Pages

30 October 2017

Ang Pananatili sa Kaligtasan ay Manatili sa Pakikiisa sa Pamamahala



ANG PANANATILI SA KALIGTASAN AY MANATILI SA PAKIKIISA SA PAMAMAHALA NG IGLESIA



 ANG artikulong ito ay batay sa leksiyon na inihanay ni Kapatid na Erano G. Manalo noong siya’y nabubuhay pa na may pamagat na “Ang Nananatili sa Kaligtasan, Dapat Makipagkaisa sa Pamamahala” na itinuro sa pagsamba noong Enero 22, 1995. Sa paksa pa lamang ay kitang-kita na ang layunin ni Kapatid na Erano G. Manalo sa paghahanay sa leksiyon ito: ang hikayatin ang buong Iglesia na patuloy na makiisa sa Pamamahala ng Iglesia sapagkat may malaking kinalaman ito sa pananatili sa kaligtasan. Ito ay hindi salig sa opinyon o kagustuhan lamang ng sinuman, kundi ito ay salig sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Ganito ang mababasa natin sa Efeso 4:3:

“Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan.” (Efe. 4:3)

Maliwanag na hinihikayat ang mga hinirang na “pagsakitan” (isang salita na nangangahulugang hindi lamang gawin ang lahat ng magagawa, kundi magsakripisyo, maghirap at mamuhunan) ang “pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan.” Ang tinutukoy na “Espiritu” ay ang Diyos (Juan 4:24). Samakatuwid, utos ng Diyos at itinuro ng Kapatid na EraƱo G. Manalo na dapat pagsakitan (magsakripisyo, maghirap at mamuhunan) ang pakikipagkaisa sa Diyos.

Maaari ba na maging kaisa ng Diyos
ang nasa labas ng Iglesia?

Magagawa ba ng isang tao na maging kaisa ng Diyos kung siya ay nasa labas o tiwalag sa Iglesia? Pansinin natin ang sinabi ni Apostol Pablo na “pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu SA TALI NG KAPAYAPAAN.” Ang tinutukoy na “kapayapaan” ay ang binabanggit din ni Apostol Pablo na “kapayapaan ni Cristo” (Col. 3:15), na ito ang kapayapaan na ating natamo sa pamamagitan ng “dugo ng Kaniyang krus” (Colosas 1:21-22 at 20).

Ang tao kasi ay nahiwalay sa Diyos at itinuring ng Diyos na Kaniyang kaaway dahil sa kasalanan (Isaias 59:2). Ang sabi nga ni Apostol Pablo ay, “nang nakaraang panahon  ay  nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama” (Colosas 1:21). Dahil dito, kailangan ng tao ang makipagkasundo sa Diyos o magkaroon ng kapayapaan sa Diyos, na ito ang “kapayapaan ni Cristo” o ang “kapayapaan” na dulot ng kamatayan ni Cristo sa krus o ng ginawa Niyang pagtubos. Maliwanag sa Biblia na ang tinubos ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa).

Kaya, ang pagsasakit na maingatan ang pakikipagkaisa sa Diyos ay pagsasakit din na manatili sa “tali ng kapayapaan” o manatiling Iglesia Ni Cristo. Samakatuwid, hindi magagawa ng tao ang pakikipagkaisa sa Diyos o hinding-hindi magiging kaisa ng Diyos ang nasa labas o tiwalag sa Iglesia Ni Cristo.

Papaano ang Pakikipagkaisa sa Diyos?

Si Apostol Juan naman ang nagpaliwanag nito. Ganito ang kaniyang pahayag sa I Juan 1:3:

“Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.”

Kung papaano ang pakikisa sa Diyos, ayon kay Apostol Juan dapat tayong makisama sa may pakikiisa sa Ama. Ang tinutukoy ni Apostol Juan na sa kanila dapat makiisa o makisama upang magkaroon ng pakikiisa o pakikisama sa Ama ay ang pinagkatiwalaan ng salita ng pagkakasundo (II Corinto 5:18-20), na ito ang Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia:

“Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa  inyo upang maipahayag  ang salita ng Dios.” (Colosas 1:25)

Samakatuwid, ang pakikipagkaisa sa Diyos ay ang pakikisa sa Pamamahala sapagkat ang Pamamahala ang inilagay ng Diyos sa Iglesia upang magpahayag ng Kaniyang salita at kalooban.

Ano ang kapalaran ng susunod at
ano ang sasapit sa ayaw makinig?

Maliwanag ang pahayag sa atin ng Panginoong Jesus na ang naitatakuwil ng ayaw makiisa sa binigyan ng katungkulang magpahayag ng salita ng Diyos ay ang Diyos at si Cristo ang naitatakuwil:

“Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil: at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.” (Lukas 10:16)

Kaya, hinding-hindi maaaring maging kaisa ng Diyos at ng Panginoong Jesus ang mga tiwalag sa Iglesia lalo na ang mga lumalaban pa sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia. Sa kabilang dako, ano ang kapalaran ng lubos ang pakikisa at pagsunod?

“Kaya nga, mga minamahal, higit na kailangang maging masunurin kayo ngayon kaysa noong kasama ninyo ako.  May takot at panginginig na magpatuloy kayo sa paggawa hanggang sa malubos ang inyong kaligtasan.” (Filipos 2:12 MB)

Samakatuwid, tunay na upang manatili sa kaligtasan ay dapat na makiisang lubos sa Pamamahala na iniligay ng Diyos sa Iglesia.

ANG BUONG IGLESIA AY PATULOY NA MAKIKIISANG LUBOS SA KASALUKUYANG PAMAMAHALA NG IGLESIA SAPAGKAT ITO ANG KALOOBAN NG DIYOS NA DAPAT MATUPAD UPANG MANATILI TAYONG KAISA NG DIYOS  AT MANATILI SA KALIGTASAN.

LAGI KAMING KAISA NG KAPATID NA EDUARDO V. MANALO

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.