Pages

29 May 2018

Tutol ka ba na ang Iglesia Ni Cristo ang ililigtas ni Cristo sa Araw ng Paghuhukom?



TUTOL KA BA SA ARAL NA KAILANGAN ANG PAGPASOK SA IGLESIA NI CRISTO UPANG MALIGTAS?



BAGO ninyo tutulan ang katotohanang itinuturo ng Biblia na kailangan ang pagpasok sa Iglesia Ni Cristo upang maligtas, paki-sagot po muna ang tanong na ito:

“Papaano ka ililigtas ni Cristo nang hindi nalalabag ang batas ng Diyos sa pagpaparusa na nakasulat sa Deuteronomio 24:16 na nagsasaad na ‘bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan’ kung ikaw ay ibang tao kay Cristo sapagkat nasa labas ka ng Iglesia Ni Cristo na Kaniyang katawan?”

Totoo po na may batas ang Diyos sa pagpaparusa na nakasulat sa Banal Na Kasulatan. Ganito ang sinasabi sa atin ng Biblia:

“Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.” (Deuteronomio 24:16)

Sa batas ng Diyos, hindi papatayin ang magulang dahil sa kasalanan ng anak; hindi papatayin ang anak dahil sa kasalanan ng magulang; KUNG SINO ANG NAGKASALA AY SIYA ANG DAPAT MANAGOT SA KANIYANG SARILING KASALANAN. Kaya, hindi payag ang Diyos na patayin ang isa dahil sa iba. Iginalang at sinunod ni Cristo ang batas na ito ng Diyos kaya nga ang sabi Niya:

“Sinabi ko  nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga  kasalanan...” (Juan 8:24)

Kahit pa sabihin na ikaw ang may pinakamalaking pananampalataya sa lahat ng tao, kahit ikaw pa ang pinakamabait na tao, pinakamayaman, pinakamakapangyarihan, sinuman ka, anuman ka, kung ikaw ay ibang tao kay Cristo ay hindi ka maaring panagutan o iligtas ni Cristo sapagkat isinasaad ng batas ng Diyos sa pagpaparusa na “bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan”. Dahil dito, kaya ginawa ni Cristo na katawan Niya ang Kaniyang ililigtas:

“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang  asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efeso 5:23 MB)

Maliwanag na hindi ibang tao kay Cristo ang ililigtas Niya kundi ang Kaniyang katawan. Ang tinutukoy ng Biblia na katawan ni Cristo na Kaniyang ililigtas ay ang Iglesia na tinatawag sunod sa Kaniyang pangalan:

“Magbatian kayo ng banal na halik.  Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16 NPV)

Sapagkat ang Iglesia ay katawan ni Cristo at si Cristo ang ulo ng Iglesia, kaya sa harap ng Diyos silang dalawa ay “isang taong bago”:

“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan.” (Efeso 2:15)

Hindi pananagutan o ililigtas ni Cristo ang wala sa Kaniyang Iglesia sapagkat ang gayon ay ibang tao sa Kaniya. Ang ibang tao sa Kaniya ay hindi Niya maaaring panagutan o iligtas sapagkat lalabag ito sa batas ng Diyos sa pagpaparusa na nagsasaad na “bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.” Kaya, ipinag-utos ni Cristo sa sinumang ibig maligtas na pumasok sa Kaniya:

“Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa  akin, ay siya'y  maliligtas...” (Juan 10:9)

Tandaan na ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang ililigtas ni Cristo sapagkat hindi sila ibang tao sa Kaniya kundi mga sangkap o bahagi ng Kaniyang katawan (ang Iglesia), sa gayon ang pagliligtas ni Cristo sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay hindi lalabag sa batas ng Diyos sa pagpaparusa. Bilang ulo, pananagutan ni Cristo ang Kaniyang katawan, ang Kaniyang Iglesia, kaya nga maliwanag sa Biblia na para sa Iglesia inihandog ni Cristo ang Kaniyang buhay:

“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya.  Inihandog  niya ang kanyang buhay para rito.” (Efeso 5:25 MB)

SAMAKATUWID, TUNAY NA SI CRISTO ANG TAGAPAGLIGTAS, NGUNIT PINATUTUNAYAN DIN NG BIBLIA NA ANG IGLESIA NI CRISTO LAMANG ANG ILILIGTAS NI CRISTO SAPAGKAT ITO LAMANG ANG MAAARING ILIGTAS NI CRISTO NA HINDI NALALABAG ANG BATAS NG DIYOS SA PAGPAPARUSA NA NAKASULAT SA DEUTERONOMIO 24:16. ANG MGA KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO AY HINDI IBANG TAO KAY CRISTO KUNDI SANGKAP NG KANIYANG KATAWAN, ANG IGLESIA.

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.