Pages

16 January 2017

Ang Itinuturo ni Jesus na Pakinggan ay ang "Kapiling" Natin na Itinalagang Magturo



ANG ITINUTURO NG PANGINOONG JESUS NA DAPAT NATING PAKINGGAN AY ANG “KAPILING” NATIN NA ITINALAGANG MAGTURO NG SALITA NG DIYOS



NOON ang Panginoong Jesus ay narito pa sa lupa ay nagturo Siya sa mga tao sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng TALINHAGA. Ito ay isang paraan ng pagtuturo na ang pinakalayunin ay magbigay ng aral (“lesson”) at hindi dapat unawain ng literal. Ang bawat talinhaga ng ating Panginoong Jesus ay nagbibigay ng aral o leksiyon na dapat nating maunawaan at matutuhan. Ang isa sa pinakakilalang talinhaga ng ating Panginoong Jesus ay “ang talinhaga ukol sa isang mayaman at si Lazaro.” Ganito ang isinasaad ng talinhagang ito:

“May isang lalaking mayaman, na nagdaramit ng purpura at pinong lino, at napakaluho sa lahat ng bagay. At nakahandusay sa may tarangkahan ng kanyang bahay ang isang pulubi na ang pangala'y Lazaro; lipos siya ng sugat. Naghahangad siya ng pagkain kahit ng mga mumong nahuhulog mula sa mesa ng mayaman. Nilalapitan siya ng mga aso, at hinihimuran ang kanyang mga sugat. ‘Dumating ang panahong namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa impiyerno, tumingala ang mayaman at nakita sa malayo si Abraham at sa kanyang piling ay naroon si Lazaro. Kaya tumawag siya, "Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na itubog sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat nahihirapan ako sa apoy na ito.' ‘Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, 'Anak, alalahanin mong tumanggap ka na ng mabubuting bagay sa buong buhay mo, samantalang masasamang bagay ang tinanggap ni Lazaro. Kaya si Lazaro ay inaaliw ngayon at ikaw naman ay nagdurusa. Higit dito, sa pagitan natin ay may malaking bangin, anupat hindi na makapupunta riyan ang narini, at hindi na makapupunta rini ang nariyan. “At sinabi ng mayaman, 'Kung gayon po, amang Abraham, ipinakikiusap ko po kung maaari, suguin ninyo si Lazaro sa tahanan ng aking ama, sapagkat mayroon akong limang kapatid na lalaki.  Papuntahin po ninyo at balaan sila, nang di na sila humantong sa lugar na ito ng pagdurusa.' ‘Sumagot si Abraham, 'Nasa kanila sina Moises at ang mga Propeta; sa kanila sila makinig.' ‘'Hindi, amang Abraham,' sabi niya, kung may isang namatay na pupunta sa kanila, magsisisi sila.' ‘Sinabi ni Abraham, 'Kung hindi nila pakikinggan sina Moises at ang mga Propeta hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay ay muling nabuhay.” (Lukas 16:19-31 NPV)

Binabanggit sa talinhagang ito ang isang pulubi na nagngangalang Lazaro at isang mayaman. Kapuwa sila namatay. Ang pulubi ay dinala sa piling ni Abraham, samantalang ang mayaman ay nasa pagdurusa. Subalit, gaya ng ating nabanggit, hindi dapat tanggapin at unawaing literal ang isang talinhaga. Hindi ang itinuturo rito ay “agad pagkamatay ay  tatanggapin ng tao ang kaniyang kagantihan” sapagkat maliwanag sa Biblia na sa Ikalawang Pagparito pa ni Cristo tatanggap ang tao ng kaniyang kagantihan (I Tes. 4:16-17; II Ped. 3:10 at 7).

Ang pinaka-leksiyon na itinuturo ng talinhagang ito ay ang nasa huling bahagi. Sinabi ng mayaman kay Abraham, “amang Abraham, ipinakikiusap ko po kung maaari, suguin ninyo si Lazaro sa tahanan ng aking ama, sapagkat mayroon akong limang kapatid na lalaki. Papuntahin po ninyo at balaan sila, nang di na sila humantong sa lugar na ito ng pagdurusa.” Subalit, sumagot si Abraham na, “NASA KANILA sina Moises at ang mga Propeta; sa KANILA SILA MAKINIG.” DITO AY IPINAKIKITA LAMANG NG ATING PANGINOONG JESUS NA ANG DAPAT PAKINGGAN NG TAO AY ANG KAPILING NATIN NA ITINALAGANG MANGARAL SA ATIN NG SALITA NG DIYOS.

