Pages

07 May 2016

Ang Isa pang Ibinabala ni Kapatid na Erano G. Manalo - Babangon ang "palalo" na igigiit ang sarili na maging lider o mamahala sa Iglesia



ANG ISA PANG IBINABALA NI KAPATID NA ERAÑO G. MANALO




MAYROONG PALALONG AYAW KUMILALA AT LUMABAN PA SA PAMAMAHALA SAPAGKAT NAIS NIYANG IPAGGITGITAN ANG KANIYANG SARILI BILANG LIDER O NAIS NIYANG MAMAHALA RIN AYON SA ISANG LEKTURA NI KAPATID NA
ERAÑO G. MANALO


TUNAY na ang Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia ay puspos ng Espiritu Santo at may gabay ng Panginoong Diyos. Nang nabubuhay pa ang Kapatid na Eraño G. Manalo ay ibinabala na niya na maaaring magkaroon ng krisis sa liderato ng Iglesia dahil sa pagbangon ng mga “palalo” na ayaw kumilala sa Pamamahala ng Iglesia at kakalaban pa sapagkat ang nais nila ay ipaggitgitan ang kanilang sarili na maging lider o sila ang mamahala sa Iglesia. Ganito ang naging pahayag ng Kapatid na Eraño G. Manalo sa kaniyang naging lektura noong Oktubre 14, 1998:

Gaano kasama ang hindi pagpapasakop sa Pamamahala? Mayroon bang taong binabanggit sa Biblia na bagaman kinakatulong noon ng mga apostol, gayunman ay nagtaglay ng ibang isipan o ibang diwa kaysa sa pinag-uusapan natin dito? Huwag sanang matagpuan sa kaninumang ministro, maytungkulin, o kapatid ang katulad ng binabanggit sa III Juan 1:9-10, 11 TLB:

            “Nagpadala ako ng maikling sulat sa iglesia tungkol dito, ngunit ang palalong si Diotrefes na gustung-gustong ipaggitgitan ang kaniyang sarili bilang lider ng mga Cristiano roon ay hindi kinikilala ang aking kapamahalaan sa kaniya at tumatangging makinig sa akin.” (talatang 9)

Sa panahon ng mga apostol ay mayroon ding ayaw kumilala sa Pamamahala, si Diotrefes. Sapagkat ang gusto niya’y mamahala rin siya. Kung may patakaran daw si Apostol Juan, mayroon din siya. Kaya, gustung-gusto niyang ipaggitgitan ang kaniyang sarili bilang lider. Ang sabi ni Apostol Juan:

            “Kapag ako’y dumating, sasabihin ko sa inyo ang ilan sa mga bagay na kaniyang ginagawa at ang mga masasamang sinasabi niya tungkol sa akin at ang mga salitang mapanlait na kaniyang ginagamit. Hindi lamang siya tumatangging malugod na tanggapin ang mga manlalakbay-misyonaryo, kundi sinasabi rin sa iba na huwag silang tanggapin. At kapag tinanggap nila, sinisikap niyang itiwalag sila sa iglesia.” (talatang 10)

Si Diotrefes ay naninira at nagsasalita ng laban sa pamamahala. Hinahadlangan at sinasansala niya ang mga utos na galing kay Apostol Juan. Ayaw niyang kilalanin ang mga ipinadadala ni Apostol Juan na mga taong kailangang gamitin sa Iglesia.
Awa ng Diyos ay wala pang ganiyan sa Iglesia ni Cristo ngayon. Ngunit sinasabi natin ngayon pa na kung magkakaroon ay si Diotrefes ang katulad niya. Ganito pa ang sabi ni Apostol Juan:

            “Minamahal na kaibigan, huwag mong hayaang makaimpluwensiya sa iyo ang masamang halimbawang ito. Sundin mo kung alin lamang ang mabuti. Tandaan mo, na napatutunayan ng mga gumagawa ng matuwid na sila’y mga anak ng Diyos at napatutunayan ng mga nagpapatuloy sa kasamaan na sila’y malayo sa Diyos.” (talatang 11)

Ang sumusunod ay hindi nagiging alipin ng taong namamahala. Ayon kay Apostol Juan, kapag ikaw ay sumunod, napatutunayan mong ikaw ay anak ng Diyos; kapag hindi ka sumunod at nagpatuloy ka sa masamang espiritung iyan, napatutunayan mo namang ikaw ay malayo sa Diyos. Hindi ko sinasabi ito upang itanghal at itaas sa inyo ang Pamamahala kundi, gaya ng sinabi ko kanina, ang pinakamalubhang krisis sa mundo ngayon ay ang krisis sa liderato, at ito’y huwag nating payagang mangyari sa Iglesia. Sundin natin ang mga patakarang inilagda ng Diyos.

