Pages

27 November 2017

MALI ANG PAGGAMIT NG MGA TIWALAG SA ISAIAS 1:8-9 unang bahagi



Maling Paggamit sa Talata ng Biblia ang ginagawa ng mga tiwalag para lamang palabasin na may hula ng Biblia na tumutukoy sa kanila at taliwas pa sa itinuro ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw




ANG Iglesia Ni Cristo ay sinasampalatayanan natin na pinuspos ng Diyos ng mga hula na nakasulat sa Biblia. Ang mga hulang ito ng Biblia ay hindi basta dinampot lamang natin at sinabing ito ay natupad sa atin, kundi may matibay tayong batayan na ang mga hulang ito ay natupad sa panahon natin, natupad sa atin. Hindi tayo arbitrary o nagbigay lamang ng haka-haka o kuro-kuro at sariling iterpretasyon sa mga hulang ito sapagkat mahigpit ang tagubilin ng mga apostol na:

“Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag.” (II Pedro 1:20)

Ang mga hula ng Biblia na sinasabi nating natupad sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay hindi opinyon o haka-haka, hindi sariling paliwanag lamang natin ang ating naging batayan. Kundi, MAY MATIBAY TAYONG SALIGAN MULA RIN SA MISMONG HULA NG BIBLIA, at may kalakip na patotoo ng kasaysayan. Ang totoo ay may banggit tayo noon pang una na hindi tayo kailanman nag-aangkin ng hula na natupad sa iba (c.f. PASUGO, Oktubre, 1952). Ito ang paraan na itinuro sa atin ng Kapatid na Felix Y. Manalo, ang Sugo ng Diyos sa mga huling araw, at siyang patuloy na itinaguyod ng Kapatid na Erano G. Manalo, at nang kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo.

Halimbawa na lamang ay ang nakasulat sa Isaias 43:5-6. Hindi natin sinasabing ito ay natupad sa atin “dahil kahawig ng mga nakasulat dito ang nangyayari sa ating panahon ngayon.” MATIBAY ANG ATING BATAYAN SA MISMONG TALATA NG BIBLIA kung bakit natin sinasabi na ito ay natupad sa atin – DAHIL BINABANGGIT SA TALATA ANG DAKO AT PANAHON NG PAGLITAW ng hinuhulaang “mga anak ng Diyos.” Malinaw sa talata ang panahon ng katuparan (“mga wakas ng lupa”, c.f. Isa. 43:6 KJV) at ang dako kung saan matutupad ang hula (“malayong silangan”, c.f. Isa. 43:5 Moffat). Ang totoo ay hindi rin tayo lamang ang nagpaliwanag kung kailan ang tinutukoy sa hula na “mga wakas ng lupa” kundi ang Biblia rin ang nagpaliwanag – ang “mga wakas ng lupa” ay sa panahong malapit na ang wakas (c.f. Mat. 24:3 at 33 at 6-7). At ang pagsasabing ang katuparan ng “digmaang aalingawngaw” na palatandaang ang panahon ay nasa “mga wakas ng lupa” na ay ang Unang Digmaang Pandaigdig na sumiklab noong July 27, 1914 ay hindi rin nagmula sa atin kundi may kalakip na matibay na patooo ng mga nagsipagsiyasat sa talata at ng kasaysayan (i.e. Mat. 24:6-7 footnote ng Last Days Bible).


ANG MALING PAGGAMIT NG MGA TIWALAG
SA HULA NG BIBLIA

Sa layunin ng mga tiwalag na maipakitang sila raw ang sa Diyos, gumamit sila ng isang talata ng Biblia para ipakita na may hula ng Biblia na natupad sa kanila. SUBALIT, maling Paggamit sa Talata ng Biblia ang ginagawa ng mga tiwalag para lamang palabasin na may hula ng Biblia na tumutukoy sa kanila, at taliwas pa nga ang kanilang paraan at paliwanag sa talata sa itinuro sa atin ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw. Ang ginamit nilang talata ay ang Isaias 1:8-9. Ganito ang isinasaad sa talata:

“At ang anak na babae ng Sion ay naiwang parang balag sa isang ubasan, parang pahingahan sa halamanan ng mga pepino, parang bayang nakukubkob. Kung hindi nagiwan sa atin ng napakakaunting labi ang Panginoon ng mga hukbo, naging gaya sana tayo ng Sodoma, naging gaya sana tayo ng Gomorra.” (Isaias 1:8-9)

Inilathala sa PASUGO (July 1964 issue) na ang hula na nasa Isaias 1:8-9 ay binanggit din ni Apostol Pablo sa Roma 9:29 at pinatunayan niyang natupad noong unang siglo. Batay din sa paliwanag ni Apostol Pablo, ang “napakakunting nalabi” (c.f. Isa. 1:9) ay siya ring “naiwang isang binhi” (c.f. Roma 9:29),  at ito ay si Cristo at ang mga kay Cristo (Gal. 3:16 at 29). Sila man noon ay lahing Hudio o Gentil, kapag sila ay kay Cristo, kinikilala silang binhi ni Abraham hindi sa laman kundi sa pangako (c.f.Roma 9:8-9). Ayon sa Mateo 16:18, ang kay Cristo ay ang tinawag Niyang “Aking Iglesia”, Ito ang Iglesiang katawan ni Cristo na tinatawag sunod sa pangalan ni Cristo, ang Iglesia Ni Cristo (Col. 1:18; Gawa 4L12; Roma 16:16 NPV).