Maliwanag ang pagtuturo ng Panginoong Jesus sa talinhagang Kaniyang isinalaysay na ang dapat pakinggan ng tao ay kung sino ang sa kaniyang panahon na itinalagang magturo ng mga salita ng Diyos. Ang Panginoong Jesus mismo ang nagturo ng kahalagahan ng pakikinig sa itinalagang magturo ng mga salita ng Diyos:

“Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil: at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.” (Lukas 10:16)

Ang nakikinig sa kanila ay kay Cristo nakikinig, ngunit ang nagtatakuwil sa kanila ay si Cristo at ang Diyos ang itinatakuwil. Ang tinutukoy ng Panginoong Jesus ay ang Katiwala ng salita ng Diyos:

“Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo; Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo. Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios. II Corinto 5:18-20

Sumasampalataya tayo na ang Sugo ng Diyos sa mga huling araw ay ang Kapatid na Felix Y. Manalo. Subalit, pinapagpahinga na ng Diyos ang Kaniyang Sugo. Sa kabila nito ay mayroon pa ring itinalaga ang Diyos na magturo sa atin ng Kaniyang salita - ang Pamamahala na Kaniyang inilagay sa Iglesia:

“Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa  inyo upang maipahayag  ang salita ng Dios.” (Colosas 1:25)

Tandaan na maliwanag na itinuro ng Panginoong Jesus na ang dapat pakinggan ay ang napapanahon o ang kapiling natin na itinalagang magturo ng salita ng Diyos. Ang sabi sa Kaniyang talinhaga, “NASA KANILA sina Moises at ang mga Propeta; SA KANILA SILA MAKINIG.” Kung sino ngayon ang “nasa atin” o “kapiling natin ay iyon ang ating pakinggan. Kaya, maliwanag na ang kasalukuyang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang dapat nating pakinggan ngayon sapagkat sa kanila ibinigay ng Diyos ang Pamamahala upang magpahayag ng Kaniyang salita sa mga tao. Hindi ito kapanatikuhan sapagkat ito ang maliwanag na itinuturo ng Panginoong Jesucristo.

Sumagot ang mayaman sa sinabi ni Abraham na, “Hindi, amang Abraham, kung may isang namatay na pupunta sa kanila, magsisisi sila.” Subalit, sinagot sila na, “Kung hindi nila pakikinggan sina Moises at ang mga Propeta hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay ay muling nabuhay.”

ANG KAPATID NA EDUARDO V. MANALO ANG KAPILING NATIN NGAYON O ANG “NASA ATIN” NGAYON, ANG KASALUKUYANG PAMAMAHALA NA INILAGAY NG DIYOS SA IGLESIA, KAYA SA KANIYA TAYO DAPAT MAKINIG AT UMUGNAY SAPAGKAT SIYA ANG ITINALAGA NGAYON NA MAGBALITA SA ATIN NG KALOOBAN NG DIYOS. ANG PAKIKISAMA SA ITINALAGANG MAGBALITA AY PAKIKISAMA AT PAKIKIISA SA DIYOS (SA AMA) AT KAY CRISTO (SA ANAK). Ito ang pinarurunayan sa atin ni Apostol Juan:

“Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.” (I Juan 1:3)

Kaya, kung papaanong nakinig at nakiisa tayo sa Kapatid na Felix Y. Manalo, nakinig at nakiisa tayo kay Kapatid na Erano G. Manalo, ganon din, dapat lamang na patuloy tayong makinig at makiisa sa kasalukuyang Namamahala sa Iglesia, kay Kapatid na Eduardo V. Manalo, upang manatili ang pakiisa at pakikisama natin sa Diyos at kay Cristo.

ANG TUNAY NA IGLESIA N ICRISTO AY MAKIKISAMA AT MAKIKIISA SA PAMAMAHALA NG IGLESIA SA PAGTATAGUYOD NG LAHAT NG IKAPAGTATAGUMPAY NG GAWAIN NG GLESIA.

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.