Ayon sa pagtuturo ni Kapatid na Eraño G. Manalo, si Diotrefes ay ayaw kumilala sa Pamamahala ng Iglesia at kinalaban pa. Kaya, hindi maaaring baliktarin ito ng mga kumakalaban ngayon sa Pamamahala na sabihin na ang “Diotrefes ngayon ay ang kasalukuyang Pamamahala” sapagkat ang “Diotrefes” na ito ay ayaw kumilala at lumalaban sa nakatatag (established) na Pamamahala sa Iglesia. Siya, na hindi naman namamahala sa Iglesia ay nais na ipaggitgitan ang kaniyang sarili na maging lider ng mga Cristiano o siya ang mamahala sa Iglesia.

Kaya, ang sinuman ngayon na ayaw kumilala at kumakalaban sa Pamamahala ng Iglesia, at nais pang ipaggitgitan ang kanilang sarili na sila ang mamahala sa Iglesia ang nakakatulad ni “Diotrefes” na ayon kay Apostol Juan ay isang “palalo.” Ang sabi nga ni Kapatid na Eraño G. Manalo noong nabubuhay pa ay: “Sa awa ng Diyos ay wala pang ganiyang sa Iglesia ni Cristo ngayon. Ngunit sinasabi natin ngayon pa na KUNG MAGKAKAROON AY SI DIOTREFES ANG KATULAD NIYA.”

SAMAKATUWID, NOONG NABUBUHAY PA ANG KAPATID NA ERAÑO G. MANALO AY IBINABALA NA NIYA NA MAAARING MAGKAROON NG KATULAD NI DIOTREFES.

Anu-ano ang kasamaan na ginawa ng Diotrefes na ito:

(1)   Ipinaggigitgitan ang sarili na bilang lider ng mga Cristiano o nais na siya ang mamahala sa Iglesia;
(2)   Hindi kinikilala ang Pamamahala ng Iglesia;
(3)   Tumatangging makinig sa Pamamahala ng Iglesia;
(4)   Gumagawa at nagsasalita ng masama laban sa Pamamahala;
(5)   Nilalait pa ang Pamamahala ng Iglesia;
(6)   Hindi lamang ang Pamamahala ng Iglesia ang tinanggihang kilalanin,  ginagawan at nagsasalita ng masama, kundi ang mga katulong ng Pamamahala sa Iglesia;
(7)   Tinuturuan ang mga kapatid na huwag tanggapin ang mga katulong ng Pamamahala sa Iglesia;
(8)   Hinihikayat ang mga kapatid na huwag tanggapin at lumaban sa Pamamahala kahit pa sila’y “matiwalag” sa Iglesia.

KAYA, ang mga gumagawa nito ngayon ang katulad ni Diotrefes. Sa panahon natin ngayon, gaya din ng ibinabala ng Kapatid na Eraño G. Manalo, ang mga gumagawa nito at nakakatulad ni Diotrefes ay ang mga “TIWALAG” na katuparan ng ibinabala rin ni Apostol Juan na “MGA ANTICRISTO NA LILITAW BAGO ANG WAKAS”:

“Mga anak, malapit na ang wakas!  Tulad ng narinig ninyo, darating ang anti-Cristo.  Ngayon nga'y marami nang lumitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. Bagamat sila'y dating kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang mga taong iyon.  Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin.  Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin.” (I Juan 2:18-19 MB)

Tunay na ibinabala sa atin ng Banal Na Kasulatan na bago ang wakas ay lilitaw ang mga Anticristo na mga dati nating kasamahan sa Iglesia na magsisikap na mahikayat at maitalikod sa Iglesia ang mga hinirang. Kaya, lagi nating alalahanin ang paala-ala sa atin ni Kapatid na Eraño G. Manalo na:

“Mag-ingat kayo mga kapatid, baka kayo ay madaya.”


THE IGLESIA NI CRISTO
facebook.com/TheIglesiaNiCristo     theiglesianicristo.blogspot.com
 


No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.