Pages

27 August 2014

Malinis ang Aming Layunin sa Pagbubunyag ng Kamalian ng Iglesia Katolika


Ang Pagbubunyag sa Iglesia Katolika
Unang Bahagi

MALINIS ANG AMING LAYUNIN
SA PAGBUBUNYAG SA
IGLESIA KATOLIKA

IBINUBUNYAG NAMIN ANG KAMALIAN NG IBA UPANG ANG TAO’Y MAKARATING SA KATOTOHANAN NA ITINUTURO NG BANAL NA KASULATAN



ANG IBINUBUNYAG NAMIN ay ang KAMALIAN ng iba – ibinubunyag namin na ang kanilang mga aral at gawain ay wala sa Biblia at sumasalungat pa sa mga aral na nakasulat sa Banal Na Kasulatan.

Ang pagbubunyag naming ito ay minamasama ng iba na pinararatangang “paninitra,” “pag-atake,” at “pagtuligsa” lamang sa iba. Kaya ang karaniwang makikitang reaksiyon ng iba ay ang magdamdam, magalit, at karinggan ng sari-saring masasamang salita laban sa mga ministro  at maging sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Sinasabi naman ng iba na dapat sana’y manatili na lamang daw ang mga ministro ng Iglesia Ni Cristo na ang ituro ay ang kanilang paniniwala lamang at iwasan na ang pagbanggit o pagtalakay sa ibang pananampalataya.

Ang totoo, ang pinakadahilan ng lahat ng mga ito ay ang hindi nila pagkaunawa sa layunin ng Iglesia Ni Cristo sa pagbubunyag sa kamalian ng iba’t ibang relihiyon.


HINDI LABAN ANG IGLESIA NI CRISTO
SA TAO KUNDI SA MGA MALING ARAL

Ang Iglesia Ni Cristo ay hindi kailanman nagtuturo ng galit o pagkamuhi sa ibang tao o sa mga kaanib sa ibang mga relihiyon. Kung papaanong itinuturo sa Iglesia Ni Cristo ang pag-iibigang magkakapatid ay itinuturo din sa lahat ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na ibigan ang kapuwa. Ukol dito ay ganito ang pahayag o pagtuturo ng Panginoong Jesus:

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39)

Subalit, ang Panginoong Jesus na nagsabing “ibigin mo ang iyong kapuwa ng gaya ng iyong sarili” ay Siya ring nagpahayag ng sumusunod:

“Ano't hindi ninyo napaguunawa na hindi ang sinabi ko sa inyo'y tungkol sa tinapay? Datapuwa't kayo'y mangagingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo. Nang magkagayo'y kanilang natalastas na sa kanila'y hindi ipinagutos na sila'y magsipagingat sa lebadura ng tinapay, kundi sa mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.” (Mateo 16:11-12)

Pansinin na ang pinapag-iingat ng Panginoong Jesus ang mga tao sa mga maling aral ng mga Fariseo at Saduceo (mga panrelihiyong pangkat ng mga Judio). Hindi lamang nagbigay ng babala ang Panginoong Jesus sa mga tao sa paraang pinapag-ingat sila sa mga maling aral ng iba, kundi pinuna at inilantad Niya ang mga malingaral ng iba:

“At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?
“Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.” (Mateo 15:3 at 7-9)

Pansinin na ibinunyag ng Panginoong Jesus na nilalabag ng mga tradisyon (sali’t saling sabi) ng iba ang utos ng Diyos (katumbas lamang na inilantad Niya na mali ang kanilang sinusunod), tinawag pa Niya ang iba na mapagpaimbabaw (katumbas lang na inilantad Niya na hindi sila tunay), pinuna Niya na ang kanilang paggalang ay sa labi lamang subalit malayo ang puso sa Diyos (katumbas lamang ng paglalantad Niya na mali ang kanilang layunin), inilantad na ayon lang sa utos at aral ng tao ang kanilang batayan at sinusunod (katumbas lamang ng paglalantad na mali ang kanilang aral), at ibinunyag na ang ganitong paglilingkod ay walang kabuluhan sa Diyos (katumbas lang na inilantad Niya na mali ang kanilang paglilingkod).

Pansinin na ang Panginoong Jesus na nagturo na ibigin ang kapuwa ay pumuna sa iba, ibinunyag ang kanilang paglabag at kamalian, at inilantad na walang kabuluhan ang kanilang paglilingkod at pagsamba. Samakatuwid, ang pagbubunyag ng kamalian ng iba ay hindi kawalang respeto o pag-atake, panghuhusga, paninira, kundi bahagi ng itinuro ng Pangnioong Jesus na pag-ibig sa kapuwa. Bakit pag-ibig sa kapuwa ang pagbubunyad ng kamalian o hidwang pananampalataya? Ganito ang sagot ni Apostol Pablo:

“At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.” (Galacia 5:19-21)

Ang pagtataglay ng hidwang pananampalataya ay kabilang sa tinatawag na “gawa ng laman” o kasalanan laban sa Diyos at hindi ikapagmamana ng kaharian ng Diyos. Samakatuwid, kaya pag-ibig sa kapuwa ang pagbubunyag ng kamalian ng ibang relihiyon o tagapagturo ay sapagkat ikapapahamak (hindi ikapagmamana ng kaharian ng Diyos) ang nasa kamalian o ang pagtataglay ng hidwang pananampalataya.

