Dito'y hayag na hayag kung sino ang tunay na nasa likod nito na may kagutushang sirain sa mata ng mga tao ang integridad ng banal na ordenasyon.
  

ANG PAYO NG MATANDANG MINISTRO
UKOL SA ORDENASYON

Ang ordenasyon ay hinahangad ng lahat ng mga manggagawa sa Iglesia sapagkat napakataas ng kanilang pagpapahalaga rito. Tama ito, mali na hindi ito hinahangad ng isang manggagawa. Ngunit ang payo nga ng isang tunay na matandang ministro, “Tuparin mo lang ang katungkulan mo, gawin mo lang ang trabaho mo, magtagumpay ka para sa Iglesia at dahil sa pag-ibig sa Iglesia at huwag kang maghangad ng anumang igagantimpala sa pagpapagal o nagawa mo dahil kung mabigo kang matanggap ang inaasahan mo sa iyong ginawang pagpapagal ay tiyak na manghihina ka o papasukin ka ng pagdududa. Ang ordenasyon ay pasiya ng Diyos na iniuudyok Niya sa Pamamahala ng Iglesia, kaya ito ay awa at habag ng Diyos. Kaya napakahalagang magpanata ka at ang iyong sambahayan na magmakaawa ka at hilinging kahabagan ka ng Diyos na masama ka sa ordenasyon.” [Payo ni Kapatid na Pedro D. Briones sa mga regular na manggagawa sa isang pagpupulong]
 


Kaya ang ordenasyon ay batay sa pasiya ng Diyos na iniuudyok Niya sa Pamamahala.


PRISTINE TRUTH


YOU MIGHT ALSO LIKE:



 
 














 

1 comment:

  1. “Tuparin mo lang ang katungkulan mo, gawin mo lang ang trabaho mo, magtagumpay ka para sa Iglesia at dahil sa pag-ibig sa Iglesia at huwag kang maghangad ng anumang igagantimpala sa pagpapagal o nagawa mo dahil kung mabigo kang matanggap ang inaasahan mo sa iyong ginawang pagpapagal ay tiyak na manghihina ka o papasukin ka ng pagdududa. Ang ordenasyon ay pasiya ng Diyos na iniuudyok Niya sa Pamamahala ng Iglesia, kaya ito ay awa at habag ng Diyos. Kaya napakahalagang magpanata ka at ang iyong sambahayan na magmakaawa ka at hilinging kahabagan ka ng Diyos na masama ka sa ordenasyon.” [Payo ni Kapatid na Pedro D. Briones sa mga regular na manggagawa sa isang pagpupulong]

    Napakagandang payo po, di lang po para sa mga kapatid na manggawa kundi sa lahat ng MAYTUNGKULIN sa IGLESIA. Huwag tayo maghangad ng kahit anong gantimpala dito sa lupa, dahil may tunay na gantimpala sa mga tunay na mananampalataya. Salamat po sa Ama, dahil ako po ay IGLESIA NI CRISTO!!

    ReplyDelete

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.