Pages

12 November 2013

Payong Kapatid KUNG PAANO DAPAT HARAPIN ANG MGA PAGSUBOK


HINDI NATIN DAPAT IPAGTAKA ANG MABIBIGAT NA PAGSUBOK SUBALIT ANG DAPAT NATING MALAMAN AY KUNG PAANO NATIN ITO MAIPAGTATAGUMPAY
  
 
 
“Mga minamahal, huwag ninyong pagtakhan at ituring na di pangkaraniwan ang mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikihati sa mga hirap ni Cristo, at magiging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag ang kanyang kadakilaan.” 
(I Pedro 4:12-13 MB)
 
 
Bago natin kamtan ang ipinangako ng Panginoong Diyos na buhay na walang hanggan at pananahanan sa Bayang Banal, kailangang mapatunayan muna natin na tunay at tapat ang ating pananampalataya sa Diyos. Kaya, mayroong hindi maiiwasang maranasan o masagupa sa buhay na ito na kailangang mapagtagumpayan natin. Ipinagpauna ito sa atin para hindi nating ipagtaka o ituring na hindi pangkaraniwan ang nangyayari sa atin kapag dumating ito sa ating buhay. 
 
Alin ang dapat nating asahan na ating masasagupa o kilalaning hindi maiiwasang maranasan sa buhay na ito kaya hindi natin ipinagtataka o itinuturing na hindi pangkaraniwan? 
 
 
ANG HINDI NATIN DAPAT IPAGTAKA O
ITURING NA HINDI PANGKARANIWAN
 
Itinuro ni Apostol Pedro kung alin ang hindi natin maiiwasan na dumating sa ating buhay o ating maransan sa buhay na ito na hindi natin dapat ipagtaka o ituring na hindi pangkaraniwan. Ito ang kaniyang isinulat sa I Pedro 4:12-13:
 
“Mga minamahal, huwag ninyong pagtakhan at ituring na di pangkaraniwan ang mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikihati sa mga hirap ni Cristo, at magiging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag ang kanyang kadakilaan.” (I Pedro 4:12-13 MB)
 
Ang mga mabibigat na pagsubok ay hindi natin dapat ipagtaka na huwag nating ituring na hindi pangkaraniwan. Anupat, asahang tiyak na mararanasan ang mga iyan, na hindi maiiwasang masagupa, na talagang darating sa ating buhay.
 
Dapat nating ituring na pakikihati natin sa hirap ni Cristo ang magtitiis ng mga mabibigat na pagsubok upang sa halip na ikalungkot, ipanglumo o ikahina ng loob ay “ikagalak” pa natin ito. Bakit dapat lang tayong magalak kung nakikihati tayo sa mga paghihirap ni Cristo? Sapagkat malulubos ang ating kagalakan kapag nahayag ang kaniyang kadakilaan sa Kaniyang ikalawang pagparito – sapagkat makikihati rin tayo sa kaniyang karangalan.
 
Samakatuwid, ang pagdaranas ng mga mabibigat na pagsubok ay ipinagpauna na sa atin ng mga apostol na tiyak na darating at hindi natin maiiwasan. Subalit, hndi ba maaari na huwag na tayong dumaan sa mga mabibigat na pagsubok upang hindi na tayo mahirapan?
 
 
KUNG BAKIT KAILANGANG DUMAAN TAYO SA
MGA MABIBIGAT NA PAGSUBOK SA BUHAY
 
Itinuro rin sa atin ni Apostol Pedro kung bakit hindi maiiwasan at kailangang dumaan tayo sa mga mabibigat na pagsubok sa buhay. Ganito ang  kaniyang sinasabi sa I Pedro 1:6-7:
 
“Ito'y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay.  Gayon din naman, ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat.  Sa gayon, kayo'y papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.” (I Pedro 1:6-7 MB)
 
Bakit hindi maiiwasan at kailangang dumaan tayo sa mga mabibigat na pagsubok sa buhay? Sapagkat kailangan ito upang maging dalisay ang ating pananampalataya. Ang ating pananampalataya ay itinulad sa ginto. Ang ginto upang maging dalisay ay pinararaan sa apoy. Ang atin namang pananampalataya ay pinararaan sa pagsubok upang maging dalisay.
 
Kaya, huwag nating isipin na pinararaan tayo sa pagsubok upang pahirapan lamang tayo. Pinararaan tayo sa mabibigat na pagsubok sa buhay para sa ikadadalisay ng ating pananampalataya, kaya para rin sa ating ikabubuti. Ano ba ang kapalaran ng mapatunayan niyang tapat ang kaniyang pananampalataya? Ito ang tiyak nating ikaliligtas. Ang sabi ni Apostol Pedro, “Sa gayon, kayo'y papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.”
 
 
Ang nararapat gawin kung nakararanas
ng mabibigat na pagsubok sa buhay
 
Sapagkat inaasahan na natin na magdaranas tayo ng mabibigat napagsubok habang narito tayo sa mundong ito, ano ang nararapat nating gawin upang tamuhin natin ang pagliligtas at pagpapala ng Diyos? Ganito ang payo sa atin ni Apostol Pedro:
 
“Kaya nga ihanda ninyo ang inyong mga isipan.  Magpakatatag kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo.” (I Pedro 1:13 MB)
 
Umasa tayo sa pagpapalang tatamuhin natin kapag nahayag na ang Panginoong Jesucristo (ang Kaniyang ikalawang pagparito). Lagi nating isaisip na matatapos din ang kahirapan o paghihirap, mawawala rin ang kapghatian at kabagabagan. Ang buhay natin sa mundong ito ay pansamantala lamang, kaya kapag nahayag ang Panginoong Jesus ay tiyak na tiyak na aalisin na Niya ang ating hirap, sakit at kalumbayan.
 
Kaya magpakatatag tayo anuman ang mangyari at dumating pang mga mabibigat na pagsubok sa ating buhay. Sa halip na panghinaan ng loob ay narito ang dapat nating gawin:
 
“Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila; Sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala. Pangako n'yang binitiwa'y iingatan ko nang lubos, Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos…” (Awit 56:3-4 MB)
 
Magtiwala tayo at lubos na umasa sa tulong at pangko ng Diyos, yamang nangako Siya na hindi Niya tayo pababayaan bilang Kaniyang mga hinirang lalong-lalo na sa panahon ng mabibigat na pagsubok. Lagi tayong manalangin at lumapit sa Diyos upang humingi sa Kaniya ng tulong at saklolo. Ang nagpapatuloy sa pagsamba at masiglang paglilingkod sa Diyos ang lubos na nagtitiwala sa Kaniya.
 

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.