SUBALIT, Papaano pinalalabas ng mga tiwalag na sila raw ang katuparan ng binabanggit sa talata na “a very small remnant”? Ang tinutukoy daw na “Anak na babae ng Sion” sa talata ay ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw, at iyon daw sinasabi sa talata ay nakakahawig daw sa mga nangyayari sa atin ngayon, kaya muli raw itong natupad sa panahon natin ngayon, at ang konklusyon nila ay sila nga raw ang katuparan ng binabanggit na “napakakaunting labi” na iniwan ng Panginoon. MALIWANAG NA ANG LAHAT AY IBINATAY LAMANG NILA SA KANILANG PALAGAY AT SARILING PAGPAPALIWANAG NA SIYANG MALING PAGGAMIT NG TALATA O HULA NG BIBLIA.

Kung ikukumparang mabuti ang paraan ng pagpapaliwanag ng mga tiwalag sa Isaias 1:8-9, sa paraan ng paguturo ng Kapatid na Felix Y. Manalo sa Isaias 41:9-10, Isaias 43:5-6 at Isaias 46:11-13 ay NAPAKALAKI NG PAGKAKAIBA. Idinaan ng mga tiwalag sa haka-haka, kuro-kuro at sariling pagpapaliwanag, samantalang ang SUGO ay ipinakita sa atin ang panahon at dako na binabanggit sa hula ng Biblia (Isaias 41:9-10, Isaias 43:5-6 at Isaias 46:11-13) bilang katunayan na ito’y natupad sa panahon natin, natupad sa atin.

Ang totoo ay hindi naman kasi maaaring gamitin ng mga tiwalag ang Isaias 1:8-9 na tulad sa paraan na itinuro sa atin ng Sugo dahil maliwanag naman sa talata na HINDI ITO TUMUTUKOY SA PANAHON NATIN. WALANG ANUMANG INDIKASYON SA TALATA NA TUMUTUKOY ITO SA MGA HULING ARAW O SA PANAHON NATIN. Kaya ang tanging magagawa na lamang nila ay ang magbigay ng sariling paliwanag.


ANG “ANAK NA BABAE NG SION” SA ISAIAS 1:8-9

Maliwang na tumutukoy ang talata sa bayang Israel dahil sa banggit na “anak na babae ng Sion.” Totoo na may hula rin si Isaias na binanggit niya ang “anak na babae ng Sion” na ang katuparan ay ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw. Ngunit, dapat muna nating maunawaan na: UNA, hindi natin kailanman itinuro na basta “anak na babae ng Sion” ay tumutukoy na sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw; at IKALAWA, malaki ang pagkakaiba ng Isaias 62:11 kaysa Isaias 1:8-9. Ganito ang isinasaad ng Isaias 62:11:

“The LORD has made proclamation to the ends of the earth: "Say to the Daughter of Zion, 'See, your Savior comes! See, his reward is with him, and his recompense accompanies him.”  (Isaiah 62:11 NIV)

Pansinin na kaya natin sinasabi na ang talatang ito ay natupad sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay hindi dahil lamang sa banggit na “anak na babae ng Sion”, kundi dahil sa binanggit din ang PANAHON- “to the ends of the earth” (“sa mga wakas ng lupa”). Ganito rin ang Isaias 41:9-10 at Isaias 43:5-6 na PAWANG BINANGGIT NG BIBLIA ANG PANAHON KUNG KAILAN ITO MATUTUPAD – sa mga wakas ng lupa o sa mga huling araw.

Samantalang ang Isaias 1:8-9 ay walang anumang indikasyon sa talata na ito ay tumutukoy  sa panahon natin, at lalong wala rin sa talata na nagsasabing may “double fulfilment” ito o muling matutupad sa panahon natin. ITO AY BATAY LAMANG SA OPINYON NILA at sinasalungat pa nila ang una nang pagtuturo ng Kapatid na Felix Y. Manalo patungkol sa Isaias 1:8-9 na ang “anak nababae ng Sion” dito ay tumutukoy sa Israel mismo at ang “nalabing kakaunti” ay siya ring “naiwang isang binhi” na ito ay si Cristo at ang mga kay Cristo.
________________________________________

Para sa lalo pang malalim na pagtalakay ukol sa ekspresyong “Anak na Babae g Sion” ay basahin ang artikulong ito:
________________________________________


ANG HULA NG BIBLIA NA TUNAY
NA NATUPAD SA MGA TIWALAG

Ang totoo ay bakit pa kasi maghahanap sila ng “iba” samantalang mayroon naman talagang hula ng Biblia na natupad sa kanila na malinaw sa mga talatang ito na mangyayari ito sa mga huling araw sa panahon natin at sila nga ang katuparan. Ito ang nakasuat sa Judas 1:17-18 at I Juan 2:18-19:

“Samantalang para sa inyo, mga minamahal, alalahanin [ninyo] ang mga pahayag na sinalita nang una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo, kung paano nila sabihin noon sa inyo [na]: Sa huling panahon magkakaroon ng mga manlilibak na sinusunod ang sarili nilang mga paghahangad sa mga bagay na laban sa Diyos.” (Judas 1:17-18 NWT2013, salin sa Pilipino)

“Mga anak, malapit na ang wakas!  Tulad ng narinig ninyo, darating ang anti-Cristo.  Ngayon nga'y marami nang lumitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. Bagamat sila'y dating kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang mga taong iyon.  Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin.  Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin.” (I Juan 2:18-19 MB

Pakinggan ang pagtuturo ni Kapatid na Erano G. Manalo ukol sa I Juan 2:18-19


ABANGAN ANG MGA SUSUNOD NA ARTIKULO:

“Prohecy” daw ay “pattern” ayon sa mga tiwalag
Alin ang tinutukoy na “dual fulfilment?
Sagot sa ikinakatuwiran nila kaya raw hindi itinuro ng Sugo
Itinuro nga ba ng Ka Erdy ang itinuturo ngayon ng mga tiwalag
Ang Huling gawaing pagliligtas  
 



No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.