Pages

23 April 2016

SAGOT SA TANONG NA "Natalikod na ang Iglesia Ni Cristo ngayon kaya kailangan daw nilang i-restorasyon"


Sagot sa mga Tanong, Paratang at Paninira
sa Iglesia Ni Cristo
009
 
Tanong:

“Natalikod na ang Iglesia Ni Cristo ngayon kaya kami ay bumangon para sa restorasyon ng tunay na Iglesia (Restore the Church).”

 
Sagot:


ANG batayan ng mga tiwalag na lumaban sa Pamamahala ng Iglesia sa pag-aangkin na ang kanilang “paglaban” sa kasalukuyang Pamamahala ay diunabo’y “sa Diyos” ay dahil sa “natalikod” na raw ang Iglesia ni Cristo ngayon.

Batid natin ang kahulugan ng salitang “pagtalikod” na sa Ingles ay “apostasy.” Ang “pagtalikod” ay ang pag-iwan, pagsalungat at paglaban sa aral na pinanghahawakan nang una. Kaya, ang sinasabi ng mga tiwalag ngayon na lumalaban sa kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia na “natalikod ngayon ang Iglesia Ni Cristo” ay iniwan, sumalungat at lumaban sa mga aral ng Biblia na itinuro ni Kapatid na Felix Y. Manalo (ang sinasampalatayanan ng Iglesia Ni Cristo na Sugo ng Diyos sa mga huling araw) at ng Kapatid na Eraño G. Manalo (ang ang ikalawang naging Tagapamahalang Pangkalahatan sa Iglesia Ni Cristo).

SUBALIT, ALAM BA NINYO NA ANG MGA PAGSASABING “ANG IGLESIA NI CRISTO NGAYON AY NATALIKOD” ANG TUNAY NA PAGTALIKOD – PAG-IWAN, PAGSALUNGAT AT PAGLABAN SA ARAL NG BIBLIA NA ITINURO NI KAPATID NA FELIX Y. MANALO AT KAPATID NA ERAÑO G. MANALO? ANG MGA NAGSASABING ANG IGLESIA NI CRISTO NGAYON AY NATALIKOD AY ANG MGA TUNAY NA NATALIKOD.


TINALIKURAN NILA ANG ARAL NG IGLESIA NI CRISTO NA
“HINDI NA MATATALIKOD ANG IGLESIA NI CRISTO
SA MGA HULING ARAW”

Maliwanag sa buong Iglesia mula sa mga unang kaanib hanggang sa panahon natin ngayon na itinuro ni Kapatid na Felix Y. Manalo at ni Kapatid na Eraño G. Manalo na ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay hindi na matatalikod at bagkus ay siyang aabutan ng ikalawang pagparito ng ating Panginoong Jesucristo. Paulit-ulit na binabasa sa atin sa mga pagsamba noon at ngayon ang talatang ito na nagpapatunay na hindi na matatalikod ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw:

Apocalipsis 14:9-11
“At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.”

Ang talatang ito ay “hula” (propesiya) ng Banal Na Kasulatan ukol sa Ikatlong Anghel. Ang salitang “anghel” ay nangangahulugang “messenger” o “sugo.” Pansinin ang pagkakasalin ng APOCALIPSIS 14:9 SA Young’s Literal Translation:

Apocalipsis 14:9 YLT
“And a third messenger did follow them, saying in a great voice, `If any one the beast doth bow before, and his image, and doth receive a mark upon his forehead, or upon his hand.”

Natitiyak natin na ito ay natupad sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw dahil binanggit din ng Biblia ang panahon ng “gawain ng ikatlong anghel” – sa panahon na ang kasunod ay ang “paggapas” o “pag-aani” na. Ganito ang mababasa sa mga kasunod na talata:

Apocalipsis 14:14-15
“At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo'y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas. At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka't dumating ang oras ng paggapas, sapagka't ang aanihin sa lupa ay hinog na.”

Ang tinutukoy ng Banal Na Kasulatan na “paggapas” o “pag-aani” ay ang “katapusan ng sanlibutan”:

Mateo 13:39
“At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga angnel.”