Kaya ang pagbubunyag ng kamalian ay hindi dahil sa kawalang respeto, hindi dahil sa galit o napopoot sa nagtataglay ng hidwang pananampalataya, at hindi dahil sa panunuligsa lamang. Ang pagbubunyag ng kamalian ng iba ay pag-ibig sa kapuwa sapagkat ang kamalian at hidwang pananampalataya ay ikapapahamak. Hindi kami laban sa tao kung ibinubunyag namin ang maling pananampalataya, kundi sa maling aral na ikapapahamak ng tao.


UTOS NG BIBLIA NA ILANTAD ANG NAGTUTURO
NG MGA KAMALIAN AT KASINUNGALINGAN

Hindi lamang ang mga maling aral ang dapat na ibunyag o ilantad. Sa Efeso 5:11 ay ganito ang sinabi ni Apostol Pablo

“Huwag na kayong makikisama sa  mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan  - mga bagay na dulot ng kadiliman.  Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa.” (Efeso 5:11 MB)

Maliwanag ang sinabi ni Apostol Pablo na ilantad ang mga tao mismo at ang kanilang mga gawa. Natutuhan lamang ito ng mga apostol mula sa ating Panginoong Jesus:

“Mga mapagpaimbabaw!  Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo: 'Paggalang na handog sa 'kin ng bayan ko'y paimbabaw lamang, Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri't pagsambang ginagawa nila'y walang kabuluhan, Ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.” (Mateo 15:7-9 MB)

Ibinunyag ng Panginoong Jesus ang pagsalangsang, kapaimbabawan at kamalian ng ibang mga tagapagturo noon. Dahil dito ay nagdamdam sa Panginoong Jesus ang mga Fariseo sa Kaniyang pagbubunyag sa kanilang mga kamalian. Nang sabihin ito sa Kaniya ng Kaniyang mga alagad, ano ang Kaniyang naging pagtugon?

“Lumapit ang mga alagad at kanilang sinabi, "Alam ninyo, nagdamdam po ang mga Parisco sa sinabi ninyo!"
“Hayaan ninyo sila.  Sila'y mga bulag na tagaakay; at kapag bulag ang umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” (Mateo 15:12,14 MB)

Tandaan na ang Panginoong Jesus na nagturo ng pag-ibig sa kapuwa ay nagbunyag ng mga kamalian at ibinunyag ang mga nagtuturo ng kamalian. Ito ay hindi sapagkat sinalungat ng Panginoong Jesus ang Kaniyang turo, kundi ito ay sapagkat pag-ibig sa kapuwa ang ipabatid sa kaniya ang kamalian o hidwang pananampalataya na ikapapahamak niya upang magsilbing babala sa kaniya, sa gayon ay bumalikwas siya at huwag mapahamak. Dahil dito, ganito ang sinasbi ng Biblia na tungkulin ng isang tunay na ministro ng Diyos:

“Ipangaral mo ang Salita; maghanda ka, napapanahon man o hindi; ituwid mo ang mali, sawayin ang namumuhay sa kasalanan, at palakasin ang loob ng mga nanlulupaypay - na may pagtitiyaga at maingat na pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na pakikinggan ng tao ang wastong aral. Sa halip, para masunod ang kanilang mga kagustuhan, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng mga bagay na gusto nilang marinig. Ipagwawalang-bahala nila ang katotohanan at babaling sila sa mga alamat. Kaya magpakahinahon ka, pagtiisan mo ang lahat ng kahirapan, gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral, at gampanan mo ang lahat ng tungkulin mo sa iyong ministeryo.” (II Timoteo 4:2-5 NPV)

Tungkulin ng isang tunay na ministro na ipangaral ang salita ng Diyos na nakasut sa Biblia, kalakip din ang ituwid ang mali at sawayin ang nasa kamalian. Dapat na ibunyag ng isang tunay na ministro ang katotohanan sa tanggapin man o hindi ng tao, sa matuwa man sila o magalit, sapagkat sa Diyos siya nananagot at hindi sa tao. Ibig kasi ng Panginoong Diyos na makarating sa lahat ng tao ang katotohanan upang sila ay magtamo ng kaligtasan:

“Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; 4Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.” (I Timoteo 2:3-4)

Ito ang dahilan kung bakit ibinubunyag po namin ang kamalian – upang ang tao ay makarating sa pagka-alam ng katotohanan sa kaniyang ikaliligtas. Tunay na malinis po ang aming layunin sa pagbubunyag ng kamalian ng iba.


Subaybayan ang aming serye na minaramapat po naming ilathala sa wikang Tagalog na nagbubunyag ng kamalian ng Iglesia Katolika:

ANG PAGBUBUNYAG SA
IGLESIA KATOLIKA

No comments:

Post a Comment

Know why more and more people worldwide convert to Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Learn more about this Church and find out what makes it unique.