Ang “katapusan ng sanlibutan” ay ang “Ikalawang Pagparito ni Cristo” (cf. Mateo 24:3), na ito rin ang “Araw ng Paghuhukom” (cf. II Pedro 3:7 at 10). Samakatuwid, ang kasunod na magaganap sa “gawain ng ikatlong anghel” ay ang “katapusan ng sanlibutan” o ang Ikalawang Pagparito ni Cristo na siya ring Araw ng Paghuhukom. Kaya, ang katuparan ng Apocalipsis 14:9-11 ay ang gawaing itinaguyod ni Kapatid na Felix Y. Manalo o ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw. Maliwanag din na pinatutunayan dito ng Banal Na Kasulatan na ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ang dadatnan ng Ikalawang Pagparito ni Cristo o ng Araw ng Paghuhukom. Ano ang uri ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw na daratnan ng Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo? Itinuro din sa atin ng Banal Na Kasulatan:

Apocalipsis 14:12-13 MB
“Kaya't kailangang magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos at nananatili sa pananalig kay Jesus. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, ‘Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!’ ‘Tunay nga,’ sabi ng Espiritu.  "Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”

May aabutang “matatag sa kanilang pagkahirang”, sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatili sa pananalig kay Jesus.” Ang pagkahirang ay ang pagkaka-Iglesia Ni Cristo, KAYA MATATAG NA IGLESIA NI CRISTO (tiyak na ang tinutukoy ay ang mga nanatili sa loob ng Iglesia Ni Cristo at hindi ang mga tiwalag).
Ito ang katangian ng Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw na daratnan ng Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo.

Samakatuwid, maliwang sa pagtuturo ng Banal Na Kasulatan na hindi na matatalikod pa ang Iglesia Ni Cristo bagkus ay mananatili sa pagsunod sa Diyos at sa pagkahirang hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Cristo. Kung bakit lalo pa nating atitiyak na hindi na matatalikod ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay ganito ang sagot sa atin sa isa pang hula ng Biblia:

Isaias 62:11-12
“Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya. At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.”

Ang hinuhulaan sa talata ay pinatutunayan ng Biblia na itinanyag ng Panginoon HANGGANG SA WAKAS NG LUPA. Kaya natitiyak natin na hindi ito ang Bayang Israel at ang unang Iglesia Ni Cristo sapagkat sila’y natalikod at hindi umabot sa “wakas ng lupa.” Subalit, ang hinuhulaan ay itinanyag hanggang sa wakas ng lupa kaya isang katibayan na ang katuparan ng hula ay ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw at matibay din na pinatutunayang ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay hindi na matatalikod sapagkat siyang ITATANYAG NG PANGINOON HANGGANG SA WAKAS. Kung papaano itatanyag ng Panginoon hanggang sa wakas ay sa pamamagitan ng pangako ng Diyos sa kaniya na siya’y “Bayang hindi pinabayaan.”

Saksing buhay ang mga kapatid sa Iglesia mula sa panahon ng Sugo hanggang sa kasalukuyan na ang aral na ito ng Banal Na Kasulatan ay itinuro at patuloy na pinanghahawakan ng Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw.

KAYA, KUNG ITINURO NI KAPATID NA FELIX  Y. MANALO AT NG KAPATID NA ERAÑO G. MANALO NA ANG IGLESIA NI CRISTO SA KABUUAN AY HINDI NA MATATALIKOD BAGKUS AY AABUTAN NA NG IKALAWANG PAGPARITO NI CRISTO, KAYA ANG MGA NAGSASABI AT NAGTUTURO NA NATALIKOD DAW ANG IGLESIA NI CRISTO NGAYON, SILA ANG TUNAY NA TUMALIKOD – ANG NAG-IWAN, SUMALUNGAT AT LUMABAN SA ARAL NG BIBLIA NA ITINURO NG SUGO AT NG PAMAMAHALA NG IGLESIA.

Kung isang malaking kamalian at pagsalungat sa aral ng Biblia ang sinasabi ngayon ng mga tiwalag na “natalikod ang Iglesia Ni Cristo sa kasalukuyan”, kaya isa ring malaking kamalian ang sinasabi nilang “Restore the Church” sapagkat nasasalig sa isang mali at talikod na paniniwala.

Samakatuwid, ang mismong sinasabi ng mga tiwalag ngayon ang siyang matibay na nagpapatotoo na sila ang tunay na “tumalikod.”

Marami pang mga aral ng Biblia na itinuro ng Sugo at ng Pamamahala ng Iglesia ang ipakikita nating tinalikuran ng mga tiwalag na lumalaban ngayon sa Pamamahala ng Iglesia.


THE IGLESIA NI CRISTO
Facebook.com/TheIglesiaNiCristo     theiglesianicristo.blogspot.com
Sagot sa Tanong, Pagtuligsa at Paninira sa Iglesia Ni Cristo
PART 009

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.